Monday, October 3, 2011
Bagong Bagyo, Dating Gawi
by Max Bringula
published in Abante ME Edition, 30 September 2011
Dalawang taon na rin pala ang nakalipas nang salantahin ng bagyong Ondoy ang hilagang bahagi ng bansa noong September 2009. Sariwa pa sa kamalayan ng maraming Pinoy ang mala-delubyong trahedya na iyon na kumitil ng di iilang buhay at sumira ng milyun-milyong ari-arian.
Bagama’t normal lamang sa Pilipinas ang makaranas ng bagyo taun-taon na umaabot sa halos mahigit sa dalawampu ang bilang, kakaiba pa ring maituturing ang bagyong Ondoy sanhi ng pinsalang idinulot nito na nagbigay-daan upang mabuksan ang kaisipan ng karamihang Pilipino sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran.
Matatandaan na isa sa naging dahilan ng pagbaha lalo na sa lugar sa Kamaynilaan na dati-rati’y hindi lumulubog at di nakararanas ng lagpas-taong tubig-baha tulad ng Marikina, Pasig at Quezon City ay ang walang-pakundangang pagtapon ng basura sa karagatan, ilog at mga estero. Dahil dito, ang mga lagusan na dapat sana ay daraanan ng tubig ay nasarhan ng mga basurang itinapon kung kaya’t humanap ng ibang lagusan ang tubig na nagdulot ng mataas na baha sa mga lugar na nabanggit.
Gayundin, ang walang-humpay na pagputol ng mga punung-kahoy ay lumilikha rin ng mataas na pagbaha sanhi ng tuloy-tuloy na pagragasa ng tubig at pagdausdos ng lupa o yung tinatawag na “landslide”, pagkat walang ugat ng puno na dapat sana ay sasalo sa tubig na dala ng bagyo.
Ngayon, hindi pa man natatapos ang taong 2011, ay labing-anim na na bagyo ang dumaan sa Pilipinas, at ang pinakahuli nga ay ang bagyong Pedring na isang super typhoon na may lakas na 130-140 kilometers per hour.
Sabi ng marami na sanay na sa mga bagyong dumaraan sa Pilipinas, “bagong bagyo, dating gawi”, na ang tinutukoy ay ang paghahandang ginagawa kapag may malakas na bagyong darating tulad ng pagtungo sa evacuation centers, paglikas sa mga matataas na lugar, pagkumpuni ng mga sirang bubungan, pagligpit ng mga gamit upang di abutin ng baha, pag-imbak ng mga de-lata’t mga kakailanganing pagkain, at iba’t iba pang paghahandang ginagawa tuwing sasapit ang ganitong panahon.
Ngunit nawa’y ang katagang “bagong bagyo, dating gawi” ay di maging palasak na salita na lamang at hungkag sa aral na dapat matutunan ng bawat isang Pilipino.
Aral tulad ng pagsisikap na pangalagaan ang kapaligiran upang maiwasan ang pagbaha. Ang pagiging pro-active o pagiging handa bago man dumating ang bagyo o ano mang kalamidad.
Mga tungkuling di lamang naka-atang sa pamahalaan kungdi sa bawat isang Pilipino upang hindi na muling maranasan pa ang mala-Ondoy na trahedya sanhi ng ating kapabayaan.
Nang magkagayon, hindi na “bagong bagyo, dating gawi” ang ating sasambitin kungdi “bagong gawi para sa isang matatag at laging-handang Pilipino”.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment