Thursday, March 3, 2011
Pretty Face Pacquiao
Max Bringula (Abante ME Edition)
May kakaibang imahe ngayon na makikita kay Peoples’ Champ, Manny Pacquiao, sa ayos ng kanyang buhok na ala-Justin Beiber. At yan ay ang pagiging Pretty-Face Pacquiao.
Malayo sa dating Pacquiao na nakasanayan natin. Kunsabagay, bumagay naman sa kaniya ang bagong hairdo. Lalo siyang bumatang tingnan at pwedeng mahilera sa mga matinee idol ng bansa.
Sayang at di siya nakasama sa 2011 NBA All-Star Celebrity Game kung saan napabalitang maglalaro sana siya at makakatapat mismo ang sikat na mang-aawit na si Justin Beiber. Kung natuloy iyon, magkaka-alaman kung sino ang mas titilian ng kababaihan at tagahanga. Syempre, hindi patatalo ang Pride of Pinoy na ngayon ay di lamang kilala bilang “world’s greatest boxer”, kungdi isa na ring iginagalang na Kongresista sa kanilang lalawigan ng Saranggani.
Kung tutuusin marami na ang nabago sa isang dating ordinaryong Emmanuel Dapidran Pacquiao, mula sa Kibawe, Bukidnon kung saan siya ipinanganak. Ika-apat sa anim na magkakapatid, maagang nawalay si Manny sa tunay na ama nang magkahiwalay ang kanyang magulang ng siya’y nasa ika-anim na grado sa elementariya. Dahil sa kahirapan ay di natapos ni Manny ang High School at nagtungo na lamang sa Maynila upang doon hanapin ang kapalaran.
Sa Maynila ay ipinagpatuloy ni Manny ang nakahiligang boxing. At siya’y di nabigo, sa pamamagitan ng kanyang kamao, narating ni Manny ang hindi pa naabot ng mga kilalang boksingero sa Pilipinas man o sa buong mundo, at maging ng tinaguriang “The Greatest” na si Mohammad Ali. Ang kahirapan ay hindi naging sanhi upang di maabot ni Manny ang tagumpay.
Ang dating naghangad na maging pari ay magiging isang mahusay at tanyag na boksingero pala. Tunay na di batid ninuman ang magiging kapalaran subalit sa pamamagitan ng tiyaga, sipag at pananampalataya, makakamit ninuman ang tagumpay.
At bilang sukli sa tagumpay na tinatamo, hindi kinalimutan ni Manny na ibalik ang biyayang natatanggap sa pamamagitan ng pagtulong sa kanyang mga kababayan lalo na sa mga kapos at hirap sa buhay. Ito ang kaibhan ni Manny sa iba kung kaya’t siya’y patuloy na binibiyayaan at nagtatagumpay.
Hindi lamang sa panlabas na anyo maituturing na Pretty-Face si Pacquiao kungdi maging sa kalooban ay higit na dalisay at busilak ang kanyang puso. Kaya naman lalo siyang napapamahal sa bawat Pilipino.
At sa darating na 07 May 2011 ay isa na namang bagong kabanata sa buhay ni Manny ang matutunghayan ng mundo sa paghaharap nila ni Sugar Shane Mosley na magtatangkang umagaw sa kanya ng WBO Welterweight Title. Ang suporta ng buong sambayanang Pilipino na patuloy na nagtitiwala sa kaniya ang inspirasyon ni Manny sa bawat laban niya at sila’y di niya bibiguin.
Mabuhay ka Manny, alias Pretty-Face Pacquiao. Tunay na isa kang ehemplo at karangalan ng bawat Pilipino
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment