by Max Bringula Chavez
published in Abante ME Edition on 28 July 2011
Marami ang nagtatanong sa atin kung ano raw ba ang masasabi ko sa ipinaiiral ngayon ng Saudi Arabia na Saudization o yung tinatawag na “Nitaqat” kung saan kailangan na ang bawat kumpanya’t establisimento sa Saudi Arabia ay mag-employ ng malaking porsiyento ng Saudi nationals sa kanilang workforce (lalaki man o babae at maging kabataan).
Dahil sa balitang ito, maraming mga kababayan natin ang natakot sa Nitaqat. Kinabahan at labis na nag-isip. Papaano na raw kung sakaling sila’y mawalan ng trabaho at mapa-uwi?
Nababahala pagkat di pa raw tapos ang mga bayarin sa kinuhang lupa’t bahay. May nag-aaral pang mga anak sa elementariya, haiskul at kolehiyo. Di pa nabibili ang pangarap na gamit at hindi pa nakakaipon para sa negosyong nais sanang ipundar sakaling umuwi na for good.
Ilan lamang ito sa litanya ng mga alalahaning bumabagabag ngayon sa karamihan ng OFWs.
Sadyang nakakatakot nga kung gayon ang Nitaqat.
Maging ang ibang sector ng ating pamahalaan at ilang mga mamamahayag ay na-alarma rin kung kaya’t sa halip na makapagbigay sila ng kaliwanagan sa isyu at makapagpawi ng agam-agam at pag-aalala ng marami ay lalo pang nagulo ang isipan ng pobreng OFWs at naragdagan ang kanyang takot.
Subalit dapat nga ba tayong matakot sa “Nitagat”?
Sa pulong na ginanap kamakailan sa pagitan ng Filipino community groups sa Eastern Province at ng bagong Labor Attaché ng POLO-ERO, Adam Musa, nilinaw niya na walang dapat ikatakot o ikabahala ang sinuman sa Nitaqat dahil di naman daw ito agad maipapatupad ng malawakan at agad-agad.
“It is too premature to say that there would be 300,000 OFWs or more that would be displaced because of Nitaqat as feared by some sectors and sensationally reported in the media” ani ni LabAtt Musa.
Marami pang proseso na pagdaraanan bago lubos na mapatupad ang Saudization scheme na ito. Sa ngayon, ang ginagawa ng Saudi Ministry of Labor ay ang pag-classify at pag-categorize ng mga kumpanya upang masuring maigi kung Saudization compliant ito o hindi.
Narito ang mga classification at categories/zones na kanilang gagamitin:
Classifications:
None o Exempted in Saudization = mga kumpanya na may 1-10 empleyado
Small o 5-24 % of Saudization = mga kumpanya na may 10-49 empleyado
Medium o 6-27 % of Saudization = mga kumpanya na may 50-499 empleyado
Large o 7-30 % of Saudization = mga kumpanya na may 500-2999 empleyado
Big o 8-30 % of Saudization = mga kumpanya na may 3000 o higit pa na empleyado
Categories:
Blue (VIP Category), Green (Excellent Category), Yellow (Poor Compliance), and Red (Non-Compliant).
Ang Blue at Green ay more or less compliant na, at ang Yellow at Red ay hindi pa.
Simula sa June 11, 2011, lahat ng kumpanya at establisimento sa Saudi ay dapat mag-hire o magdagdag pa ng Saudi nationals upang makapag-comply sa Saudization percentage na kailangan.
Yung mga nasa Yellow category ay binigyan ng siyam na buwang palugit upang makapag-comply (11 June 2011 – 11 March 2012), at yung nasa Red category ay anim na buwan (11 June 2011 – 11 December 2011).
Batay sa mga nabanggit na ito, matutukoy ng isang OFW kung saan napapabilang ang kumpanya o establisimentong kanyang pinagtratrabauhan. Kung ito ba’y compliant o hindi o kung exempted na sa Saudization.
Dapat ding alamin sa inyong Government Officer kung anong Category ang inyong kumpanya, kung Blue, Green, Yellow or Red.
May mga pribileheyo na kaakibat ang nasa Blue at Green category. Sila’y pwedeng mag-hire ng expatriates at makapag-apply pa ng bagong visa. Maaari rin nilang ipabago ang professions ng kanilang foreign workers kung ang profession nito sa visa ay para lamang sa Saudi. At higit sa lahat, pwede nilang i-hire yung mga foreign workers na nasa Yellow at Red Categories na maaaring ma-displace, na di na kailangan pa ng permiso ng kumpanyang panggagalingan.
Kung kaya’t yung mga OFWs na nasa Yellow at Red categories ay may chance pa na manatili sa Saudi kung sila’y maha-hire sa mga kumpanyang nasa Blue at Green categories.
Ayon kay LabAtt Musa, ang mga posisyon na maaaring maapektuhan at kailangang Saudi ang naka-puwesto ay yung mga nasa Human Resources. Gayundin ang security guards, receptionists at pharmacists.
Dagdag pa rin niya, ang mga nationalities na higit na maaapektuhan sa Nitaqat ay yung mga Arab-speaking nations tulad ng Sudanese, Yemenis, Egyptians, Lebanese, Jordanians, Omanis, Qataris, Kuwaitis, atbp. kung saan ang kanilang mga trabaho ay maaaring gawin o ibigay sa Saudis.
Gayunpaman, kung sadyang kapalaran na ang nag-takda sa isang OFW na umuwi, dapat ay tanggapin ito ng maluwag sa kalooban.
Dapat maging “eye-opener” sa bawat OFW na kailangan na tayo’y laging maging handa sa mga ganitong kaganapan. Maging hamon nawa ito sa bawat isa na bigyang halaga ang kanya-kanyang trabaho, maging masinop at magkaroon ng pagplaplano upang dumating man ang takdang panahon ng ating pagbabalik sa Pilipinas, nakatitiyak tayo ng maginhawang-buhay dahil may inimpok at di nagpabaya.
At higit sa lahat, magtiwala’t manalig sa Poong Maykapal na Siyang nagbibigay ng lahat ng ating tinataglay. Ang ating kanya-kanyang employer at kumpanya ay sa pangdaigdig lamang, subalit ang ating ultimate employer ay ang Panginoon. Siya ang nagbibigay, at Siya rin naman ang mag-aalis nito kung Kanyang ibig.
Kung tayo’y may pananalig at ginagawa natin ang nararapat – ang pag-iimpok at pagplaplano – wala tayong dapat ikatakot sa Nitaqat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment