Monday, February 28, 2011
Domino Effect
Max Bringula (published in Abante ME Edition, 28 February 2011)
Nagsimula sa Ehipto, at pagkadaka’y sinundan ng Tunisia, at naulit sa Libya, Yemen at Bahrain, at nagtuloy-tuloy na.
Ang pag-aklas ng mamamayan ng Ehipto upang pababain ang kanilang liderato ay mistulang apoy na agad lumaganap sa magkakalapit-bansa sa Gitnang Silangan. Bawat isa’y hangarin ang pagbabago, higit na partisipasyon, at pantay na karapatan.
Mistulang domino-effect ang nangyari na lumikha ng manaka-nakang kaguluhan at pangamba sa mamamayan ng mga bansang nabanggit, at naglagay sa alanganin sa naroroong mga dayuha tulad ng OFWs, at ang pansamantalang pagkitil sa kapayapaan at kaayusan.
Hindi naman nakaligtas sa mapanuring mata at malikhaing isip ng media ang kaganapan. Ito ang uri ng balitang papatok sa publiko, sa TV man o sa peryodiko. Bagamat kaakibat ang responsibilidad ng paghahayag ng katotohanan nang walang pinapanigan, ang elemento ng “sensationalism” ay di pa rin lubusang maiaalis. Pagkat ito ang bumibenta, ika nga.
Yun nga lamang, marami ang naaapektuhan lalo na’t kung ika’y wala naman sa aktuwal na lugar ng pinangyarihan, at nanonood lamang o nakikinig kaya o nagbabasa. Pag-aalala ang iyong madarama, pati na ng pamilya’t kamag-anakan at kaibigan ng OFWs.
Bagama’t totoo na ang sitwasyon sa Libya sa ngayon ay nangangailangan na ng paglikas ng mga OFWs doon, hindi naman ganito ang kalagayan sa Yemen at Bahrain.
Gayunpaman, pinag-iingat pa rin ang mga kababayan natin sa nabanggit na lugar upang di madamay sa nagaganap na kaguluhan doon. Pinaalalahan sila na huwag makikisangkot sa internal o domestic problem ng bansang kanilang kinalalagyan.
Ayon sa aking nakausap na naninirahan sa Bahrain, maliit lamang daw na porsiyento ng populasyon ang kasama sa protestang nagaganap, at majority ay pro-government o pro-king na sumusuporta pa rin sa kasalukuyang monarchy head na si King Hamad bin Issa Al-Khalifa.
Sa huling kaganapan sa sitwasyon ng Bahrain, ipinag-utos na ng hari na pakawalan ang 308 prisoners na kabilang ang 23 Shi’ites na sinasabing nanguna sa protestang naganap noong nakaraang Biyernes.
Masayang tinanggap ng oposisyon ang aksiyong ito ng hari sa kanilang kahilingan na pakawalan ang mga bihag. Nauna na rito ang pagpayag ng hari ng pagsasagawa ng peaceful protests at dialogue with the opposition upang mapag-usapan at maisagawa ang nararapat na reforms.
Ang magandang development na ito ay ikinagalak din ng Amerika at ng Saudi Arabia. Matatandaang nasa Bahrain ang US Navy’s Fifth Fleet at ang Saudi Arabia naman ay strong supporter ng Kingdom of Bahrain.
Samantala, sinimulan ng ilikas ang mga OFWs sa Libya sanhi ng lumalalang kaguluhan doon kung saan sunod-sunod at malalaking demonstrations ang nagaganap para patalsikin si Muaffar Ghaddafi na mahigit ng apat-napung taong namumuno sa Libya. Bagama’t voluntary repatriation pa rin ang isinasagawa ng Pilipinas at di compulsory tulad ng isinasagawa ng ibang bansa sa kanilang mamamayan tulad ng Amerika, United Kingdom, Turkey at Egypt.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas. May 26,000 na Pinoy na naninirahan at nagtratrabaho ngayon sa Libya.
Ang Yemen naman bagamat dumarami at lumalaki ang bilang ng nag-de-demonstrate ay wala pa namang Alert na ibinaba ang Department of Foreign Affairs para lumikas ang mga Pilipino roon.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Libangan ang Pagbabasa ng Abante ME Edition
Dito ho sa Saudi libangan na namin ang magbasa ng Abante at tulad ng mga kasamahan ko, malimit ay nadidismaya sa nilalaman ng diyaryo nyo. Sa totoo lang hindi ko na tinitingnan o binabasa ang headline nyo, diretso na agad ako sa sports, entertainment at leisures kasama na roon ang column nyo. Kaya nakakalungkot kapag may nababasa kaming tungkol sa politika na napaka-negative ng dating. Salamat dahil very informative ang karamihan sa mga sinusulat nyo tulad ng issue noong February 19 na napapanahon at nagbibigay aral sa tulad naming mga OFW. Salamat at pagpalain kayo ng Poong Maykapal. – a reader from Saudi Arabia
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment