Sunday, June 12, 2011

Pilipinas, Malaya Ka Na Nga Ba?


by Max Bringula
Tinig sa Disyerto, Abante ME Edition, 12 June 2011

Tuwing sumasapit ang Araw ng ating Kasarinlan o ang Araw ng Kalayaan na ginugunita tuwing ika-labingdalawa ng Hunyo kada taon, iba’t ibang programa at palatuntunan ang inihahanda nating mga Pinoy di lamang dito sa ibayong-dagat kungdi maging sa Pilipinas bilang pagdiriwang ng natamong kalayaan.

Maganda naman ang layunin ng mga selebrasyong ito lalo kung ang pakay ay makapaghatid-saya at sigla sa ating mga kababayan. Subalit ang katanungang laging pumapailanglang at maririnig sa tuwina kapag sasapit ang ganitong pagdiriwang ay kung “sadya nga bang taglay natin ang tunay na kalayaan” upang ito’y ating ipagbunyi at ipagdiwang?

Ang ipinaglaban ba ni Rizal, ni Bonifacio, ni Del Pilar, ni Aguinaldo at maging ng mga Pilipinong lumaban sa digmaan di lamang sa mga Kastila kungdi maging sa mga Amerikano at Hapon na humaliling nanakop sa atin, ay tunay nga nating nakamit? May kalayaan nga ba tayong maituturing mula sa kaapihan, kahirapan at pagluray ng ating karapatan?

Isandaan at labing-tatlong taon na ang lumipas mula ng ideklara ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya noong June 12, 1898.

Halos isandaan at siyam na taon na rin ang lumipas mula ng matapos ang ating pakikidigma sa mga Amerikano noong July 4, 1902, at animnaput-limang taon mula ng sumuko ang mga Hapon noong September 2, 1945 mula sa pananalasa sa Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdigan.

Dalawamput-limang taon na rin pala ang lumipas mula nang lumikas ang mga Marcoses sa Malakanyang patungo sa Hawaii noong February 25, 1986 na siyang naging hudyat ng pagkakaroong muli ng demokrasya sa Pilipinas matapos ang dalampung taong pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mahaba-habang taon na rin pala. Maraming digmaan at pakikibaka na ang ating naranasan upang itaguyod at pagyamanin ang lahing Pilipino taglay ang dangal na may kalayaan at taas-noong makapagsasabi na “ako’y Pinoy!”

Subalit ito nga ba ang ating nararanasan at namamalas sa bansang sinilangan? Ang Pilipinas nga ba’y tunay na malaya o nakagapos pa rin sa tanikala?

Malaya na nga ba tayo sa pang-aalipusta at kaapihang nararanasan mula sa mga kamay ng mga dayuhan sa loob at labas ng ating bansa? Maihahayag nga ba nating tunay na tayo ay “malaya na” kung ang ating dangal bilang lahing Pilipino ay patuloy na niyuyurakan?

Ang pagsasamantala, pagbababoy at pagyurak sa puri ng mga Pilipina sa Olongapo, sa Subic, sa Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas, maging sa labas ng bansa ay isang kahayagan ng kaapihang patuloy nating natatamo bilang mga Pilipino. Ang kaawa-awang kalagayan ng mga Pilipina sa ibang bansa na nakararanas ng pang-aabuso, pagmamaltrato, pananakit, panggagahasa at maging pagkitil sa kanilang buhay ng mga among pinagsisilbihan, ang tayo’y bansagang “nation of servants”, kilalaning lugar ng mga “mail-to-order-bride”, ay isang maliwang na patotoo na tayo’y nakagapos pa rin at nasa kamay ng mapang-aping lahi.

Ang patuloy na paglabas ng mga Pilipino sa ating bansa upang makipagsapalaran bilang mga OFW’s, ang lumalalang corruption sa ating pamahalaan at pang-aapi at panlilinlang ng mga namumuno sa ating bayan, ang kahirapang lalong lumalala at nararanasan ng ating mga kababayan, ang patuloy na pagwawalang-halaga sa mga OFW’s na tinawag pa man ding mga “Bagong Bayani”, ay patunay na tayo’y di pa malaya maging sa sariing bayan.

O Pilipinas, malaya ka na nga bang tunay? May saysay bang ipagbunyi at ipagdiwang ang kalayaang natamo kung sarili nating mga kababayan ang yumuyurak sa karapatan natin bilang malayang Pilipino?

Atin munang tanggalin ang tanikalang matagal nang nakagapos sa atin upang maranasan ng lubusan ang kalayaan at taas-noong masabi natin na tayo’y isang malayang Pinoy.

Sabi ng awitin,

Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at iiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag ang di magnasang makaalpas?

Pilipinas kong minumutya, pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika, makita kang sakdal laya!


Pilipinas, malaya ka na nga ba?

1 comment:

  1. Maaari kong gamitin ito para sa aking proyekto sa paaralan

    ReplyDelete