Monday, February 14, 2011

Makahiya, Gamot sa Makakapal ang Mukha


by Max Bringula (published in Abante ME Edition on 14 February 2011)

May nabasa akong comment sa aking Facebook account na kung gagawing herbal medicine daw ang halamang Makahiya, maraming mapag-gagamitan nito. Hindi lang ng mga sakit sa pangangatawan, kungdi higit sa lahat gamot daw ito sa mga makakapal ang mukha.

Ako’y napangiti at napag-isip. Sa loob-loob ko, totoo nga. Malaki ang magagawa ng halamang Makahiya upang mahiya naman ang mga taong makakapal ang mukha. Lalo na sa atin.

Ang Makahiya ay isang uri ng halaman na makikita mo sa mga bukirin at parang na kapag iyong nasagi ang dahon ay agad itong titiklop na animo’y hiyang-hiya at di makatingin. Pilit ikukubli ang sarili. Sa Ingles, ito’y tinatawag na “touch me not” na siyang pinaghanguan ni Jose Rizal ng titulo ng kanyang nobela na Noli Me Tangere.

Kabaligtaran ito kung ihahalintulad sa mga taong makakapal ang mukha o yaong walang hiya, o “walanghiya” sabi nga ng iba. Mga taong walang-pakundangan sa kapakanan ng iba makamit lamang ang ibig at masunod ang gusto.

Ganito ang nagaganap sa atin. Marahil hindi lingid sa ating kaalaman ang mga sanga-sangang corruption sa ating bayan. Mula sa pinaka-mataas na nanunungkulan sa Pilipinas, sa gobyerno man o sa pribadong kumpanya, hanggang sa pinaka-mababang empleyado o tauhan nito.

Nakaka-dismaya ang nababalitaan natin ngayon at naglalabasan tungkol sa corruption na nangyari at nangyayari sa loob ng militar o sa sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na humantong pa sa pagpapatiwakal ng dating AFP Chief Angelo Reyes.

Nakakalula ang halagang binabanggit na kinurakot ng mga taong dapat sana ay nangangalaga sa bayan. Subalit mga lobo pala na handa kang sakmalin ng buhay.

Kunsabagay, ang imbestigasyong nagaganap sa Senado ay patungkol sa anomaliyang naganap sa pamunuan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayo’y House Representative sa kanyang distrito sa Pampanga. Sinasabi ng iba na imposibleng walang nalalaman ang dating Commander In-Chief sa kanyang tauhan lalo na nga’t ang involve ay ang mga Heneral nito. Bagama’t di pa naman tapos ang imbestigasyon at hindi pa nakakasuhan ang sinasabing mga salarin.

Subalit “kung ano raw ang puno, siyang bunga”. Kasabihang di mapapasubalian na siyang nagaganap kadalasan. Mga taong dahil nasa katungkulan ay walang hiya na gumawa ng mga katiwalian mapayaman lamang ang sarili at matiyak ang ganansiya. Mga ganid at hayok sa salapi at kapangyarihan.

Nagpapasasa habang ang pobreng Juan Dela Cruz ay isang kahig, isang tuka ang kalagayan sa buhay.

Nagliliwaliw habang libo-libong mga mamamayan natin ang lumalabas ng bansa araw-araw upang makipag-sapalaran sa ibang lupain at mapabilang sa dumaraming OFW. Sumusuong sa lugar na di alam ang kahihinatnan dahil lamang sa hangaring guminhawa ang buhay. Nagtitiis, nagtitiyaga samantalang ang iba’y nagtatamasa ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan.

Mahiya nga kayo! Dapat nga kayong umimon ng Makahiya nang kayo’y mahimasmasan at umimpis ang pagmumukha na ang iba’y may kalyo na yata at makapal pa sa adobe. Hindi na tinatablan ng hiya o kung may natitira pa nga bang kahit katiting na hiya.

Batu-bato sa langit, ang tamaa’y mabukulan sana nang tumino at makapag-isip-isip.

Nawa’y ang pagkamatay ng dating AFP Chief Angelo Reyes ay makapag-bukas ng diwa sa marami nating mga kababayan lalo na yaong mga nasa katungkulan na ang gawang masama ay kailanma’y di magtatagumpay. Pilit man itong ikubli at ipakatagu-tago ay mangangamoy pa rin at mabubuyangyang.

Ito’y tulad ng isang self-guided missile na kapag iyong pinakawalan ay tiyak tutugisin nito ang target gaano man ito kalayo o magpakatagu-tago.

Ilang Reyes pa ba ang magbubuwis ng buhay para lamang tayo matauhan? Ilang Makahiya pa ba ang dapat inumin ng mga makakapal ang mukha?

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Huwag Nagpapaniwala sa mga Text na Natatanggap

Sir Max, lagi po akong nakakatanggap ng text message na nanalo raw po ang SIM card number ko. At ngayon nga’y may natanggap akong text na nanalo raw ako ng 860,000 Pesos from Central Bank of the Philippines at may DTI Permit No. na 8912 of 2011. Ang pangalan ng nag-send ay Sec. Joey C. Gonzales mula sa celfon number na 00-63-9488228745, at ang sabi tumawag raw ako para i-claim ang aking panalo. Ano po ang dapat kong gawin? - from Vangie in Bahrain

Hi Vangie, walang kaduda-duda na ito’y isang hoax o panloloko lamang. Kaya huwag magpapaniwala sa mga ganyang modus operandi. Kung tunay ka ngang nanalo ay bakit ikaw pa ang kailangang tumawag? Pagkat sa oras na tawagan mo sila, tiyak na mabibitag ka na at sisimulan ng hingan ng pera o kaya’y magpapasa ng load. Kung kaya’t i-delete mo na agad ang ganyang mga text message at huwag nang pag-aksiyahan pa ng oras. - Max

2 comments:

  1. Naway magkaroon ng kabulluhan ang pagppakamatay ni Reyes. maging eye opener ito hindi lang sa AFP kundi sa lahat ng maytungkulin sa pamahalaan

    ReplyDelete
  2. Thanks for the description of Makahiya! Very interesting! Sakit.info

    ReplyDelete