Saturday, May 19, 2012

Takas, Gusto ng Sumuko

by Max Bringula
(published in Abante ME Edition on 19 May 2012)


Sa dahilang maraming katanungan tayong natatanggap mula sa mga kababayan natin at masusugid na tagasubaybay ng Tinig sa Disyerto, tungkol sa kani-kanilang trabaho bilang mga OFW, ating napagpasiyahan na maglaan ng espasyo sa ating column para sagutin at talakayin ito sa abot ng ating makakaya at nalalaman.

Ito’y gagawin natin base sa kahalagahan ng tanong at sa kapakinabangang maidudulot nito sa bawat OFW’s.

Uunahin nating bigyang-pansin ang katanungang ipinadala ni Jermer Gerondo ng Dammam, Saudi Arabia tungkol sa kanyang kaibigan na tumakas sa amo/pinagtratrabauhan at ngayo’y nais ng sumuko.

Narito ang buod ng kanyang sulat:

Ako po ay tagasubaybay sa inyong column sa Abante ME Edition.  Hihingi po sana ako ng payo tungkol sa aking kaibigan.  Siya ay tumakas sa kanyang amo dahil tinangka siyang gahasain ng kapatid ng amo niya at hindi siya pinapakain sa bahay nila at inaabuso pa.  Ano po ba ang proseso pag susuko na siya sa embahada natin?  Madali ba siyang makakauwi?  Sasagutin niya ang pamasahe basta makauwi lang siya agad sa oras na sumuko na siya.  Sana mabigyan n’yo po ako ng payo.  Maraming salamat po. 

Ang takas o runaway workers na nais sumuko ay dinadala sa Deportation (kung ito’y lalaki bagama’t may mga babae rin na dinadala rito depende sa bigat ng kasong ibinigay ng employer) at sa SWA (Saudi Welfare Agency) naman para sa mga kababaihan.

Kung gaano katagal bago makauwi ang isang takas ay depende sa magiging katugunan at kooperasyon ng kanilang amo na ipapatawag o tatawagan sa oras na sumuko na ang takas.  

Kaya nga’t ang ipinapayo ng ating Embahada ay huwag ng patatagalin pa ang pagsuko.  Dapat nga’y sa loob lamang ng dalawamput-apat na oras mula sa pagtakas ay makipag-ugnayan na agad ang runaway sa representatives ng ating Embahada o POLO upang di siya maunahan ng kanyang amo o employer na makapagpa-blotter sa pulis.

Kapag na-blotter na ibig sabihin ay may kaso na ang nasabing runaway at hanggang di pumapayag ang amo/employer na ito’y iurong, hindi makaka-uwi ang nasabing takas kahiman siya’y sumuko na.

Sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng representatives ng Embahada o ng Case Officer sa employer ng takas, maaaring mapadali ang pag-uwi depende sa magiging resulta ng pag-uusap.  Kung may nakalaan ng pambili ng air ticket ang isang takas, maaari itong makatulong sa mabilis na pag proseso ng pag-uwi.  Gayunpaman, nakasalalay pa rin ang lahat sa pakikipagtulungan o kooperasyon ng employer pagka’t hawak nila ang passport ng kanilang mga trabahador.

Samantala, kung wala na ang employer o inabandona na ang trabahador at di na makontak pa, gagawan na lamang ng Embahada ang takas ng Travel Document upang ito’y makauwi.

Sinisikap naman ng ating Embahada na di magtatagal sa SWA ang mga kababaihang takas.  Sa loob ng isang buwan ay dapat mapauwi na sila agad dahil mismong mga opisyales ng SWA ang nagsasabing sila’y pauwiin na agad at huwag ng patagalin pa.

Doon naman sa mga nasa deportation, ang pag-uwi nila’y nakasalalay din sa pagpayag o di pagpayag, pakikipagtulungan at di pakikipag-tulungan ng kanilang amo/employer.  Kapag pumayag na ang employer ng  trabahador na ito’y makauwi, ihahanda naman ng Embahada ang kanilang Travel Documents (may passport man o wala).  Kung ito’y magagawa nila agad, makakauwi sa madaling panahon ang takas.

Para sa kaalaman ng lahat, ang Deportation ay hindi kulungan bagama’t ang lugar ay tulad sa isang kulungan na siksikan at naka-kulong doon ang mga takas o yaong mga wala ng employer habang naghihintay sila na ma-deport.

Mahirap ang kalagayan ng mga tumatakas. Hindi biro ang kanilang pagdaraanan habang nasa labas at di sumusuko sa kinauukulan at may kapangyarihan.  Kadalasan, sila’y napapariwara pa sa halip na mapabuti.  Kaya’t kung di rin naman “a matter of life and death” ang kinakaharap, huwag iisiping tumakas.

At kung sa di maiiwasang pangyayari o kadahilanan, ikaw ay tumakas, huwag ng patatagalin pa ang pagsuko. Tulad ng aking nabanggit sa itaas, dapat nga’y within 24 hours ay ipagbigay-alam na agad sa ating Embahada ang iyong kalagayan.

Narito ang mga telepono na dapat ninyong tawagan:  Philippine Embassy, Riyadh - 4821802 / 4823559 / 4880835; POLO-Jeddah – 6658462 x 101 / 0515124797; POLO-ERO – 8941846 / 8942090 / 0501269742

Ating ipinapayo sa mga kababayan natin na sumunod sa tamang proseso at sikaping maiparating ang mga hinaing sa tamang pamamaraan.  Ang pagtakas sa employer ay hindi makakatulong sa paglutas ng problema bagkus magiging dahilan pa ito na magsampa ng kaso ang employer laban sa inyo.

Higit sa lahat, ilapit sa Poong Maykapal ang inyong kalagayan at nararanasan.  Walang higit na makakatulong sa atin kungdi Siya lamang. Kaya, higit kanino pa man, Siya ang unahin at sangguniin.

At sa iyo Jermer, nawa’y nabigyan ko ng kaliwanagan at sagot ang iyong katanungan. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Thursday, May 17, 2012

Maghunos-Dili Ka

by Max Bringula
(published in Abante ME Edition on 17 May 2012)


Ito ang dapat matutunan ng bawat isa sa atin upang di masuong sa problema at kaguluhan na mapapipigilan sana kung naghunos-dili lamang.

Kung hindi sana inayunan ang nagpupuyos na poot at galit, naiwasan sana ang disgrasya at mga di kanais-nais na pangyayari.

Disin sana’y walang damdaming nasaktan at pusong sugatan kung nag-isip-isip muna bago nagbitiw ng pananalita.  Ang salita pa naman kapag nabigkas na ay di na mababawi pa.  Kasunod na lamang niyon ay “I’m sorry”.

Ilang tahanan na ba ang nawasak, gaanong karaming luha na ba ang pumatak sa ating mga mata dahil lamang nagpadala sa bugso ng damdamin, sa nararamdaman na kadalasa’y sinungaling at ipapahamak ka lamang kung di pakaka-isiping mabuti bago gawin at sundin.

Ang kaganapang ating natunghayan kamakailan lamang sa Centennial Airport ng NAIA sa pagitan ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto, at ng kolumnista’t mamamahayag and TV host na si Mon Tulfo, ay isang patotoo na kung naghunos-dili lamang marahil ang dalawang kampo, naiwasan sana ang pangyayaring pinagpipistahan na ngayon ng buong bayan at nagkaroon pa ng taguring na “Thrilla in NAIA”.

Subalit dahil nagpadala sa umaalab na damdamin, black eye ang tinamo ni Tulfo at pasa naman sa hita ang kay Barretto.  Ngunit higit sa pisikal na sakit na kanilang natamo ay ang sugat na nilikha ng pangyayari sa puso ng mga taong sangkot sa nasabing gulo.  Sugat na maghilom man ay tiyak na mag-iiwan ng peklat, ng alaala at pagsisisi na sana’y di na lang ito nangyari.  Subalit naganap na dahil hindi nga naghunos-dili.

Sabi ng iba, “ito’y dala lamang ng tindi ng init ng panahon, kaya madaling nag-iinit ang ulo ng karamihan”.  Ang hataw naman ng isa kong narinig ay sanhi raw ito ng katatapos na laban ni Mayweather at Cotto kaya’t nakotongan rin ang kawawang Tulfo.

Anu’t ano pa man ang kadahilanan, isang bagay ang dapat nating matutunan sa pangyayaring ito, ang kahalagahan ng paghuhunos-dili o yaong pagpipigil sa sarili upang maiwasan ang di kanais-nais na pangyayari.

Maghunos dila ka!  Yan ang madalas na naririnig ko noong araw sa mga matatanda.  Katagang kahit sa kapanahunan natin ngayon ay higit nating kailangan.

Ang kahulugan ng salitang “maghunos” ay “magbago” o “magpalit”. Tulad ng ahas na nagpapalit ng balat, sinasabi nating siya’y naghuhunos. Ang salitang “dili” naman, ang ibig sabihin ay “isip”.

Kung kaya’t sa pagsasabi ng “maghunos-dili” – sinasabi nating magbago o magpalit ng isip.  Maging mahinahon at huwag pagbigla-bigla.  Pag-isipang maigi ng maka-isandaang beses bago gawin ang isang bagay.

Sa namumuong hidwaan ngayon ng Pilipinas at Tsina dahil sa islang Scarborough Shoal o dating tinatawag na Panatag Shoal, nawa’y ipairal ng dalawang bansa at ng mga mamamayan nito ang paghuhunos-dili.

Pakaisiping maigi ang sasabihin at salitang bibitawan.  Maging mahinahon at sikaping maisaayos ang gusot na di gagamit ng dahas at lakas. Sa gayon, maiiwasan ang pangyayaring maaaring pagsisisihan sa huli dahil hindi naghunos-dili.

Kaya kabayan, huwag kalilimutan na maghunos-dili ka kung kailangan.

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Sunday, May 13, 2012

Alay Kay Inay

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 14 May 2012)


Ina” - iba’t iba ang tawag natin sa kanila.  Nanay, Inay, Inang, Nanang, Mommy, Mama, Mamang, Ma, Mom, at marami pa.  Tinatawag natin sila sa pangalan o paraang tumutungkol sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa atin.

Ang salitang “Ina” ay siyang exact translation sa Tagalog ng “Mother”, at siyang ginagamit kung atin silang tutukuyin tulad ng “butihing ina”, o “ina ng tahanan” o kaya’y ang “tanging ina”.

Tinatawag natin sila ayon sa antas ng ating pamumuhay.  “Nanay” o “Nay” kung ika’y isang anak-dalita o anak-mahirap.  Sa lalawigan, kadalasa’y “Inay” o “Inang” ang tawag, lalo na sa ka-Tagalugan.

Sa mga nakaka-angat at may kaya sa buhay o yaong mga nasa alta-sosyedad,  tawag nila’y “Mommy”, “Mama” o “Mom” o kaya’y simpleng “Mother”.

Sa gay lingo o sa kalipunan ng tinatawag nating “third sex”, “Madir” naman ang madalas kong naririnig.

Maging ang mga sanggol o batang nagsisimula pa lamang magsalita, sila’y nakasasambit na ng mga katagang katugma o kasing-tunog ng salitang “Nanay” o “Mom” o “Mama”, tulad ng “Na” o “Ma” o “Ma-ma”.

Doon naman sa mga sadyang moderno at nais maging kaiba, tawag nila sa kanilang ina ay “Dada” o “Mommy-yo” o “Mommie Dearest” o “Dearest Mom” na animo’y kumakatha ng sulat.


Marami pa marahil ang maiisip nating itawag sa ating dakilang ina, at marami pang bagong termino ang maiisip sa mga darating na panahon, subalit wala pa ring makatutumbas at makapaghahayag alin man sa mga salitang ito ng dakilang pagmamahal na iniukol ng ina sa kanyang anak.

Mula sa kanyang sinapupunan, inaruga niya na ang sanggol na isisilang sa mahigit kumulang na siyam na buwan bago ito tuluyang isilang sa mundong ito.  Kung kaya’t ganon na lamang ang kanilang kagalakan nang dumating ang takdang araw na iyon.

Subalit di roon nagtapos ang kanilang paglalaan ng oras at panahon at buhay sa atin, kungdi simula pa lamang iyon.  Mula sa pagiging sanggol hanggang tayo’y natutong lumakad at magsalita, naroon ang kanilang walang-sawang pagbabantay na kahit lamok ay di hahayaang dumapo sa atin.  Ipagsasanggalan ang katawan sa sinumang kumanti o manakit sa ating murang gulang.

At ngayong malaki ka na, ngayong may sarili ng lakad at nais sa buhay, naroroon pa rin ang uri ng pagmamahal ng isang ina na kailanma’y di nagmaliw.  Lumuluha sa ating mga kabiguan, sa ating paglisan at paglimot natin sa kanila.  Nagagalak sa ating tagumpay at sa ating pagdating at tuwing sila’y naaalala natin hindi lamang sa kanilang kaarawan kungdi maging sa espesyal na araw tulad ng “Mother’s Day”.

Kaya’t sa aking dakilang ina, nais kong ialay ang panulat na ito.  Na kung di dahil sa kanya ay walang isang Max Bringula na ngayo’y tumitipa upang kathain ang “Alay Kay Inay” bilang pasasalamat sa pagmamahal na inihahandog ng isang Ina sa kanyang anak na tulad ko.

Batid kong gayundin ang nararamdaman ng bawat isang nakababasa nito.  Kaya’t sa espesyal na araw na ito, ating ipaabot sa kanila ang ating taus-pusong pasasalamant.  Atin silang bisitahin, pasyalan, tawagan, i-text, i-eMail, i-chat, at iba’t iba pang pamamaraang avaiable sa atin ngayon upang marinig nila at mabatid kung gaano sila kahalaga sa atin.  Pagka’t kungdi natin gagawin ngayon ito, kailan pa?  Bawat araw na lumilipas ay di na natin maibabalik pa.

Atin silang yakapin, hagkan at sabihing, “’Nay, I love you, po.”  Maraming-maraming salamat sa inyong pagmamahal sa akin.

Alay ko po ito sa inyo.  Happy Mother’s Day.

Thursday, May 10, 2012

Human Trafficking, Tinalakay sa Saudi HRC Workshop

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition on 08 May 2012) 
Riyadh, Saudi Arabia 

Ito ang sentro ng pag-uusap sa katatapos na one-day Workshop na in-organisa ng Human Rights Commission (HRC) ng Saudi Arabia upang talakayin ang mga karampatang batas laban sa human trafficking.

Ang nasabing Workshop ay ginanap sa Four Seasons Hotel, Riyadh na dinaluhan ng mga foreign dignitaries and diplomats kasama ang delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Philippine Ambassador, Hon. Ezzedin H. Tago, kasama sina Vice Consul Redentor Genotiva at Mr. Camaloddin Hasim ng Philippine Embassy, Riyadh.

Dumalo rin ang mga representatives ng iba’t ibang Saudi law enforcement and investigation agencies at pati na ng tauhan mismo ng Saudi HRC Permanent Committee for Anti-Trafficking in Persons.

Sa opening remarks ng Pangulo ng Saudi HRC na si H.E. Dr. Bandar bin Mohammad Al-Aiban, kanyang kinilala ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Saudi Arabia at ng mga bansang nagpapadala ng kanilang mga manggagawa upang maiwasan ang human trafficking.

Nagbigay naman ng malawakan at detalyadong Report ang Executive Director ng Protection Project na si Dr. Mohammad Mattar, isang human rights group na naka-base sa John Hopkins University, patungkol sa pagpapatupad ng Saudi Arabia ng batas laban sa human trafficking.

Ayon sa Trafficking Protocol na in-adopt ng United Nations noong taong 2000 sa Palermo, Italy, ang human trafficking ay ang illegal na pagkuha, pagbiyahe o pagpapadala, pagtanggap at pagtatago o pagkukupkop ng mga tao (lalaki man o babae o bata) gamit ang dahas at pananakot, pagdukot, panlilinlang o panloloko, pagbayad at pagtanggap ng bayad, pag-abuso sa kapangyarihan at posisyon upang makapag-kontrol ng tao na pagtrabauhin ito ng sapilitan (forced labor), gawing alipin (slavery) at i-exploit sexually o abusuhin at pagkakitaan.

Ang mga gumagawa ng ganito’y may karampatang parusa.  Kaya’t pinapaalalahanan natin ang sino man na kabilang sa ganitong illegal na gawain na huwag ng ipagpatuloy pa ang masamang gawi na ito at mahuli’t maparusahan.

Ang Saudi Arabia at ang Pilipinas ay parehong signatories sa UN Protocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking in Persons, Especially Women and Children, at may kanya-kanyang batas na ipinaiiral.

Ang Pilipinas ay may Republic Act 9208 o mas kilala sa tawag na “Anti-Trafficking in Person Act of 2003”, samantalang ang Saudi Arabia naman ay may Royal Decree No. M/40 o “Anti-Trafficking in Person’s Law” na kanilang isinabatas noong 14 July 2009.

Naging makabuluhan ang Workshop na ginanap at sa pagtatapos nito, umaasa ang lahat ng dumalo na papag-igtingin pa ang pagsasatupad ng batas laban sa human trafficking.  Ang pagtutulungan ng pamahalaan ng bawat bansa pati na ng mamamayan nito ang makapipigil sa paglaganap ng gawaing ito laban sa karapatang-pantao.

Si Ambassador Tago kasama ang mga opisyales ng Saudi Human Rights Commission.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Mga Katanungan Tungkol sa Trabaho

Sa lahat ng masugid na sumusubaybay sa ating Column dito sa Abante ME Edition, ako’y po’y labis na nagpapasalamat sa inyong pagtitiwala.  Marami po tayong natatanggap na messages na humihingi ng payo at tulong tungkol sa kanilang problemang nararanasan sa trabaho.  Akin po itong pinag-aaralan upang makapag-bigay sa inyo ng tamang payo sa tulong na rin ng representatives natin sa Embahada. Akin po itong ilalahad sa mga darating na isyu ng Tinig sa Disyerto.  Salamat po. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Saturday, May 5, 2012

Araw na Naman ng Suweldo

by Max Bringula
(published in Abante ME Edition, 05 May 2012)

Wala ng sasaya pa marahil sa isang manggagawa o trabahador o sa isang OFW ang tumanggap ng suweldo.  Ang pagsapit ng tinatawag na “payday” ay sadyang nakapapawi ng pagod, homesick at yamot, lalo na’t pag nasa kamay na ang perang pinag-trabauhan.  Bagama’t sa iba’y “parang dumaan lamang” daw sa palad ang suweldong natangggap dahil agad itong naipadala sa mahal sa buhay na naghihintay na ng inaasahang remittance.

Gayunpaman, kagalakan ng maituturing ang pagsapit ng pinakakaabangang araw na ito.  Kinsenas man o katapusan ng buwan kung ito’y dumating, lingguhan man o arawan, pinananabikan pa rin.

Pagkat ibig sabihin nito’y mabibili na ang inaasam-asam na gadgets tulad ng iPhone, iPod o iPad, at iba pang produktong kinagigiliwan ngayon, o kaya’y ng rubber shoes na binabalik-balikan tuwing napapasyal sa malapit na Mall, o ng mamamahaling damit na nais suutin, o ng pinapangarap na relos o alahas na nais bilhin para sa sarili o sa nililiyag o nililigawan.

Gayundin, ibig sabihin nito’y makakakain na rin sa mamamahaling restaurants o makapanlilibre sa mga kaibigan.

Subalit, papaano kung ang suweldo’y sapat lang sa pang araw-araw na gastos?  Papaano kung halos wala ngang natira para sa isang buwang pagkain o kaya’y saktong-sakto lang?  Papaano kung kulang pa ito para pambili ng personal amenities tulad ng sabon, toothpaste, shampoo, deodorant, atbp?  

Masaya ka nga kaya at makangingiti ng buong tamis tuwing sasapit ang araw ng suweldo o lalo ka lamang maghihinagpis?  

Maiisipan mo marahil “umuwi na lamang kaya ako ng Pilipinas”.  Subalit di naman ito garantiyang makalulutas ng kakulangang nadarama.  Dahil marami ng nagtangkang umuwi, subalit kamukat-mukat mo’y naririto na namang muli.  

Ang tanong marahil na dapat tanungin natin sa sarili ay “sadya nga bang kulang ang suweldong natatanggap” o baka naman dahil mas higit ang ating gastusin kumpara sa ating kinikita.  Na minsa’y di pa nga natatanggap ang suweldo’y nagastos na kung tutuusin dahil ipinangutang na kung saan-saan.

Bakit naman noong tayo’y nasa Pilipinas pa at hindi kalakihan ang suweldong natatanggap, napagkakasya natin kahit papaano ang perang dumaraan sa ating palad?

Subalit ngayon, sigurado akong mas higit ang ganansiya natin kumpara noon, bakit kulang at kulang pa rin?  

Tayo na rin ang makasasagot sa tanong na iyan kung sa palagay natin ganito ang ating kalagayan.  Kung hindi naman at sobra-sobra pa ang ating kita kumpara sa ating gastusin ay mainam.  Gayunpaman nais kong ibahagi ang mga sumusunod na paalala para makatiyak na tayo’y makangingiti tuwing sasapit ang araw ng suweldo.

1) Be a wise buyer.  Bumili lamang ng kakailanganin o yung necessities.  Iwasang maging compulsive buyer o yung kung gumastos ay galit na galit sa pera. Bibilhin ang ibigin kahit di naman kailangan o kaya’y luho na lamang.  

2) Start saving.  Hindi habang panahon nasa abroad tayo.  Uuwi’t uuwi ka rin at babalik sa iyong Lupang Sinilangan.  Kaya’t hanggang maaga, mag-impok.  Iwasan ang labis na paggastos.  Magtabi kahit papaano o ano mang halaga na mapagpapasiyahan upang pagdating ng araw na kakailanganin ito o kaya’y uuwi na sa Pilipinas, mayroon kang tiyak na madurukot at magagamit.

3) Avoid borrowing.  Hangga’t maaari, iwasang mangutang.  Dahil kapag may utang, tiyak na doon lamang mapupunta ang suweldong matatanggap unless wala kang balak na magbayad na siya namang hindi dapat.  Sikaping mamuhay within your means at huwag yung halos mangutang ka na para lamang masunod ang kapritso ng katawan.

4) Stop vices.  Malaki ang maitutulong kung maititigil natin ang ano mang bisyo mayroon tayo pagkat makakabawas ito sa ating gastusin at gayon maidaragdag sa perang maaari nating gamitin sa mas kapaki-pakinabang na bagay.

5) Honor the Lord with your wealth.  Ito ang pinakamainam na gawin.  Na ang ibig sabihin ay gamitin ang lahat ng natatanggap sa tama at maayos na paraan.  Matutong magpasalamat sa nagkaloob nito na walang iba kungdi ang Poong Maykapal nang sa gayon Kanyang pagpapalain at pagyayamanin pa ang mga bagay na nasasaatin na.

Araw na naman ng suweldo.  Masaya ka ba?

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

Wednesday, May 2, 2012

Pagdadamayan at Pagtutulungan ang Kailangan

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 02 May 2012)

Ito ang nararapat at siyang dapat gawin ng mga kababayan natin pati na ng mga opisyales ng pamahalaan.  Ang pagtulong at pag-abot sa mga kapus-palad nating kababayan na nasasadlak sa di magandang kalagayan sa kanilang pangingibang-bayan ay isang kahanga-hangang gawain.

At ito’y napatunayang muli sa balitang inihatid sa atin sa nakaraang pagbisita ng Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia, Hon. Ezzedin H. Tago, sa Al Jouf Region kung saan isa sa naging sentro ng kanyang pagtungo roon ay himukin ang Emir ng nabanggit na rehiyon, na si HRH Prince Fahd bin Badr bin Abdulaziz, na matulungan ang labing-siyam na Pilipino na nagsampa ng kaso sa kanilang employer.

Sa sulat na iniabot ng butihing Ambassador sa Emir, kanyang hiniling na mapadali ang pag-resolba sa kaso laban sa Al-Sabilah Concrete Company sa Domat Al Jandal, Al Jouf.

Si Ambassador Tago sa tanggapan ng Emir ng Al Jouf Region na si HRH Prince Fahd bin Badr bin Abdulaziz.
Sinampahan ng kaso ang nasabing kumpanya sa pagtangging asikasuhin na  magkaroon ng Iqama (residence permit) ang mga trabahador nito, pati na ang tahasang pagpapamaneho sa mga driver kahit wala pang lisensiya, at di pagbayad ng overtime wages. Kinasuhan din ang kumpanya ng maltreatment of workers.

Ang kaso ay unang isinampa sa Saudi Labor Office sa Al Jouf Region subalit ito’y itinaas sa Primary Court nang di pumayag ang labing-siyam na Pilipino sa amicable settlement na iminumungkahi ng kanilang employer at sa halip  nagdesisyon sila at pinangatawanan na ituloy ang kaso laban sa kumpanya.

Noong una’y nangako ang kumpanya na aasikasuhin ang kanilang residence permit at lisensiya at babayaran ang kanilang overtime wages nang bisitahin ng Philippine Overseas Labor Office - Central Region Operations (POLO-CRO), Riyadh ang kumpanya para mamagitan kahiman may physical threat sa kanila, subalit hindi rin nasunod ang mga ito kung kaya’t nagpasya na ang nagrereklamong mga Pilipino na magsampa ng kaso.

Tiniyak naman ng Emir ng Al Jouf Region sa Ambassador na ipagkakaloob sa mga Pilipino ang nararapat na tulong upang mapag-ingatan ang kanilang karapatan at ma-garantiya na matatanggap nila ang hustisya.  Inutusan ng Emir ang mga awtoridad sa rehiyon na tiyaking sisipot ang employer o may-ari ng Al-Sabilah Concrete Company sa mga hearings na gaganapin sa Primary Court.

Samantala, inilagay na ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) sa watch-list ang ahensiya sa Pilipinas na nag-deploy sa mga trabahador na nagreklamo at ang Al Sabilah Concrete Company.  Itinigil na rin o sinuspinde ng POLO-CRO ang pag-proseso sa mga deployment contracts nito. 

Tulong-tulong naman ang Filipino community sa Sakaka, Al Jouf na mabigyan ng pansamantalang matutuluyan ang labing-siyam na Pilipino habang dinirinig pa ang kanilang kaso.  Ang POLO-CRO naman ay nagkaloob ng tulong para sa kanilang pagkain at araw-araw na pangangailangan.

Ito ang tanawing tiyak na ikatataba ng puso ng sino mang Pilipino at makapagbibigay pag-asa sa mga kababayan nating nakararanas ng pang-aabuso at paglabag sa kanilang karapatan. Sa tulong at pagdadamayan ng di lamang ng mga Pilipino, kungdi kasama na ating gobyerno, nakatitiyak tayong mapagtatagumpayan ang ano mang pagsubok na pinagdaraan ng isang OFWs. 

Ang pagdadamayan sa oras ng pangangailangan ay isang magandang kaugalian ng ating lahi kung kaya’t ito’y ating pagyamanin. 

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Nais ng Makauwi

Siyam na taon na po akong nagtratrabaho at nais ko na pong makauwi, subalit panay pangako lamang ang inaabot ko mula sa aking employer.  Ano po ang dapat kong gawin? – from Wigberto Esperanza of Exit 16 (Sullay), Riyadh, Saudi Arabia

Kabayan, simula ba ng dumating ka riyan sa kumpanyang pinagtratrabauhan mo ngayon ay di ka pa nakapagbabakasyon?  Ilang taon ba ang kontrata mo?  Usually, isa o dalawang taon lamang ay dapat nagbabakasyon na, bagama’t may mga kababayan tayo na tatlong taon ang kontrata. Gayunpaman, sa kaso mo ay long-overdue na.  Dapat di lamang isa o dalawang beses o higit pa na nakapagbakasyon ka, maliban na kung ikaw mismo ang tumangging umuwi o ipinagpaliban ang iyong bakasyon.  Ngayong nais mo ng umuwi at pinapangakuan ka lamang ng iyong employer, mainam na idulog mo na ito sa representatives ng ating Embahada sa Riyadh upang ikaw ay matulungan nila sa medaling panahon na makauwi.  Narito ang telepono na puwede mong tawagan:  4821802 / 4823559 / 4880835 / 4823615. - Max