Tuesday, July 12, 2011
Paglilinaw sa Umanong Pagtatatak ng Exit Only
by Max Bringula Chavez
12 July 2011
Naglabas na ng Official Statement ang Pasuguan ng Pilipinas sa Saudi Arabia patungkol sa nababalitang “Exit Only” na itinatatak ng Saudi Immigration sa pasaporte ng mga vacationing OFWs.
Sa dalawang Press Releases na kanilang inilabas na may petsang 11 July 2011, pinabubulaanan nila ang balitang “Exit Only”. Ito’y walang katotohanan ayon na rin sa pahayag ng spokesman ng Passport Department (o Jawazat) ng Saudi Arabia na si Mohammad Al-Hussein. Ika niya, “there is no absolute truth to it. If it is an exit/re-entry visa, then it cannot be changed at the airports. The final exit is stamped only after a series of steps taken by both the employee and the employer.” (Published in Arab News, 21 June 2011)
Pinapayuhan ng Embahada ang mga OFWs na huwag magpapaniwala agad-agad sa mga balita at kuwento hanggang hindi ito kinukumpirma ng mga kinauukulan.
May mga balita kasing lumabas sa mga pahayagan sa Pilipinas at napanood din sa telebisyon na may mga OFWs daw umano na pauwi para magbakasyoon subalit tinatakan daw ng “Exit Only” ang kanilang passport bagamat exit/re-entry visa ang tangan nila.
Sa ulat ni John Leonard Monterona ng Migrante-Middle East, may apat daw na Pilipinong Engineers na tumawag sa kanila at sinabing ang passport nila’y tinatakan ng Exit Only ng Saudi immigration officer sa airport ng Riyadh.
Dahil sa balitang ito, maraming mga Pilipino tuloy ang nagdalawang-isip na umuwi sa Pilipinas para magbakasyon sa dahilang baka di na sila makabalik pa kapag natatakan ang passport nila ng Exit Only.
Nag-alala rin ang mga pamilya ng mga OFWs sa Pilipinas, at ang ilan nga sa mga ito’y tumawag pa na ipagpaliban muna ang pagbabakasyon.
“Nakaka-inis nga eh. Kung anu-anong kuwento ang sinasabi nila sa media kaya tuloy ayun ang pamilya ko pulos nagsi-tawag kanina na huwag daw muna ako umuwi. Naka-iskedyul pa naman akong magbakasyon sa katapusan ng buwan na ito. Haaays.. ano ba yan?” ang paghihimutok ni Randy Castro na nagtratrabaho sa Rawabi Holdings.
Naragdagan pa ang pag-aalala ng mga pamilya ng OFWs sa Pilipinas sa pahayag na ibinigay ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) kamakailan lang kung saan iminumungkahi nila na i-postpone muna ang pagbabakasyon ng mga OFWs habang nililinaw pa nila ang balita tungkol sa Exit Only.
“Yung magbabakasyon kung maaari’y i-postpone muna” ito ang wika ni Carlos Cao, POEA Administrator. (abs-cbnNEWS.com, 11 July 2011)
Samantala, ipinahayag ng DOLE (Department of Labor and Employment) na kanilang pinabubulaanan ang sinasabi ng Migrante-Middle East na tinatatakan ng Saudi authorities ng Exit Only ang pasaporte ng OFWs na magbabakasyon.
Sa panayam ng ABS-CBN News sa Undersecretary ng DOLE na si Danilo Cruz, sinabi ni Cruz na hind ganoon kadali ang pagtatak ng Exit Only. Mahaba pang proseso ang pagdaraanan nito bago gawin iyon, at kailangan na alam ng empleyado at ng employer ito para maisagawa. Hindi rin daw itinatatak ang Exit Only sa airport kungdi sa Passport Division ng Ministry of Interior ng Saudi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment