Monday, February 21, 2011

“Filipino Flash” Donaire - Pinoy At His Best


Max Bringula (Abante ME Edition, 22 February 2011)

Nakakabilib.. grabe ang husay ni Flash Donaire. Nangingisay pa ang kalaban nang bumagsak.”

Another Pacquiao in the making. Pinoy at his best.

Ilan lang ito sa maririnig mo mula sa mga nakapanood ng laban ng “Filipino Flash” Nonito Donaire sa defending WBC (World Boxing Council) at WBO (World Boxing Organization) Bantamweight Champion, ang Mexicano na si Fernando Montiel na ginanap noong Linggo, 20 February 2011, sa Mandalay Beach Resort, Las Vegas, Nevada, USA.

Umabot lamang ng 2 rounds ang laban taliwas sa inaakala ng marami na aabot ito sa anim o kaya’y sa ika-sampung round.

Sa natitirang 58 seconds sa ikalawang round ay tuluyang pinabagsak ni Donaire si Montiel sa pamamagitan ng isang malakas na suntok na kanyang pinakawalan mula sa kaliwang kamao at sinundan pa ng kanan nang ito’y bumagsak na.

Sinikap na bumangon ni Montiel ngunit muling bumagsak dahil sa pagkakahilo sa suntok na natamo. Sa hangaring makabawi, pilit na tumayo si Montiel at matapos tanungin ng referee kung kaya pa, ay itinuloy ang laban, subalit hindi na talaga nakayanan ni Montiel ang dalawang suntok na muling dumapo sa kaniya kung kaya’t itinigil na ng referee ang laban, hudyat ng pagwawagi ng Pinoy boxer bilang bagong WBC at WBO Bantamweight Champion.

Labis ang tuwa’t pasasalamat ni Donaire sa tagumpay na natamo. “Ibinigay ko ang lahat ng aking lakas sa labang ito, matiyak lamang ang panalong aking inaasam”, ang wika ni Donaire nang siya’y tanungin matapos ang laban.

Ayon kay Donaire, ang suntok na dumapo kay Montiel na nagpabagsak dito ay siya ng pinakamalakas na suntok na kanyang naibigay sa buong career niya sa boxing. Matatandaan na pinahanga rin niya ang mundo ng boxing nang pabagsakin niya si Wladimir Sidorenko noong Disyembre ng nakaraang taon sa ika-apat na round.

Samantala, nagbunyi ang mga Pilipino sa buong mundo sa tagumpay ni Donaire.
Ang kanyang panalo ay muling nagpatunay ng galing ng Pinoy sa larangan ng boxing at nakapagdagdag ng paghanga ng mundo sa husay ng Pinoy. May isa na namang titingalain na Pilipino tulad ng paghangang tinatamo ni Manny Pacquiao, ang tinaguriang “the world’s greatest boxer”at ng world sensation and international star na si Charice Pempengco.

Sandaling nalimot ng Pinoy ang problemang nararanasan at mga kontrobersiyang kinasusuungan ng Pilipinas tulad ng corruption, carnapping, drug trafficking, at marami pa.

Ang mga ganitong balita ay patunay na mayroon pa rin namang magagandang nagaganap sa Pilipinas. Nawa’y ang tagumpay ni Donaire at ng bawat Pilipino sa iba’t ibang larangan ay magbigay insipirasyon sa ating bayan at sa darating pang henerasyon.

Salamat sa’yo Nonito Donaire. Ipagbunyi ang husay mo.

Mabuhay ang Pilipino!

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Komento sa “Mag-ingat sa mga Padala” (published on 19 February 2011)

Nabasa ko po ang inyong column tungkol sa mga padala. Ang sa akin lang, dapat sa airport pa lang sa Pilipinas ay made-detect na sana yon (ang drugs). Ang tanong, bakit nakalusot pa sa atin? from Nap of Riyadh, KSA

Sir Max, nabasa ko column mo tungkol sa pakikipadala. Tama ka, kung di tanga ang nagdala di siya mapapahamak, at di ako maniwala na di niya alam ang kanilang dala. Yun ay alibi na lang. Kasi nangyari po ito sa akin nang ako po ay nasa airport ng Kuwait naghihintay ng connecting flight to Bahrain. Meron pong dalawang taong lumapit sa akin, isang dayuhan at isang kababayan nating babae. Nakangiti siyang lumapit sa akin at sabi, “hello, kabayan. Saan ang punta mo?” Sabi ko, “sa Bahrain”. “Pwede ko bang ipadala sa’yo itong maliit na kahon?” Sabi ko, “Bakit, kilala ba kita?” Sabi niya, “hindi, pero pag dinala mo ito, bibigyan kita ng 100 Dinar. Tumanggi ako at di niya ako napilit. Kung dinala ko yun, malamang na di ko matatapos ang aking kontrata. Sa ngayon, anim na buwan na lang at makakasama ko na ang aking pamilya.” from Divine Grace Callejas of Bahrain

No comments:

Post a Comment