by Max Bringula
Published in Abante ME Edition, 15 July 2011
Muli tayong humihingi ng paumanhin sa mga tagasubaybay ng Tinig sa Disyerto, sa pagkaka-antala at pagkakatigil nito sa Abante Middle East Edition.
Ito’y sa kadahilanang nagbakasyon ang inyong lingkod sa Pilipinas at sinadya kong hindi muna magsulat upang makapag-uwind ng husto na siyang matagal ko ng nais gawin.
Ngayon ay balik-trabaho tayo ulet – di lamang sa opisina kungdi maging sa panulat.
At bilang panimula, ating uumpisahan ang serye sa nilalaman ng Saudi Labor Law na ating tatalakayin upang mabigyan ng kaliwanagan ang mga kababayan natin tungkol dito. Ito’y bunsod na rin ng kahilingan ng mga mambabasa na magkaroon ng ganitong pagtalakay para sa kaalaman ng nakararaming OFWs.
Ito’y gagawin natin in a Q & A Format kung saan may katanungan at kasagutan hinggil sa mga batas na umiiral para sa manggagawa (o labor law). Ang mga inpormasyong aking ilalahad ay hango rin sa isina-tagalog na “Saudi Labor Law” na ini-akda ni dating Labor Attaché Jainal Rasul, Jr., kasama si Gng. Efipania Bagalawis.
Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman hinggil sa batas na ipinatutupad sa Kaharian ng Saudi Arabia, tulad ng Saudi Labor Law, ay makakatugon ng malaki sa mga OFWs na nasasangkot sa iba’t ibang uri ng problema sa trabaho at maging sa kanilang pananatili sa bansang ito.
Ang isang manggagawa na may wastong kaalaman sa kanyang karapatan ay hindi basta-basta magiging biktima ng di-makatarungang pananamantala.
Kung kaya’t atin ng simulan ang seryeng ito.
A. Bakit kinakailangan ng Manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia ang
Kaalaman sa Saudi Labor Law?
Mahalagang malaman ng manggagawa ang mga tuntuning ipinatutupad ng Kaharian ng Saudi Arabia tungkol sa paggawa. Sa pamamagitan nito, mababatid niya ang lawak o sinasakupan ng kaniyang trabaho at kung hanggang saan ang obligasyon niya sa among pinaglilingkuran. Magiging kapaki-pakinabang sa isang manggagawa na may kaalaman siya sa batas na pinaiiral upang sa oras na magkaroon ng di-pagkakaunawaan sa gitna ng manggagawa at among pinaglilingkuran, ay alam niya ang kanyang karapatan at kung papaano ilalapit sa kinauukulan ang kanyang kalagayan kung kakailanganin.
B. Sinu-sino ang mga sakop ng Saudi Labor Law?
Ang Saudi Labor Law ay sumasakop sa lahat ng uri ng kontratang napagkasunduan at pinirmahan sa pagitan ng manggagawa at nagpapatrabaho (o employer) kung saan isinasaalang-alang ang mabuti at maayos na pamamahala at magandang pagpapasahod.
Ito’y sumasakop din sa mga manggagawang nagsasanay (o apprentice) na may pinirmahang kontrata.
At yung mga nagtratrabaho sa gobyerno, pampurok na awtoridad (o municipalities), kawang-gawang o charitable institution, at samahang pampubliko (public organizations).
C. Sinu-sino ang di sakop ng Saudi Labor Law?
Ang mga sumusunod ay di sakop ng batas na pinaiiral at pinapatupad:
1) Miyembro ng pamilya na nagtratrabaho sa negosyong pag-aari ng sariling pamilya.
2) Manggagawa na nagtratrabaho sa pastulan o pagbubukid.
3) Mga katulong sa bahay (o domestic helper) at mga family driver.
D. Saan maaaring magtungo ang domestic helper o katulong na babae at ang family driver kung sakaling sila’y magkaka-problema sa trabaho.
Ang katulong na babae ay maaaring humingi ng tulong at kanlungan sa pinakamalapit na Saudi Welfare Agency (SWA), sa pamamagitan ng diretsang pagtungo roon, o dili kaya’y sa tulong ng Pasuguan ng Pilipinas (Embassy) o ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Para naman sa mga family driver, maaari silang lumapit o humingi ng tulong sa Office of the Governor o dili kaya’y sa Civil Rights Office.
Sa susunod na artikulo, tatalakayin naman natin ang Kahulugan ng Kontrata at ng sahod o wages, at ang relasyon ng patrabaho at ng manggagawa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment