Friday, February 25, 2011
Mag-ingat sa mga Padala
Max Bringula (published in Abante ME Edition on 19 February 2011)
Nakakalungkot naman ang balitang pagbitay na gagawin sa tatlong Pilipino sa China, dalawang babae na may edad 32 at 38, at isang lalaki na may edad na 42, sa salang drug-trafficking.
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas na ni-repaso muli ng Supreme People’s Court sa Beijing ang limang kaso ng mga Pilipino roon na nahatulan ng bitay sa korte ng Fujian at Guandong. Dalawa rito’y binigyan na lamang ng life imprisonment, subalit yung tatlo ay pinagtibay ang hatol na bitay sa pamamagitan ng lethal injection.
Gayunpaman, sinisikap pa rin ng gobyerno ng Pilipinas na mabago ang desisyong ito sa tatlong Pilipino. Nanawagan na rin ang ina ng isa sa bibitayin na si Sally Ordinario-Villanueva sa Pangulong Noynoy Aquino na masagip ang kanyang anak sa kamatayan.
Ayon sa ina nito na si Edith Ordinario, walang sala ang kanyang anak at biktima lamang ng drug syndicate.
Si Sally ay papunta sana sa China para mag-trabaho subalit sinamang-palad na mahulihan ng four kilograms ng heroin sa Xiamen, China noong 24 December 2008, dalawang taon na ang nakakalipas. Hindi niya inakala na ang bag na ipinakisuyo ng kanyang recruiter na dalhin at ibigay sa boss nito pagdating sa China ay may nakatago palang ipinagbabawal na gamot. Kumpiyansiya siya sa pagdala rito at walang iniisip kungdi ang makarating ng maayos sa lugar na kanyang pagtratrabauhan sana. Subalit huli na ang lahat, pagkat ang padala pala na iyon ang magpapahamak sa kaniya at magdadala sa kamatayan.
Kung matutuloy ang pagbitay kay Sally at sa dalawa pang Pinoy, kaawa-awa naman ang pamilyang kanilang maiiwan.
Upang di maranasan ang ganito, ating pinapa-alalahanan ang mga kababayan natin na mag-ingat sa mga nagpapadala lalo na kung di natin lubos na kilala. Suriin maigi kung ano ang laman at kung may mga epektos na nakasingit. Minsan sa pagnanais nating makatulong at sa ating ugaling di makatanggi, tayo’y napapahamak.
Ang mga Pilipino pa nama’y mahilig sa pagpapadala. Kapag may aalis pauwing Pilipinas, kung anu-anong ipapadala at ipakikisuyo na dalhin ng aalis. At ang pobreng OFW na di makatanggi ay siya namang nagdurusa kung papaano dadalhin ang halos sampung kilong padala lamang, samantalang siya ay di pa naihahanda ang dadalhin para sa pamilya.
Gayundin naman sa mga umaalis mula sa Pilipinas. Kaliwa’t kanan din ang pagpapadala ng pamilya ng mga OFW. At minsan kahit alam ng bawal tulad ng pork at religious items ay ipakikpag-sapalaran pa rin na dalhin sa pag-asang mailulusot ito.
Para sa ating proteksiyon at kapakanan, mas mainam na huwag ng tumanggap ng mga padala kung maaari. Maliban na lamang kung siguradong-sigurado tayo kung ano ang ating dadalhin na hindi natin ikapapahamak nang di maranasan ang sinapit ng limang Pilipinong ito na nagpunta sa China.
Sa kabilang banda, dapat talagang pag-igtingin ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagsugpo sa sindikato ng bawal na gamot na ngayo’y malayang nakakapag-operate sa Pilipinas. Ang talamak na corruption sa parte ng militar at kapulisan, gayundin ang kawalan ng sapat na tauhan at mekanismo para bantayan ang malawak na baybayin ng karagatan ng Pilipinas ang isa sa dahilan kung bakit malayang nakakapasok ang mga sindikato sa Pilipinas galing sa ibang bansa.
Kaya nga’t tama ang naging desisyon ni Justice Secretary Laila de Lima na ipa-deport sa China ang limang Taiwanese na kanilang nahuli na walang mga dokumento at kumpirmadong miyembro ng sindikato. Ang pagpapa-deport na ito’y para mapangalagaan ang Pilipinas na di imaging pugad ng drug syndicate.
Muli, isang paalala – mag-ingat sa mga padala sa atin nang hindi tayo mapahamak.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Komento sa “Makahiya, Gamot sa mga Makakapal ang Mukha” (published on 14 February 2011)
Kuya Max, natumbok mo. Ang daming tatamaan sa birada mo. Ok ka, kaso baka makapal na nga ang kalyo sa mukha at di na kayang ipa-Vicky Belo. Ang daming 200 Fils na nauubos ko araw-araw kakabili ng Abante ME Edition. Titigil ako sa pagbili kung makita ko at mabasa sa diyaryo na si Gloria Macapagal-Arroyo ay hahatulan na ng kamatayan, este.. kulungan pala. – from Lito in Bahrain
OK na sana ang topic tungkol sa Makahiya kaso hinaluan na naman ng pulitika. Haay.. buhay! I was dismayed reading this article. – from a reader in KSA
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment