Sunday, February 20, 2011

Azkals, May Paglalagyan


Max Bringula (published in Abante ME Edition on 19 February 2011)

Azkals may paglalagyan. Hindi sa malaking kawan o sa sikmura ng mga tomador at tanggero dahil hindi ang asong kalye o “askal” na siyang paboritong gawing pulutan ng mga manginginom ang aking tinutukoy, kungdi ang magaling at sikat ngayong Football Team ng Pilipinas.

Bagamat hango naman talaga sa salitang “askal” ang kanilang pangalan na tumutukoy sa mga asong-kalye o street dogs na pagala-gala sa kalsada. Marahil dahil sa “mass appeal” ng salitang “askal” na Pinoy na Pinoy ang dating kung kaya’t naibigan na rin ng grupo na sila’y tawaging Azkals. Iniba nga lamang ang i-spelling kung saan ang ikalawang letra na “s” ay ginawang “z” para may originality pa rin. Maganda rin naman dahil mas lalong naging astig ang dating.

At tumingkad pa lalo ang pangalang Azkals at naging bukam-bibig sa Twitter at maging sa Facebook nang talunin ng grupo ang Vietnam na siyang defending Champion ng 2010 AFF Suzuki Cup. Isang malaking dagok sa manlalarong Vietcong ang pagkakatalo nila sa maliliksi at mahuhusay na manlalaro ng Pilipinas. At sa unang pagkakataon ay nakaabot ang Philippine Football Team sa knockout stage bagama’t di pinalad na makarating sa Finals dahil sa pagkakatalo sa Indonesia sa score na 2-0.

Gayunpaman, hindi dahilan ito upang panghinaan ng loob ang tinaguriag “RP Booters”, bagkus naging isang malaking inspirasyon sa kanila ang pagkakapanalo laban sa Vietcong at ang pagkakasama sa knockout stage. Naging hamon naman ang pagkakagapi sa kanila ng mga Indonesians upang paghusayin pa lalo ang mga susunod na laro.

At ito’y kanilang pinatunayan sa Qualifying Playoffs ng 2012 AFC Challenge Cup kung saan tinalo nila ang Mongolians sa score na 2-0 noong February 9, 2011 na ginanap sa Panaad Stadium ng Bacolod City. Salamat sa unang goal na galing kay Chieffy Calindog at sa ikalawang goal na mula naman kay Phil Younghusband.

Impressive ang pinakitang galing ng Azkals laban sa Mongolia at inaasahang uulitin nila ang performance na ito at hihigitan pa sa kanilang ikalawang sagupaan na gaganapin naman sa Mongolia sa susunod na buwan. Ngayon pa lamang ay puspusan na ang paghahandang kanilang ginagawa. Tutungo ang grupo sa Baguio (at marahil ay naroroon na sila sa oras na binabasa ninyo ito) upang doon mag-ensayo. Pinili nila ang Baguio dahil sa malamig na klima nito at nang sa gayo’y madali silang makaka-adopt sa malamig na temperatura ng Mongolia sakaling naroroon na sila sa kanilang ikalawang laro.

Sa ipinakikitang galing ng Azkals di malayong makapasok ito sa four-nation group stage level ng AFC. Ngayon ay may tatlo ng nakapasok, ang Myanmar, Palestine at Bangladesh. Sisikapin ng Pilipinas na maging ika-apat na bansa.

At upang maganap ito, ngayon higit na nararapat na suportahan ng gobyerno ang Philippine Football Team, di lamang ng moral support kungdi higit sa lahat sa pagkakaloob ng sapat na budget upang lalong mapahusay ang kanilang pagsasanay at maibigay ang sapat na pangangailangan sa oras ng kanilang laro sa loob at labas ng bansa.

Dito higit dapat inilalaan ang salapi ng bayan at hindi sa mga bulsa ng mga corrupt na politicians at militar.

Mas higit dapat na pag-ukulan ng pansin ang ganitong uri ng sports pagkat dito mas makaka-angat ang Pilipinas, maliban sa boxing, dahil di ito nangangailangan ng taas o tangkad di tulad ng basketball. Ang kailangan lamang ay liksi, galing at abiilidad.

Nawa’y di maglaho ang Football Fever na nagaganap ngayon sa Pilipinas sa pagkakawagi ng Azkals sa Vietnam at Mongolia. Nawa’y di ito maging ningas-kugon lamang kungdi ating suportahan all the way hanggang ang Pilipinas ay tanghaling kasing-husay ng mga bansang Japan, China, Brazil, Argentina, England, France, atbp. sa sports na football.

Hindi tayo nangangarap pagkat sadyang may paglalagyan ang Azkals.

Sa ngayon ay may 23 players ang Azkals na kinabibilangan nina Neil Etheridge, Rob Gier, Jerry Barbaso, Anton del Rosario, Roel Gener, James Younghusband, Simon Greatwich, Yanti Barsales, Phil Younghusband, Alexander Borromeo, Emelio Caligdong, Mark Ferrer, Rey Palmes, Jason de Jong, Nestorio Margarse, Christopher Camcam, Peter Jaugan, Eduard Sacapano, Ian Araneta, Joebel Bermejo, Jason Sabio, Ray Anthony Johnson, at Kristopher Relucio

No comments:

Post a Comment