Thursday, July 21, 2011

Sagupaan ng Philippine Azkals at Kuwait Football Team, Inaabangan Na

by Max Bringula Chavez
published in Abante ME Edition, 22 July 2011

Sadyang kapana-panabik ang magaganap na laban sa pagitan ng Philippine Football Team o mas kilala sa tawag na Azkals, at ng koponan ng Kuwait, na tinatawag namang Al-Azraq, na ang ibig sabihin ay “blue” o “asul”.

Ang sagupaan ng dalawang koponan ay magaganap sa 23 July 2011 sa Mohammad Al-Hammad Stadium sa Hawally, Kuwait, at sa 28 July 2011 sa Rizal Memorial Stadium sa Manila, Philippines.

Ang nasabing dalawang laban na “home-and-away series” ay panimula ng Round Two ng 2014 World Cup Qualifiers kung saan ang Pilipinas ay nakapasok sa unang pagkakataon matapos lampasuhin ang kalabang Sri Lanka sa Round 1 noong July 3 sa score na 4-0. Isang tagumpay na maituturing at maipagmamalaki ng bawat Pinoy ang pagkakapasok na ito ng Philippine Team.

Ikalawang pagtatangka na ito ng Pilpinas na makapasok sa World Cup. Ang una’y noong taong 2002.

Kung kaya’t ganoon na lamang ang suportang ipinapakita ng bawat Pilipino, di lamang sa Pilipinas kungdi sa bawat bahagi ng mundo.

Ang dating di pinapansin at binabalewala, ngayon ay bukambibig na at hinahabol-habol saan man sila pumaroon – bata, matanda, lalaki’t babae, mula sa ordinaryong kawani hanggang sa Pangulo ng bansa – ang pangalang Azkals ang isinisigaw.

Sa bawat laban ng Azkals, sa Manila man o labas ng bansa, sila’y ipinagbubunyi at pinapalakpakan, umulan man o umaraw, matalo man o manalo, naroon ang mga Pilipino para sumuporta at makiisa sa laban ng Azkals.

At ito’y muling namalas sa dalawang friendly matches ng Azkals laban sa Bahrain Football Team, ang Under-23 Olympic Team, na ginanap noong July 16 sa National Stadium sa Rifa, Bahrain, at July 19 sa Muharraq Club Stadium sa Arad, Bahrain.

Mahigit limang libong Pilipino na karamiha’y OFWs ang nanood ng unang laban ng Azkals against Bahrain’s U-23 Olympic Team, at halos ganoon din sa ikalawang laban.

Ang friendly matches na ito’y kaalinsabay ng paghahanda at pagsasanay na rin ng Azkals sa kanilang magiging laban sa Kuwait.

Sa kabutihang-loob at paanyaya na rin ng Bahrain Football Association, ang Azkals ay pinayagang mag-set up ng Training Camp sa Bahrain bago sila tumungo sa Kuwait sa July 23.

Samantala, puspusan na rin ang ginagawang preparasyon ng Kuwait Football Team sa nalalapit na pagharap nila ng Azkals. Bagama’t limamput-pito ang layo ng Kuwait sa Pilipinas sa FIFA world rankings kung saan nasa ika-102 na puwesto ang Kuwait at ang Pilipinas naman ay nasa 159 na puwesto, hindi pa rin naniniguro ang koponan ng Kuwait kung kaya’t tiniyak nila na mapaghahandaan ng husto ang labang darating.

Tulad ng Azkals, sila’y nag-set up din ng Training Camp sa Lebanon at nagkaroon ng friendly matches katunggali ang football team ng Lebanon at Oman.

Kararating lamang din ng Kuwait Team noong July 18 mula sa Amman, Jordan kung saan sila’y nagkaroon ng friendly match sa mga koponan ng Saudi Arabia, Iraq at Jordan.

Ang Kuwait National Football Team ay sampung beses ng naging kampeon sa Gulf Cup of Nations, at naranasan na ring mapabilang sa World Cup noong 1982. Ang pinaka-mataas na puwesto na kanilang narating sa FIFA world ranking ay ang pang-24th na puwesto noong December 1998.

Ang impressive na record na ito ng Kuwait ay di nakapag-patinag sa Philippine Azkals upang di sagupain ang formidable team ng Kuwait sa darating na July 23 at 28.

Taglay ang liksi at ang strategy ng good defense, kalakip ang pagtitiwala at pagkaka-isa, hindi malayong marating nila ang pinakaaasam-asam na World Cup.

Ang suporta ng bawat Pilipino ay higit pang nagpapalakas ng loob ng koponan at nagbibigay inspirasyon sa kanila na mapabuti ang bawat laro.

AZKALS FEVER

Samantala, handang-handa na ang mga Pilipino sa Kuwait sa pagdating ng Azkals. Animo’y may Azkals Fever sa naturang lugar. Nakapag-pagawa na sila ng Azkals T-Shirts, badges at banners na gagamitin sa aktuwal na laban.

Ginawa namin ito bilang suporta sa Team Azkals. Proud kami na makakarating ang Philippine Team dito”, wika ng Azkals fan na si Nelson Lacson.

Maging ang Philippine Embassy sa Kuwait ay todo-suporta sa Philippine Azkals. Kanilang ginagabayan ang mga Pilipino sa Kuwait sa paghahanda.

This is one occasion that the Philippine Embassy and the Filipino community here in Kuwait should join forces together in showing their unity in boosting the morale of the Filipino Football National Team”, ang pahayag ni Shulan Primavera, Philippine Ambassador sa Kuwait.

Ang ticket para sa Kuwait Al-Azraq vs. Philippine Azkals ay nagkakahalaga ng 5 Kuwait Dinars (PHP 765), 3 Kuwait Dinars (PHP 459) at 2 Kuwait Dinars (PHP 306).

3 comments:

  1. gusto sana jan ako mgplay kac football player ako eh

    ReplyDelete
  2. azkals club saan ako pwde mg apply for football player ..

    ReplyDelete
  3. Hi Looking for new online cockfight betting? Here's a site that will sure give you the best online cockfight betting. It is where big bettors are rolling in! Join the Sabongking.com match betting, with a minimum deposit of Php2000. Feel the excitement as it happens inside the cockpit arena: Big derbies, big bettor and clearest video. Feel the adrenalin rush as you watch and place your bets. Be part of the action and not a mere spectator! Be the SABONGKING ! A true gamecockers don't just watch they BET. So start loading your Sabongking virtual points now. Visit the site and SIGN UP! www.sabongking.com

    ReplyDelete