Wednesday, October 19, 2011

Pagpapalit ng Kontrata (Saudi Labor Law, Series 5)

by Max Bringula
published in Abante ME Edition, 19 Oct 2100

Isa sa madalas na problemang kinahaharap ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa abroad ay ang contract switching o pagpapalit ng kontrata sanhi ng pakikipag-kuntsaba ng mga ahensiya sa atin sa employer na kumukuha ng trabahador.

Ang kalakarang nangyayari ay papapirmahan ang bagong dating na trabahador o bago ito magsimula ng kanyang trabaho ng panibagong kontrata kung saan ang suweldo ay binawasan mula sa orihinal na halagang pinirmahan sa Pilipinas.

Kapag naman tumanggi ang pobreng manggagawa, tatakutin itong papauwiin at pagbabayarin ng lahat ng nagastos ng kumpanya sa kanya pati na ang pamasaheng pabalik sa Pilipinas.

Kung kaya’t mapipilitan na lamang ito na pumirma na minsa’y purong Arabic pa at walang English translation. Lalo na nga’t kapag sumagi na sa isipan niya ang mga nagastos para makapag-abroad lamang at ang pamilyang umaasa at naghihintay ng kanyang padala.

Minsan naman, sa airport pa lamang ay may papapirmahan ng bagong kontrata o kaya’y Waiver na nagsasabing di sila tutol sa ibabawas sa kanilang suweldo. At dahil nasa airport na at nagkasubuan na kumbaga dahil nakapag-benta na ng kalabaw, nakapag-sanla ng sakahan, at kung anu-ano pang kompromisong natanguan, iiling-iling na lamang pipirma ang kaawa-awang manggagawa.

Gayunpaman, dapat bang hayaan na lamang ang ganitong panloloko? Magbubulag-bulagan na lamang ba’t magbibingi-bingihan sa mga kaapihang ito na nararanasan ng ilan nating mga kababayan? Wala bang batas na pinaiiral upang maparusahan ang gumagawa nito?

Mayroon naman, yun nga lamang dapat maging mapagbantay ang bawat isa upang di mababale-wala ang mga batas na isinagawa para mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng manggagawang Pilipino.

Kamakailan lamang ay ipinasara ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang Workgroup Travel Agency sa Pilipinas na nanloko ng mahigit na isandaang manggagawang Pilipino na kanilang ni-recruit para sa Al Ewan Company.

Lumapit ang mga kababayan nating ito na nagtratraho sa Al Ewan Company sa Pag-asa Community Support Group, isang Filipino community group sa Eastern Province, Saudi Arabia na tumutulong sa mga distressed workers. Idinulog nila ang tungkol sa pagpapalit ng kanilang kontrata kung saan nabawasan ang kanilang buwanang suweldo.
Mula sa dating One Thousand One Hundred Twenty Five Saudi Riyals (SR 1125), ito’y ginawa na lamang Six Hundred Fifty (SR 650).

Sa dagliang pagkilos ng mga kawani ng Embahada at POEA, muling naibalik sa dating orihinal na halaga ang kanilang suweldo.

A. Ano ang sinasabi at nakasaad sa Saudi Labor Law patungkol sa Pagpapalit ng Kontrata?

Ang Pagpapalit ng Kontrata ay pagsasagawa ng panibagong kontrata na kaiba sa naunang pinirmahan at napagkasunduan.

Pinahihintulutan lamang ang pagsasagawa ng Pagpapalit ng Kontrata kung may pagkakaunawaan ang dalawang partido (manggagawa at nagpapa-trabaho) patungkol sa karagdagang kundisyones, o pagwawasto, pagsasa-ayos ng kontrata o bahagi ng kontrata, o mga salitang dapat na gamitin.

Hindi matatawag na legal ang Pagpapalit ng Kontrata kung hindi malayang pinahihintulutan ng alin man sa magkabilang partido ang pagbabagong gagawin.

Subalit kung ang pagbabago o pagpapalit ay ginamitan ng dahas, ng puwersa o pananakot, o ng pandaraya, ang kontratang ipinalit at pinirmahan ay pinawawalang-bisa.

Ang pinalitang kontrata ay pinawawalang-bisa rin ito kung ang kontrata o ang salitang ginamit o kundisyones na nakalahad ay lihis sa umiiral na batas, kahiman ang manggagawa ay malayang pumayag sa pagbabago nito.

B. Pinapayagan bang ibaba ang sahod ng trabahador sa loob ng panahon ng kontrata?

Labag sa batas na ibaba ng employer ang pasahod sa kanyang mga trabahador, na walang makatarungang dahilan sa loob ng panahon ng kanyang pinirmahang kontrata, at kung walang pahintulot mula sa manggagawa.

C. Ang employer ba ay puwedeng mag-utos sa isang manggagawa na gawin ang trabahong kaiba sa napagkasunduang gagawin o gagampanang trabaho?

Ayon sa patakaran, hindi kailanman pinapayagan ang employer na magpagawa o mag-utos sa kaniyang trabahador na gawin o gampanan ang tungkulin na kaiba sa napagkasunduan sa kontrata na walang pahintulot sa manggagawa.

Gayunpaman, maliban sa mga kasong pangangailangan na hindi maiiwasang gawin, hindi maaaring utusan ang trabahador na gawin itong sapilitan, maliban lamang kung may kasulatan ang manggagawa na pumapayag siyang gawin ang trabahong ibinibigay sa kaniya ng employer na pansamantala lamang.

*****

Sa susunod na serye, tatalakayin naman natin ang tungkol sa Patakaran sa Oras ng Patrabaho (o working hours), sa Days Off at sa Paid and Unpaid Leave.

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Sunday, October 9, 2011

Philippine Ambassador Ezzedin Tago Meets with Saudi Ministers

Si Amb. Tago habang kausap ang Saudi Ministry of Foreign Affairs na si HRH Prince Khalid bin Saud bin Khalid.

Si Ambassador Tago habang kausap ang Saudi Minister of Agriculture na si H.E. Dr. Fahd bin Abdulrahman bin Balghunaim.

by Max Bringula
Published in Abante ME Edition


Dalawang mahalaga at magkasunod na okasyon ang naganap kamakailan lamang sa relasyon ng bansang Saudi Arabia at Pilipinas.

Ito’y nang bumisita sa Saudi Ministry of Foreign Affairs at Saudi Ministry of Agriculture ang bagong Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia, H.E. Ezzedin Tago.

Inaasahan na ang pagbisitang ito ay magpapalawig pa ng relasyon ng Pilipinas at Saudi Arabia kung saan mayroong mahigit na isang milyong OFWs na naninirahan at nagtratrabaho.

Unang binisita ni Ambassador Tago ang Headquarters ng Saudi Ministry of Foreign Affairs sa Riyadh kung saan kanyang nakadaupang-palad ang Minister Assistant ng Saudi Ministry of Foreign Affairs na si HRH Prince Khalid bin Saud bin Khalid.

Malugod na tinanggap ni HRH Prince Khalid ang bagong Ambassador sa kanyang opisina lakip ang pagbati at hangarin ng tagumpay sa tungkulin nito na mapainam ang ugnayan ng dalawang bansa.

Nabanggit ni HRH Prince Khalid na ang huling pagbisita niya sa Pilipinas ay noong 2009 kung saan pinangunahan niya ang pasinaya ng bagong gusali ng Saudi Embassy sa Makati.

Ayon sa Assistant Minister, HRH Prince Khalid, malaki ang paghanga at pagtitiwala ng Saudi Arabia sa mga manggagawang Pilipino dahil sa kanilang pagiging professional at dedikasyon sa trabaho. Kanyang hangad na nawa’y lumawig pa ang oportunidad ng manggagawang Pilipino sa pagtratrabaho sa Saudi Arabia.

Samantala, nagtungo rin sa Ministry of Agriculture sa Riyadh si Ambassador Tago upang katagpuin ang Saudi Minister of Agriculture na si H.E. Dr. Fahd bin Abdulrahman bin Balghunaim.

Natalakay sa pulong na nabanggit ang pagpapainam pa ng ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng Agrikultura. Inihayag ng Saudi Minister of Agriculture ang buong suporta ng Saudi Arabia sa mga proyektong naglalayong mapalawig ang pagtutulungang technical sa pananim at palaisdaan (agriculture and fisheries).

Tiniyak naman ng butihing Ambassador na handang makipagtulungan ang Pilipinas sa Saudi private sector at sa Saudi Chamber of Commerce and Industry upang higit na mapalaganap ang bilateral trade and investments ng dalawang bansa.

Ipinaabot din ni Ambassador Tago sa Saudi Minister ang imbitasyon ng Pilipinas na magdagdag pa ng investment nito sa Pilipinas.

Ipinagmamalaking binanggit ni H.E. Dr. Fahd ang huling pagbisita niya sa Pilipinas noong May 2009 kasama ang iba pang delegasyon mula sa Saudi Arabia na ang pakay ay para tumingin ng “lucrative investments” sa Pilipinas. Silay tumungo at pumasyal noon sa Manila at Davao.

Kasama sa meeting na ito nina Ambassador Tago at Saudi Minister Dr. Fahd sina Faisal Abdullah, Philippine Commercial Representative na naka-base sa Philippine Consulate sa Jeddah, at si Paul Saret, Third Secretary and Economic Officer na naka-base naman sa Philippine Embassy, Riyadh.


TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Saan Puwedeng Magpa-Notarize sa Alkhobar

Hi Sir Max, I’m Angelic from Mandaluyong. My husband is currently working at Alkhobar, Saudi Arabia. I keep on searching in the internet regarding notarization sa Alkhobar. Baka po may alam kayo kung saan po puwedeng magpa-notarize ng SPA (Special Power of Attorney) sa Alkhobar. Maraming salamat po. – Angelic, Mandaluyong, Philippines

Dear Angelic, salamat sa iyong pagsulat. Walang Embahada o Konsulada rito sa Alkhobar, Saudi Arabia. Kung kaya’t walang regular consulate services na isinasagawa sa Alkhobar tulad ng notarization. Nagkakaroon lamang ng buwanang Embassy On-Wheels (EOW) tuwing katapusan ng buwan kung saan bumibisita sa Eastern Province, Saudi Arabia ang mga taga-Embahada para magsagawa ng passport renewal at notarization. Maaaring magpunta ang Mister mo kung magpapa-notarize siya kapag may Embassy On-Wheels na ginaganap tuwing katapusan ng buwan sa Al Jazeera International School sa Dammam.

Ang susunod na EOW schedule ay sa 20 at 21 ng October 2011. Maaari siyang tumawag sa telepono 4821802 / 4823559 – Philippine Embassy, Riyadh o sa 8941846 / 8942090 – POLO, Eastern Region Operations para sa eksaktyong schedule nito.

Tuesday, October 4, 2011

Ngiti sa Gitna ng Unos

by Max Bringula Chavez
Published in Abante ME Edition


Ang Pinoy ay may isang katangi-tanging ugali na maipagmamalaki mo, ugaling mamamalas sa mga kuhang larawan at gumagalaw na imahen na mapapanood sa telebisyon, YouTube, at social-networking sites. Ugaling bibihira mong makita sa ibang lahi at bansa.

Ang aking tinutukoy ay ang ugali nating nakangingiti sa gitna ng unos at nararanasang kalamidad.

Tulad na lamang ng mga larawang kuha sa nakaraang pananalanta ng bagyong Pedring na makikita n’yo sa artikulong ito.

Mga kabataang nagtatampisaw sa tubig at nagkakatuwaan gayong sa kanilang likuran ay humahampas ang nagngangalit na mala-tsunaming alon na maaaring kumitil ng buhay.

Hindi nila alintana ang kapahamakang maaaring dumating maranasan lamang ang kakaibang galak na madarama dulot ng tubig at alon.

Gayundin naman ng larawang ito ng lalaking bitbit ang ang kanyang kaibigang aso. Aninag na aninag mo ang kasiyahan sa kanyang mukha habang karga-karga ang asong nagtataka pa marahil sa nagaganap sa paligid.

“Walang iwanan” yan marahil ang sambit niya sa kaibigan. Kung kaya’t hindi alintana ang haba at taas ng bahang babaybayin mailigtas lamang ang kaibigang minamahal.

Hindi ba’t ganyan din tayong mga Pinoy? Kung para sa ating mahal sa buhay, handa tayong harapin ang ano mang hirap na susuungin ng walang paghihinagpis o kalungkutan bagkus taglay ang ngiti at kagalakang maibigay sa minamahal ang saya at kaginwahaan sa buhay.

Alam kong maraming kapwa ko OFWs ang makare-relate sa aking tinuran. Gayundin ang katotohanan na sa gitna ng unos, ng kahirapan, ng sakit ng katawan at kalooban, may ngiti pa ring nananalaytay sa ating mga labi lalo na nga’t kung ang sanhi ng mga ito’y para sa minamahal. Handang magtiis. Handang mag-sakripisyo.

Sa totoo, malaki ang nagagawa ng pag-ngiti. At ito marahil ang dahilan kung bakit tayong mga Pilipino ay nakatatagal, nakapagtitiis, nakapagtitiyaga gaano man kahirap ang ating trabaho, o gaano man pasaway ang ating mga kasamahan sa lugar ng ating trabaho.

Ito ang dahilan kung bakit ang mga Pilipino ay siyang inaasahan at ipinagmamalaki ng mga banyaga sa mga kumpanyang ating pinagtratrabauhan.

May diskarte raw kasi ang Pinoy. Nakakangiti at masiyahin. Tinatawanan ang problema bagama’t may aksiyon din namang kaakibat na ginagawa.

Kaya nga’t huwag pagtakhan ang ugaling ito ng Pinoy. Huwag mabigla sa larawang ating nakita.

Sapagka’t yan ang Pinoy – nakakangingiti sa gitna ng unos.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Pagsunod sa Napagkasunduang Kontrata

May problema po kami sa aming kumpanya pinatratrabauhan. Yung kontratang aming pinirmahan sa Pinas ay di nasusunod. Sa kontrata nakasaad na maximum of 8 hours ang duty at 6 working days in a week. Pero kami ay walang days-off at pati duty hours namin ay 10 hours at minsan mahigit pa na wala namang binabayaran na overtime. Ano po ang aming gagawin? Maaari ba naming habulin yung nakasaad sa kontrata? – an OFW in Saudi Arabia.

Dear kabayan, by all means, may karapatan kayong habulin o ipatupad ang nakasaad sa kontratang inyong pinirmahan kung ito’y hindi sinusunod ng inyong amo tulad ng 8 working hours a day and payment of overtime na pawang nakatala rin sa Saudi Labor Law.

I suggest na kausapin ninyo muna ng maayos ang inyong amo o yung may-ari ng kumpanya at ilahad ang inyong hinaing at katanungan. At kapag ganoon pa rin at di nila tinupad yung sinasabi sa kontrata bagama’t nakipag-usap na kayo, maari kayong lumapit na sa kinatawan ng ating Embahada. Maaari kayong tumawag sa mga sumusunod na numero:


4821802 / 4823559 – Philippine Embassy, Riyadh
0515124797 o 6658462 ext. 101 – Philippine Consulate, Jeddah
8941846 / 8942090 – POLO, Eastern Region Operations


(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Monday, October 3, 2011

Bagong Bagyo, Dating Gawi

by Max Bringula Chavez
publised in Abante ME Edition on 30 September 2011

Dalawang taon na rin pala ang nakalipas nang salantahin ng bagyong Ondoy ang hilagang bahagi ng bansa noong September 2009. Sariwa pa sa kamalayan ng maraming Pinoy ang mala-delubyong trahedya na iyon na kumitil ng di iilang buhay at sumira ng milyun-milyong ari-arian.

Bagama’t normal lamang sa Pilipinas ang makaranas ng bagyo taun-taon na umaabot sa halos mahigit sa dalawampu ang bilang, kakaiba pa ring maituturing ang bagyong Ondoy sanhi ng pinsalang idinulot nito na nagbigay-daan upang mabuksan ang kaisipan ng karamihang Pilipino sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran.

Matatandaan na isa sa naging dahilan ng pagbaha lalo na sa lugar sa Kamaynilaan na dati-rati’y hindi lumulubog at di nakararanas ng lagpas-taong tubig-baha tulad ng Marikina, Pasig at Quezon City ay ang walang-pakundangang pagtapon ng basura sa karagatan, ilog at mga estero. Dahil dito, ang mga lagusan na dapat sana ay daraanan ng tubig ay nasarhan ng mga basurang itinapon kung kaya’t humanap ng ibang lagusan ang tubig na nagdulot ng mataas na baha sa mga lugar na nabanggit.

Gayundin, ang walang-humpay na pagputol ng mga punung-kahoy ay lumilikha rin ng mataas na pagbaha sanhi ng tuloy-tuloy na pagragasa ng tubig at pagdausdos ng lupa o yung tinatawag na “landslide”, pagkat walang ugat ng puno na dapat sana ay sasalo sa tubig na dala ng bagyo.

Ngayon, hindi pa man natatapos ang taong 2011, ay labing-anim na na bagyo ang dumaan sa Pilipinas, at ang pinakahuli nga ay ang bagyong Pedring na isang super typhoon na may lakas na 130-140 kilometers per hour.

Sabi ng marami na sanay na sa mga bagyong dumaraan sa Pilipinas, “bagong bagyo, dating gawi”, na ang tinutukoy ay ang paghahandang ginagawa kapag may malakas na bagyong darating tulad ng pagtungo sa evacuation centers, paglikas sa mga matataas na lugar, pagkumpuni ng mga sirang bubungan, pagligpit ng mga gamit upang di abutin ng baha, pag-imbak ng mga de-lata’t mga kakailanganing pagkain, at iba’t iba pang paghahandang ginagawa tuwing sasapit ang ganitong panahon.

Ngunit nawa’y ang katagang “bagong bagyo, dating gawi” ay di maging palasak na salita na lamang at hungkag sa aral na dapat matutunan ng bawat isang Pilipino.

Aral tulad ng pagsisikap na pangalagaan ang kapaligiran upang maiwasan ang pagbaha. Ang pagiging pro-active o pagiging handa bago man dumating ang bagyo o ano mang kalamidad.

Mga tungkuling di lamang naka-atang sa pamahalaan kungdi sa bawat isang Pilipino upang hindi na muling maranasan pa ang mala-Ondoy na trahedya sanhi ng ating kapabayaan.

Nang magkagayon, hindi na “bagong bagyo, dating gawi” ang ating sasambitin kungdi “bagong gawi para sa isang matatag at laging-handang Pilipino”.

TSD Readers’ Corner:


(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

TSD Muling Nagbabalik

Sa ikawalang pagkakataon, muling humihingi ng paumanhin ang inyong lingkod sa pagkakabalam ng column na ito sanhi ng di maiiwasang kadahilanan. Simula sa isyung ito, muling magbabalik ang Tinig sa Disyerto (TSD) na inyong minahal at naging bahagi na ng buhay-OFW.

Ating itutuloy din ang nabinbin na serye tungkol sa “Mga Dapat Malaman sa Saudi Labor Law”.

Muli, ako’y nagpapasalamat sa inyong patuloy na pagtangkilik.

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Bagong Bagyo, Dating Gawi

by Max Bringula published in Abante ME Edition, 30 September 2011 Dalawang taon na rin pala ang nakalipas nang salantahin ng bagyong Ondoy ang hilagang bahagi ng bansa noong September 2009. Sariwa pa sa kamalayan ng maraming Pinoy ang mala-delubyong trahedya na iyon na kumitil ng di iilang buhay at sumira ng milyun-milyong ari-arian. Bagama’t normal lamang sa Pilipinas ang makaranas ng bagyo taun-taon na umaabot sa halos mahigit sa dalawampu ang bilang, kakaiba pa ring maituturing ang bagyong Ondoy sanhi ng pinsalang idinulot nito na nagbigay-daan upang mabuksan ang kaisipan ng karamihang Pilipino sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran. Matatandaan na isa sa naging dahilan ng pagbaha lalo na sa lugar sa Kamaynilaan na dati-rati’y hindi lumulubog at di nakararanas ng lagpas-taong tubig-baha tulad ng Marikina, Pasig at Quezon City ay ang walang-pakundangang pagtapon ng basura sa karagatan, ilog at mga estero. Dahil dito, ang mga lagusan na dapat sana ay daraanan ng tubig ay nasarhan ng mga basurang itinapon kung kaya’t humanap ng ibang lagusan ang tubig na nagdulot ng mataas na baha sa mga lugar na nabanggit. Gayundin, ang walang-humpay na pagputol ng mga punung-kahoy ay lumilikha rin ng mataas na pagbaha sanhi ng tuloy-tuloy na pagragasa ng tubig at pagdausdos ng lupa o yung tinatawag na “landslide”, pagkat walang ugat ng puno na dapat sana ay sasalo sa tubig na dala ng bagyo. Ngayon, hindi pa man natatapos ang taong 2011, ay labing-anim na na bagyo ang dumaan sa Pilipinas, at ang pinakahuli nga ay ang bagyong Pedring na isang super typhoon na may lakas na 130-140 kilometers per hour. Sabi ng marami na sanay na sa mga bagyong dumaraan sa Pilipinas, “bagong bagyo, dating gawi”, na ang tinutukoy ay ang paghahandang ginagawa kapag may malakas na bagyong darating tulad ng pagtungo sa evacuation centers, paglikas sa mga matataas na lugar, pagkumpuni ng mga sirang bubungan, pagligpit ng mga gamit upang di abutin ng baha, pag-imbak ng mga de-lata’t mga kakailanganing pagkain, at iba’t iba pang paghahandang ginagawa tuwing sasapit ang ganitong panahon. Ngunit nawa’y ang katagang “bagong bagyo, dating gawi” ay di maging palasak na salita na lamang at hungkag sa aral na dapat matutunan ng bawat isang Pilipino. Aral tulad ng pagsisikap na pangalagaan ang kapaligiran upang maiwasan ang pagbaha. Ang pagiging pro-active o pagiging handa bago man dumating ang bagyo o ano mang kalamidad. Mga tungkuling di lamang naka-atang sa pamahalaan kungdi sa bawat isang Pilipino upang hindi na muling maranasan pa ang mala-Ondoy na trahedya sanhi ng ating kapabayaan. Nang magkagayon, hindi na “bagong bagyo, dating gawi” ang ating sasambitin kungdi “bagong gawi para sa isang matatag at laging-handang Pilipino”.