Tuesday, July 19, 2011
Mga Dapat Malaman sa Saudi Labor Law – Ikalawang Serye
by Max Bringula
Published in Abante ME Edition, 18 July 2011
Ito’y pagpapatuloy ng ating Serye patungkol sa Saudi Labor Law na ating sinimulan. Tulad ng aking unang nabanggit, ito’y isasagawa natin sa Q & A format (o Question and Answer).
Sa artikulong ito, ang ikalawang serye, ating tatalakayin ang Kahulugan ng Kontrata at ng sahod o wages, at ang relasyon ng patrabaho at ng manggagawa. Gayundin ang tinatawag na Probationary Period.
A. Ano ang kahulugan ng Kontratang Manggagawa (o Employment Contract)
Ang Kontratang Manggagawa ay isang kasulatan na napagkasunduan ng paglilingkuran o nagpapatrabaho (o employer) at ng manggagawa na pumayag magtrabaho sa ilalim ng pangangalaga at pangangasiwa ng nagpatrabaho na siyang may control sa pasahod at pamamaraan ng pasahod.
Napakahalaga na ang isang manggagawa ay may Kontrata na pinirmahan na siyang magiging batayan ng kanyang pagtratrabaho, at kailangan na ito’y malinaw na kanyang binasa at naunawaan bago pirmahan. Kung kaya’t dapat iwasan na pumirma kung di maunawaan ang nakasaad lalo na kung ito’y nakasulat sa ibang lenguwahe na di mabasa at maintindihan ng manggagawa.
Kung pipilitin na siyang minsang nangyayari sa iba nating kababayan kung saan ang kanilang kontrata na pinirmahan sa Pilipinas ay binabago pagdating sa lugar na pagtratrabauhan, sikaping tumanggi at kung sadyang pinipilit, gumamit ng ibang pirma (o di mo pirma), o kaya’y maglagay ng note sa English o Tagalog na ito’y di mo naunawaan pagka’t nakasulat sa lengguwaheng di mo alam, bago pirmahan.
Dapat din na ang kontratang ito ay valid kung saan ang employer o representative ng pagtratrabauhan ay nakapirma rin sa nasabing kontrata.
Dapat din na ang isang manggagawa ay may kopya ng Kontrata. Ito’y kanyang karapatan.
Ang kontratang manggagawa ay dapat kinapapalooban ng mga sumusunod – pangalan ng employer, lugar ng pinagtratrabauhan, pangalan ng manggagawa, nationality o lahi ng manggagawa, suweldong napagkasunduan, at petsa ng pagsisimula ng trabaho.
B. Ano ang kahulugan ng Sahod o Wages (o Salaries)
Ang sahod ay tumutungkol sa bayad na binibigay sa manggagawa ayon sa napagkasunduan sa ilalim ng “labor contract” ito man ay nasa kasulatan o hindi nakasulat.
Ang sahod ay maaaring pera o bagay at maaari ring ibigay ng arawan, lingguhan o buwanan o dili kaya gawing por piraso o por oras o dami ng bilang ng produksiyon.
Sa kabuuan, ang sahod ay binubuo din ng dagdag sa suweldo at dagdag panggastos kung ito’y napagkasunduan tulad ng cost of living allowances (housing, transport, food). Kasama rin dito ang komisyon, porsiyento at iba pang uri ng kabayarang ipinagkakaloob sa manggagawa bukod sa kaniyang suweldo, kung ito man ay nakapaloob sa kontrata o kung ito ang sapat na halagang napagkasunduan ng dalawang partido na ayon sa kinagawian.
C. Ano ang relasyon ng Nagpapatrabaho at ng Manggagawa
Ang probisyon sa Kasunduan ng Pagtratrabaho o Kontrata ng Manggagawa ang makapagsasabi ng ugnayan ng nagpapatrabaho at ng manggagawa, kasama na rito ang mga karapatan at obligasyon ng bawat isa, ngunit ito ay hindi dapat salungat sa batas na pinaiiral, o sa moral o kagandahang-asal, sa pampublikong patakaran, at sa kaugalian ng pamamalakad ng pamahalaan.
Sa sitwasyon ng kawalan ng pinirmahang kontrata, ang karapatan at obligasyon ng dalawang partido ay matutukoy sa pamamagitan ng batas na pinaiiral sa lugar na pinagtratrabauhan at ng pagkakaroon ng pagkaka-ugnayang “employer-employee” na magpapatibay ng kahit anong pruweba na kung saan maigigiit ng isang manggagawa ang kaniyang karapatan.
D. Hanggan kailan ang “Probationary Period” ng isang manggagawa
Ang “probationary period” ng isang manggagawa ay di lalagpas sa siyamnapung araw (o 90 days) at ito’y dapat malinaw na nakasaad sa kontrata ng manggagawa. Kasama sa pagbilang ng 90 days ang “Eid Al-Adha” at “Eid Al-Fitr” holidays, at sick leaves, kung mayroon.
Sa loob ng “90 days probationary period”, maaaring i-terminate ng nagpapatrabaho o ng manggagawa ang kontrata ano mang oras, maliban na lamang kung nakasaad sa kontrata na isa sa kanila lamang ang makapag-papatigil o makapag-terminate nito.
Ang isang manggagawa ay di maaaring ilagay sa Probation Period ng dalawang beses o higit pa ng parehong employer o nagpapatrabaho, maliban na lamang kung may kasunduan ang dalawang partido na muling ilagay ang manggagawa sa probation period na di lalagpas sa siyamnapung araw o 90 days kung ang manggagawa ay bibigyan ng bagong trabaho na di kahawig ng kanyang dating ginagawa.
Kapag ang kontrata ay itinigil sa panahon ng probation period, ang manggagawa ay di makatatanggap ng severance award o bayad sa kanyang pag-alis.
*****
Sa susunod na serye, tatalakayin naman natin ang Tungkulin ng Manggagawa at Tungkulin ng Nagpapatrabaho.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Ako po ay masugid na taga-subaybay ng Column nyo at 9 years na nagtratrabaho dito sa Alkhobar, Saudi Arabia. Nais ko lamang pong itanong ang pag-exit ko sa company naming kung hindi apektado kung babalik din ako pero sa ibang company na. Sa aking pag-exit at pag-uwi ay dala ko na ang visa ng company na lilipatan ko. Wala po bang aberya sa immigration sa akin at sa new visa? Kasi po nagwo-worry lang ako gawa ng 9 years na ko this coming December 17 at end of contract ko na nitong September 18, 2011. Lubos na gumagalang. – Jay’r ng Persian Restaurant, Alkhobar
Hi Jay-r, kung ikaw ay exit na sa iyong company at tapos na ang iyong kontrata, wala kang dapat ipangamba sa pagbabalik mo upang magtrabaho sa ibang kumpanya. Sikapin lamang na aalis ka ng maayos sa kumpanyang pinagtratrabauhan mo ngayon, at bibigyan ka nila ng exit visa.
Mainam na gumamit ka na rin ng bagong passport sa iyong pagbalik para di na kailanganin pa ang NOC (no objection certificate) na minsan ay hinihingi ng agency sa atin kapag lumang passport ang gamit.
Hi kuya Max, kumusta po. Na-miss ko na po ang mga articles nyo. Bakit di ka na po nagsusulat? – Thess ng Bahrain
Hi Thess, maraming salamat sa iyo sa patuloy na pagtangkilik. Kung nabasa mo ang artikulo ko na na-publish noong Biyernes, 15 July 2011, ay nabanggit ko roon ang dahilan. Ang inyong lingkod ay nagbakasyon muna. Subalit ngayon, ay balik panulat na ulit tayo. Ang mga katulad ninyo na sumusubaybay sa aking column ang nagbibigay sa akin ng higit na inspirasyon na magsulat. Muli, maraming salamat. – Max
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment