Saturday, August 28, 2010

We Could Have Done Better

Tinig sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 27 August 2010)

Muli na namang natuon ang mata ng mundo sa bansang Pilipinas sa dalawang kaganapan na nangyari kamakailan lang kung saan sentro ng atensiyon ang hostage-taker na si Rolando Mendoza, dating Senior Inspector ng PNP (Philippine National Police), na nang-hostage ng isang tourist bus sa may harapan ng Quirino Grandstand sa Manila, at ang kandidata ng Pilipinas sa Miss Universe Beauty Pageant 2010 na ginanap sa Las Vegas, Nevada, U.S.A. na si Venus Raj.

Dalawang magkahiwalay na kaganapan na oras o araw lamang ang naging pagitan, subalit umani ng magkaka-ibang reaksiyon sa Pilipinas at sa buong mundo.

Galit, panlulumo at paghihinagpis ang nadama ng karamihan sa madugong sinapit ng mga hostages sa loob ng tourist bus na Hong Thai Travel kung saan karamiha’y turistang Tsino ang sakay, sa kamay ng hostage-taker na si Mendoza. Walong turista ang napatay nang magsimula ng mamaril si Mendoza na nag-trigger lamang nang mapanood ang footages sa TV sa loob ng bus kung saan kanyang nakita ang kapatid na si Gregorio Mendoza na hinuli at hinarass ng kapulisan nang magtungo roon para mag-negotiate.

Sa aktong iyon, doon na nagbigay ng utos ang head ng assaut team na si Nelson Yabut sa sniper na barilin na si Mendoza. Isang “single shot to the head” ang tumama sa ulunan ng hostage-taker na siya niyang ikinamatay.

Ang malagim na pangyayaring ito ay naiwasan sana kung maayos lamang na nahawakan ang 12-hour hostage-drama crisis. Ito ang nagkakaisang tinig ng mga nakapanood sa kaganapan live on television na nasaksihan din sa buong mundo.

Nagpupuyos sa galit ang mga residente ng Hongkong sa pangyayari at kinondena ng gobyerno ng China ang pagpatay sa mga turista at hiningi sa pamahalaang Aquino na imbestigahan ang insidente na hostage-taking at pagpatay sa mga walang-laban na turista.

“Incompetence” ito ang sigaw ng karamihan sa naging aksiyon ng S.W.A.T. (Special Weapons and Tactics) Team ng Pilipinas sa hostage-taking. Maging ang Pangulong Aquino ay nagsabi na ang kaganapang iyon ay nagpapakita ng kakulangan ng training ng mga kapulisan at ng mga modernong gamit.

In-admit din ng PNP ang pagkukulang subalit huli na ang lahat. Naganap na ang di dapat maganap. Sadya ngang laging nasa huli ang pagsisisi. Sayang. Ito na sana ang pagkakataon na maipakita sa mundo ang husay natin sa pagharap sa mga ganitong krisis at sitwasyon, subalit muli tayong kinapos. We could have done better, but we fall short.

Super nakakahiya tayo sa buong mundo. Sibakin lahat ng mga pulis na involve doon. Nakakababang-uri sa ating mga Pinoy ang ganito”, ang sentiyemento ng isa nating kababayan.

Panghihinayang din ang nadama ng ilang mga Pilipino sa tiyak na pagkapanalo sana ni Venus Raj bilang Miss Universe 2010. Bagama’t isa ng accomplishment na mapiling 4th Runner-up sa prestihiyosong patimpalak na ito. Yun nga lamang masasabing muli tayong kinapos at yun ay dahil sa di akmang sagot ni Venus sa Q&A portion na siyang mas binibigyan ng higit na puntos ng ano mang beauty pageant.

Venus had done her part well in the beauty department. She did a good job.

Ang kanyang kakaibang kagandahan, poise and charm ang nagdala sa kanya bilang isa sa top 15 finalists hanggang sa mapasama siya sa top 5. Subalit siya’y kinapos sa napakahalagang bahagi at sangkap ng isang kumpletong personalidad – ito ay ang karunungan. Pagka’t hindi lamang kagandahan ang dapat taglay ninuman kungdi ang isang malinaw at listong pag-iisip.

Muli, pagkakataon sana natin na maipakita sa buong mundo ang galing ng Pinoy na dapat hangaan at igalang, di lamang sa kagandahan kungdi maging sa dunong at tining ng loob.

We could have done better. Kung ang ating educational system, ang sosyedad na ating ginagalawan, pati na ang iglesya at pamahalaan ay bibigyan ng higit na pansin ang paglilinang ng kaisipan ng mga kabataan, ng tamang edukasyon at sapat na gamit at tulong upang maka-likha tayo ng isang matalinong mamamayan.

Sayang. May ikatlong Miss Universe na sana tayo. Gayunpaman, we’re proud of you Venus. Nawa’y marami pang Venus ang tulad mo na magsikap at magtiyaga, at marami pa sanang Venus ang tulungan ng ating sosyedad at pamahalaan na magtagumpay sa kani-kanilang larangan.

We could have done better.

Wednesday, August 25, 2010

Maayos at Mabilis na Proseso Nakita sa Nakaraang EOW


Tinig sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 25 August 2010)

Muling dinagsa ng mga OFWs ang Multi-Purpose Function Hall ng IPSA (International Philippine School in Alkhobar) nitong nakaraang Huwebes at Biyernes (19 and 20 August 2010) upang mag-renew ng passport at mag-avail ng iba pang consular services sa isinagawang Embassy On-Wheels (EOW) dito sa Eastern Province, Saudi Arabia.

Subalit di tulad ng nakaraang EOW, higit na maayos at mabilis ngayon ang proseso ng verification, encoding at releasing. Nagkaroon lamang ng kaunting aberya sa bayaran dahil agad natambakan ito ng mga magbabayad, sanhi na rin ng mabilis na daloy sa verification. Kung kaya’t pansamantalang inihinto ang pagtanggap ng application hanggang mabawasan ang pila sa bayaran.

Sa kabuuan, naging mapayapa ang isinagawang EOW at walang ano mang naging problema kumpara noong nakalipas na buwan. Salamat sa agarang pagtugon at aksiyon ng Embahada sa puna ng ilan nating mga kababayan patungkol sa kaganapan sa Embassy On-Wheels at sa pakikipagtulungan ng mga opisyales ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission), ng EOW volunteers at Marshals mula sa GRII (Guardians Republican International, Inc. – Desert Scorpion Chapter) at SMPII.

May mga bagong hakbang na ipinatupad sa nakaraang EOW tulad ng pagbibigay ng numero sa mga nakapila kung saan ang taga-Embahada na mismo ang nag-distribute upang matiyak na ang mga nauna sa pila (na ang ilan ay naroroon na sa IPSA Miyerkules pa lang ng gabi) ay tiyak na mabibigyan ng numero at hindi masisingitan ng iba.

Naglagay na rin ng cordon sa likuran ng verification upang matiyak na walang sinumang makakalapit upang isingit ang kanilang application at hindi na daraan pa sa pila.

Gayundin, may bakod na ring inilagay sa may entrance ng Multi-Function Hall ng IPSA upang maging maayos ang daloy ng mga aplikante at masiguradong yun lang may legitimate na pakay lamang ang makakapasok.

Natukoy na rin ang kababayan natin na sumisingil ng isang Riyal sa bawat pahid ng glue stick sa litrato ng mga aplikante. Ito’y pinagsabihan na at pinagbawalan na gawin ulit iyon. Kung may nalalaman tayo na gumagawa pa nito o ano mang pagsasamantala sa kapwa OFW, ipagbigay-alam po agad natin ito sa opisyales ng Embahada o ng AFCSCOM upang agad ma-aksiyunan.
Ang pakikipagtulungan ng bawat isa ay kailangan upang ang pagsasagawa ng Embassy On-Wheels dito sa Eastern Province ay maging higit na kapakinabangan sa bawat OFWs.

Ang proyektong Embassy On-Wheels ay isang napakalaking tulong at serbisyo na inihahatid ng ating Embahada sa mga OFWs dito sa Eastern Province. Dahil kung wala ito, kailangang magtungo pa sa Riyadh ang sinumang mangangailangan ng consular services ng Embahada tulad ng passport renewal, notarization, reporting of birth and marriage, atbp. kung saan gugugol ng mahigit na apat na oras sa biyahe dagdag pa ang gastos pagtungo roon.

Kaya’t malaking pasasalamat ang ipinapaabot ng mga OFWs dito sa Eastern Province sa ating Embahada sa serbisyong ito at maging sa mga volunteers at marshals ng EOW na handang magtiis mapaglingkuran lamang ang kapwa OFWs.

Samantala, muling nagpulong ang opisyales ng AFCSCOM at si Consul Romulo “Jun” Israel ng Philippine Embassy nitong nakaraang Huwebes upang higit na mapaayos pa ang EOW. Ilan sa mga napagkasunduan ay ang pag-identify ng mga legitimate volunteers and marshals at pagbibigay ng orientation at training sa mga ito upang mapahusay pa ang serbisyo ng bawat isa. Bagama’t ito’y libreng serbisyo na ipinagkakaloob ng mga volunteers at marshals, mainam pa rin na may kaayusan ang lahat upang maiwasan ang ano mang problema o di magandang kaganapan sa mga susunod na pagdaraos ng EOW.

*********

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Pag-alis sa Amo ng Walang Paalam

Hello Sir Max. Si Maya po eto dito sa Bahrain. Nagwo-work bilang housemaid. 10 months na rin ako rito sa amo ko pero balak ko na sana umalis sa kanila ng hindi nagpapa-alam. Ngayon pag naka-alis ako sa kanila, gusto ko sana tumuloy sa pinsan ko dito sa Bahrain at dun ko na lang asikasuhin na makuha ang passport ko. Ngayon po ang tanong ko – karapatan ko po ba sa amo ko na bigyan ako ng release paper para maghanap ako ng ibang employer? Kasi po ang dami kong trabaho dito sa kanila. Wala rin pong day-off. Thanks and God bless. – Maya of Bahrain

Kabayan, kung nagnanais kang magtrabahong muli sa iba at kakailanganin mo ang release letter sa amo mo at pati na ang iyong passport, dapat na umalis ka sa kanila ng maayos at hindi yung tatakas ka na lamang o aalis ng walang paalam. Mainam na kausapin mo ng maayos ang iyong amo. Naniniwala akong mauunawaan ka niya kung sasabihin mo ang iyong plano at saloobin. May karapatan kang humingi ng release letter kung maayos ang iyong pag-alis at walang reklamo ang iyong amo. - Max

Saturday, August 21, 2010

Ramadan Friendship Games 2010, Sinimulan Na

Ang mga koponang lumahok sa makulay na parada na ginanap sa Ramadan Camp. Ang team ng Dabocol (in Pink Jersey) kasama ang iba pang koponang lumahok Si Max Bringula, AFCSCOM Deputy Chairman, habang nagbibigay ng kanyang pananalita. Ang Overall Chairman na si Tariq Qais matapos magbigay ng Welcome Remarks.

Tinig Sa Disyerto
by Max Bringula (Abante ME Edition, 20 August 2010)

Opisyal na sinimulan noong Biyernes, 13 August 2010, ang kinapapanabikang Ramadan Friendship Games 2010, isang Open Invitational Basketball Tournament na itinaguyod ng Alkhobar Islamic Center, sa pakikipagtulungan ng United Filipino Sports Association (UFSA).

Ginanap ang Opening sa Basketball Court ng Ramadan Camp, Alkhobar Islamic Center sa may cross section ng King Abdulaziz Road at Alkhobar-Dhahran Road, Saudi Arabia kung saan labing-walong koponan ng mga manlalarong Pinoy at Tsina ang lumahok sa tatlong kategorya. Ito ay ang mga sumusunod:

Open League C-1: ESPE, Fire Ball, Zahid Tractor, Al Mojil – Dammam, Sargo at Al Mojil – Jubail

Open League C-2: Saudi Consult, Seven Eleven Restaurant, 2nd Industrial City Selection, Al Rasha, China Team at Al Juffali

Open League C-3: Rezayat, National Petroleum, Dabocol, Al Sharq Company, Air Base at Tripoli Sweet

Tulad ng nakagawian, sinimulan ang Opening sa isang makulay na parada ng mga koponang kalahok at sinundan ng Welcome Remarks ni Tariq Qais, Overall Chairman ng Ramadan Friendship Games, kung saan pinasalamatan niya ang mga koponan na nakibahagi sa kauna-unahang Ramadan Friendship Games sa Alkhobar. Kanyang hinikayat ang bawat isang naroroon na suportahan ang bagong pa-liga na ito at mag-imbita pa ng kanilang mga kababayan, Muslim man o Kristiyano.

Pagkatapos nito, nagbigay naman ng Inspirational Talk si Bro. Dawood David, isang Islamic Propagator. Kanyang ipinaliwanag sa mga naroroon kung bakit ang Islam ay isang “religion of equality”. Ang nasabing liga ayon sa kanya ay bukas di lamang sa mga Muslim kungdi maging sa mga Kristiyano man. Tinatayang masusundan pa ang ligang ito sa mga susunod na taon.

Ang inyong lingkod na naanyayahan sa nasabing okasyon bilang Deputy Chairman ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission) in community affairs, at bilang manunulat at kolumnista sa Abante Middle East Edition, ang siya namang naatasan para sa Closing Remarks. Sa aking pananalita, pinaalalahanan ko ang mga koponang naroroon na maging mahinahon sa kanilang paglalaro. Bagamat maaaring di maiwasan ang may masaktan dahil ito’y larong-pisikal, dapat pa rin ipakita ang pagkaka-isa at pagmamahalan bilang mga Pilipino. Sa huli, aking binati ang bawat manlalaro at hinangad ang tagumpay ng liga mula sa paninimula nito hanggang sa pagtatapos.

Pinangunahan naman ni Jeffrey Zablan, MVP ng UFSA 2008 ang Oath of Sportsmanship, bago tuluyang sinimulan ang larong naka-iskedyul sa araw na iyon sa pagitan ng China Team vs. 2nd Industrial City Selection at sa pagitan ng Al Sharq vs. Dabocol.

Ang ceremonial toss ay pinangunahan nina Tariq Qais at Abdulaziz ‘Jawo’ Dizon, Commissioner ng UFSA.

Sa isinagawang laban, nagwagi ang koponan ng Pinoy laban sa koponan ng Tsina o China Team. 71 points ang naging score ng 2nd Industrial City Selection kumpara sa 39 points ng China Team. Naging sports naman ang mga manlalaro ng China Team sa pagtanggap ng kanilang pagkatalo sa mga manlalarong-Pinoy. Natalo man, nakapag-dulot naman sila ng kasiyahan sa mga manonood at mga basketball aficionados na naroon upang saksihan ang kakaibang labang iyon.

Ang naglaro sa 2nd Industrial City Selection at ang kanilang individual points ay sina Ronan Mandia (16 pts), Bunso Vinias (12 pts), Jorex Laurente (9 pts), Arnel Marjes (12 points), Jomar Gatdula (6 pts), Gidion Cada (6 pts), Bornok Buemia (8 pts), at Melchor Montero (2 pts).

Sa China Team naman ay sina Zhoo Yunshi (19 pts), Gao Lingzhi (9 pts), Yang Gingling (2 pts), Lu Zhan (2 pts), Xiao Hing (5 pts), at Zhu Mingxiong (2 pts).

Sa pagitan ng Dabocol at Al Sharq, nagwagi ang huli sa score na 49-40. Ang mga naglaro sa Al Sharq ay sina Arnel Majen (16 pts), Jeff Sumbillo (12 pts), BJ Tobillo (8 pts), Gilbert Silvosa (7 pts), at Noel Sumbillo (6 pts). Sa Dabocol naman ay sina Saleh Bermudo (10 pts), Ahmad Faustino (2 pts), Mohamad Isa Agustin (16 pts), Abdul Malik (8 pts) at Mohd Nagera (4 pts).

Ang iba pang mga susunod na laro ay gagawin sa mga darating na araw hanggang sa pagtatapos ng ligang ito sa 02 September 2010. Magkakaroon naman ng isang Special Event sa petsang ito, ang Inter-Regional Goodwill Games kung saan maghaharap ang EEI/ARRC (Jubail) at ang Snickers (Dammam).

Ipinapaabot ng pamunuan ng Ramadan Friendship Games 2010, Open Invitational Basketball Tournament ang pasasalamat sa kanilang sponsor na si Abdulaziz Abood Baasem, Director - Department of Awareness of Communities.

Ang bumubuo ng Executive Committee ng nasabing liga sa taong 2010 ay ang mga sumusunod: Abdulaziz ‘Jawo’ Dizon (Commissioner), Victor Delos Santos (Director-General), Arnold Valdez (computer Wizard/Designer), Faisal ‘JDC’ Dizon (Scheduler/Coordinator), mga Technical Staff na sina Edwin Beltran, Noel Sentilles, Danny Balogo, Jojo Domingo, Raymond Gonzales, at Denden Abaya, at si Tariq Qais Al-Sugair bilang Advisor at Overall Chairman – Sports Program.

Tuesday, August 17, 2010

EOW Pag-iibayuhin (Woe on EOW – Last in a Series)

Si Ambassador Antonio P. Villamor habang nagsasalita sa isang pulong ng mga community leaders.

Tinig sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 18 August 2010)

Tuloy pa rin ang pagdaraos ng Embassy On-Wheels (EOW) sa Alkhobar, Eastern Province, Saudi Arabia na isinasagawa kada buwan ng Philippine Embassy, Riyadh. Ito ang tiniyak ni Ambassador Antonio P. Villamor sa advisory na kanilang inilabas nung Biyernes, 13 August 2010.

Muling tutungo sa Alkhobar ang mga opisyales at kawani ng Embahada sa darating na Huwebes at Biyernes (19 and 20 August 2010) upang maghatid ng consular services tulad ng passport renewal, notarization, authentication of documents, report of birth and marriage, at iba pang serbisyo sa mga kababayan natin.

Sa pakikipagtulungan ng mga community leaders at EOW volunteers, sisikapin ng Embahada na pag-ibayuhin pa ang pagsasagawa ng Embassy On-Wheels sa silangang bahaging ito ng Saudi Arabia kung saan mayroong apat na raang libo (400,000) documented OFWs na nagtratrabaho at naninirahan upang matugunan ang dumaraming mga aplikante.

Sa buwang ito, mayroong 900 passport na nakahanda for releasing, at may 500 aplikante mula sa nakaraang EOW ang tinatayang darating para sa encoding. Sa mga bagong mag-a-apply naman, may nakalaang 400 na tatanggapin sa Huwebes at 200 naman sa Biyernes. Yung lalagpas sa 600 ay tatanggapin pa rin ang kanilang aplikasyon at processing fee, subalit sa susunod na EOW na ang kanilang encoding. Sila ang uunahin sa darating na buwan.

Dagdag pa sa bilang na ito ay ang mga magpapa-notarize ng affidavits at SPA (Special Power of Attorney), at nangangailangan ng police clearance, na marami-marami rin naman ang bilang.

Upang maiwasan ang naging kaganapan noong nakaraang EOW kung saan dumagsa ang dami ng aplikante sanhi ng hindi pagkakaroon ng EOW sa halos mahigit isang buwan at nagdulot ng di magandang karanasan sa iba nating mga kababayan, nakiusap ang butihing Ambassador ng Pilipinas sa mga community leaders sa Eastern Province at mga volunteers at marshals na higit na mapagbantay sa kanilang hanay upang mapanatili ang mataas na antas ng “volunteerism” o ng pagtulong.

Nananawagan din siya sa lahat ng mga kababayan natin na maging mahinahon lalo na sa buwang ito ng Ramadan kung saan ang iba’y nasa pag-aayuno, dagdag pa ang labis na init ng panahon na nararanasan sa taong ito na maaaring maging sanhi ng dagling pag-init ng ulo at pagtaas ng emosyon.

Higit na kailangan ngayon ang pagtutulungan ng bawat isa upang matiyak ang kaayusan ng ginaganap na Embassy On-Wheels (EOW).

Gaganapin ang EOW sa Multi-Purpose Function Hall ng IPSA (International Philippine School in Alkhobar) sa ganap na ika-walo ng umaga (8:00 AM) hanggang ika-lima ng hapon (5:00 pm) ng Huwebes, 19 August, at mula ika-walo ng umaga (8:00 AM) hanggang tanghali (12:00 noon) naman ng Biyernes, 20 August.

Nakahanda na ang grupo ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission) na siyang katuwang ng Embahada sa pagsasagawa ng EOW sa Eastern Province para mapanatili ang kaayusan sa gaganaping EOW sa Huwebes at Biyernes, kasama ang mga marshals mula sa GRII at SMPII.

*********

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Tugon ng AFCSCOM sa liham ni Mr. Chito Camcam

Dear Mr. Camcam, thank you for your e-mail on your experiences in the last EOW held on 15 and 16 July 2010. I can say that your comments are valid and constructive. These are the kinds of feedback that we need and that requires action. I will reply as one of the Lead Volunteers and a member AFCSCOM who initiated this Project – Embassy on Wheels (EOW) in the Eastern Region, years ago.

Though, we continue to try our best to make the process smoothly, it’s quite difficult to control the influx of the applicants. The EOW, lately, is being held almost every two months which is beyond our control and even beyond the control of the Philippine Embassy as the approval and budget for the EOW comes from Manila, unlike before that we had the EOW almost monthly. The only solution to the problem is to have the EOW at least once or twice a month here in the Eastern Region. The fact is we submitted a position paper personally handed over to former President, Gloria Macapagal-Arroyo during her last visit here, strongly requesting to hold the EOW here in the Eastern Region at least monthly or twice a month. After her visit we had the monthly EOW for a few months only. We are in the process to forward (again) another position paper to DFA and to our new President in this regards. Hopefully, with much push and prayers, our request will be granted. We also had a meeting with Consul Israel in this regards last Thursday and he gave us a go signal to submit (again) a new position paper attaching our previous letter. We also raised our other concerns ref EOW process with him last Thursday as he was also very concerned about the OFWs waiting outside under the heat of the sun and the humidity. Hopefully, something good will come out of this and a better EOW would be seen in the coming months.” – Roi Alojado, Lead Volunteer - EOW

Tuesday, August 10, 2010

Ramadan in Summer Time

Max Bringula (Abante ME Edition, 11 August 2010)

Tinatayang magiging mainit ang panahon sa buwan ng Ramadan na magsisimula sa Miyerkules, 11 August 2010 (o 01 Ramadan sa Hegira Calendar) at magtatapos sa 09 September 2010. Ito’y sa dahilang natapat ang itinuturing na buwan ng pag-aayuno at pinakamahalagang buwan para sa mga Muslims sa panahon ng tag-araw o tag-init di lamang sa Saudi Arabia kungdi sa buong Middle East. Bagama’t maaaring lumamig din naman sa huling araw ng Ramadan (o unang linggo ng Setyembre).

Bago pa nga pumasok ang buwan ng Ramadan ay matinding init na ang nararanasan sa buong rehiyon ng Gitnang Silangan na may manaka-nakang humidity lalo na sa lugar na malapit sa karagatan.

Dahil dito, maingat na itinatagubilin sa lahat – Muslim man o Kristiyano, lokal man o mga banyaga, na sikaping ipairal ang kahinahunan at malawak na pag-unawa sa mga nag-aayuno – maging ito man ay mga kasama sa trabaho, sa bahay o kung saan mang lugar na naroroon tayo sa buong buwan ng Ramadan.

Ang di pagkain o pag-aayuno sa araw, lakip ang lubhang init ng panahon ay maaaring makapagdulot ng labis na pagod, biglang pag-silakbo ng emosyon at pag-init ng ulo. Kung kaya’t nararapat na higit na pag-unawa ang ating ipakita at paggalang sa tradisyon at paniniwala ng mga kasamang Muslims upang di makasakit ng damdamin o kalooban.

Ang buwan ng Ramadan ay itinuturing na banal na buwan para sa mga Muslims kung saan sa panahong ito ay ginaganap nila ang isa sa haligi (o pillar) ng kanilang pananampalataya, ang pag-aayuno o ang hindi pagkain at pag-inom mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito.

Medically speaking, may magandang idinudulot ang pag-aayuno. Inaalis nito ang mga toxics (o basura) sa loob ng ating katawan. Magiging magaan ang pakiramdam kapag naaalis ang mga ito. Sa espirituwal, higit na kalakasan naman ang nakakamit ng pag-aayuno lalo na kung ito’y sasabayan ng panalangin.

Sa mga di Muslims, narito ang mga dapat tandaan sa buwan ng Ramadan:

1) Iwasang kumain o uminom sa publikong lugar. Kung kailangang kumain o uminom, gawin ito sa bahay o lugar na walang makakakita sa inyong katutubo o Muslims.

2) Sa mga naninigarilyo, iwasan ding gawin ito sa publikong lugar. Mainam pa nga kung maititigil na ang paninigarilyo pagkat wala namang buting idinudulot ito sa kalusugan.

3) Maging maunawain sa mga kasamang Muslims pagkat ang di pagkain o pag-inom ay maaaring magdulot o maging sanhi ng madaling pag-init ng ulo o pag-taas ng boses ng kausap. Manatiling mahinahon at solusyunan ang ano mang problema sa maayos na paraan.

4) Mag-ingat sa pagmamaneho lalo na during rush hours o yung bago mag-Iftar, which is normally between 5:30 to 6:00 P.M. kung saan nagiging congested ang daan at minsa’y lumilikha ito ng traffic jams dahil marami ang nagmamadaling umuwi para sa Iftar o upang i-break ang kanilang fasting.

5) Ang working hours sa ibang kumpanya ay nagtatapos ng maaga during Ramadan. Kaya’t dapat planuhing maigi ang gagawin para di mabibinbin ang ano mang trabaho.

Sa mga nag-aayuno naman, narito ang mga dapat ding tandaan:

1) Ang di pagkain at pag-inom ay nakakabawas ng concentration and alertness, at nakapagdulot ng agad na pagkapagod. Kaya mainam na magkaroon ng sapat na pahinga at pagtulog sa pagitan ng Iftar at Sahoor upang makakuha muli ng panibagong lakas.

2) Dahil sa di pagkain o pag-inom, ang ating katawan ay di nakakakuha ng sapat na nutrients na kakailanganin niya para malabanan ang pagod at init ng panahon, kung kaya’t maaaring makaranas ng pagsakit ng ulo, pagkapagod at pagkahilo. Dapat ma-identify ang mga sintomas na ito at agad magpahinga kung kailangan upang maka-iwas sa ano mang disgrasya na maaaring mangyari kung ito’y babalewalain.

3) Kung pagod at kulang sa tulog, iwasang mag-maneho. Kumuha muna ng sapat na pahinga bago gawin ito. Kung kailangang magpaalam sa trabaho ay gawin sa halip na ilagay ang sarili sa panganib.

Ilan lamang ito sa mga paalala na dapat tandaan upang maging isang pagpapala ang buwan na ito di lamang sa mga kasamang Muslim kungdi maging sa bawat isa sa atin.