by Max Bringula Chavez
Published in Abante ME Edition
Ang Pinoy ay may isang katangi-tanging ugali na maipagmamalaki mo, ugaling mamamalas sa mga kuhang larawan at gumagalaw na imahen na mapapanood sa telebisyon, YouTube, at social-networking sites. Ugaling bibihira mong makita sa ibang lahi at bansa.
Ang aking tinutukoy ay ang ugali nating nakangingiti sa gitna ng unos at nararanasang kalamidad.
Tulad na lamang ng mga larawang kuha sa nakaraang pananalanta ng bagyong Pedring na makikita n’yo sa artikulong ito.
Mga kabataang nagtatampisaw sa tubig at nagkakatuwaan gayong sa kanilang likuran ay humahampas ang nagngangalit na mala-tsunaming alon na maaaring kumitil ng buhay.
Hindi nila alintana ang kapahamakang maaaring dumating maranasan lamang ang kakaibang galak na madarama dulot ng tubig at alon.
Gayundin naman ng larawang ito ng lalaking bitbit ang ang kanyang kaibigang aso. Aninag na aninag mo ang kasiyahan sa kanyang mukha habang karga-karga ang asong nagtataka pa marahil sa nagaganap sa paligid.
“Walang iwanan” yan marahil ang sambit niya sa kaibigan. Kung kaya’t hindi alintana ang haba at taas ng bahang babaybayin mailigtas lamang ang kaibigang minamahal.
Hindi ba’t ganyan din tayong mga Pinoy? Kung para sa ating mahal sa buhay, handa tayong harapin ang ano mang hirap na susuungin ng walang paghihinagpis o kalungkutan bagkus taglay ang ngiti at kagalakang maibigay sa minamahal ang saya at kaginwahaan sa buhay.
Alam kong maraming kapwa ko OFWs ang makare-relate sa aking tinuran. Gayundin ang katotohanan na sa gitna ng unos, ng kahirapan, ng sakit ng katawan at kalooban, may ngiti pa ring nananalaytay sa ating mga labi lalo na nga’t kung ang sanhi ng mga ito’y para sa minamahal. Handang magtiis. Handang mag-sakripisyo.
Sa totoo, malaki ang nagagawa ng pag-ngiti. At ito marahil ang dahilan kung bakit tayong mga Pilipino ay nakatatagal, nakapagtitiis, nakapagtitiyaga gaano man kahirap ang ating trabaho, o gaano man pasaway ang ating mga kasamahan sa lugar ng ating trabaho.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga Pilipino ay siyang inaasahan at ipinagmamalaki ng mga banyaga sa mga kumpanyang ating pinagtratrabauhan.
May diskarte raw kasi ang Pinoy. Nakakangiti at masiyahin. Tinatawanan ang problema bagama’t may aksiyon din namang kaakibat na ginagawa.
Kaya nga’t huwag pagtakhan ang ugaling ito ng Pinoy. Huwag mabigla sa larawang ating nakita.
Sapagka’t yan ang Pinoy – nakakangingiti sa gitna ng unos.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Pagsunod sa Napagkasunduang Kontrata
May problema po kami sa aming kumpanya pinatratrabauhan. Yung kontratang aming pinirmahan sa Pinas ay di nasusunod. Sa kontrata nakasaad na maximum of 8 hours ang duty at 6 working days in a week. Pero kami ay walang days-off at pati duty hours namin ay 10 hours at minsan mahigit pa na wala namang binabayaran na overtime. Ano po ang aming gagawin? Maaari ba naming habulin yung nakasaad sa kontrata? – an OFW in Saudi Arabia.
Dear kabayan, by all means, may karapatan kayong habulin o ipatupad ang nakasaad sa kontratang inyong pinirmahan kung ito’y hindi sinusunod ng inyong amo tulad ng 8 working hours a day and payment of overtime na pawang nakatala rin sa Saudi Labor Law.
I suggest na kausapin ninyo muna ng maayos ang inyong amo o yung may-ari ng kumpanya at ilahad ang inyong hinaing at katanungan. At kapag ganoon pa rin at di nila tinupad yung sinasabi sa kontrata bagama’t nakipag-usap na kayo, maari kayong lumapit na sa kinatawan ng ating Embahada. Maaari kayong tumawag sa mga sumusunod na numero:
4821802 / 4823559 – Philippine Embassy, Riyadh
0515124797 o 6658462 ext. 101 – Philippine Consulate, Jeddah
8941846 / 8942090 – POLO, Eastern Region Operations
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment