Sunday, October 9, 2011

Philippine Ambassador Ezzedin Tago Meets with Saudi Ministers

Si Amb. Tago habang kausap ang Saudi Ministry of Foreign Affairs na si HRH Prince Khalid bin Saud bin Khalid.

Si Ambassador Tago habang kausap ang Saudi Minister of Agriculture na si H.E. Dr. Fahd bin Abdulrahman bin Balghunaim.

by Max Bringula
Published in Abante ME Edition


Dalawang mahalaga at magkasunod na okasyon ang naganap kamakailan lamang sa relasyon ng bansang Saudi Arabia at Pilipinas.

Ito’y nang bumisita sa Saudi Ministry of Foreign Affairs at Saudi Ministry of Agriculture ang bagong Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia, H.E. Ezzedin Tago.

Inaasahan na ang pagbisitang ito ay magpapalawig pa ng relasyon ng Pilipinas at Saudi Arabia kung saan mayroong mahigit na isang milyong OFWs na naninirahan at nagtratrabaho.

Unang binisita ni Ambassador Tago ang Headquarters ng Saudi Ministry of Foreign Affairs sa Riyadh kung saan kanyang nakadaupang-palad ang Minister Assistant ng Saudi Ministry of Foreign Affairs na si HRH Prince Khalid bin Saud bin Khalid.

Malugod na tinanggap ni HRH Prince Khalid ang bagong Ambassador sa kanyang opisina lakip ang pagbati at hangarin ng tagumpay sa tungkulin nito na mapainam ang ugnayan ng dalawang bansa.

Nabanggit ni HRH Prince Khalid na ang huling pagbisita niya sa Pilipinas ay noong 2009 kung saan pinangunahan niya ang pasinaya ng bagong gusali ng Saudi Embassy sa Makati.

Ayon sa Assistant Minister, HRH Prince Khalid, malaki ang paghanga at pagtitiwala ng Saudi Arabia sa mga manggagawang Pilipino dahil sa kanilang pagiging professional at dedikasyon sa trabaho. Kanyang hangad na nawa’y lumawig pa ang oportunidad ng manggagawang Pilipino sa pagtratrabaho sa Saudi Arabia.

Samantala, nagtungo rin sa Ministry of Agriculture sa Riyadh si Ambassador Tago upang katagpuin ang Saudi Minister of Agriculture na si H.E. Dr. Fahd bin Abdulrahman bin Balghunaim.

Natalakay sa pulong na nabanggit ang pagpapainam pa ng ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng Agrikultura. Inihayag ng Saudi Minister of Agriculture ang buong suporta ng Saudi Arabia sa mga proyektong naglalayong mapalawig ang pagtutulungang technical sa pananim at palaisdaan (agriculture and fisheries).

Tiniyak naman ng butihing Ambassador na handang makipagtulungan ang Pilipinas sa Saudi private sector at sa Saudi Chamber of Commerce and Industry upang higit na mapalaganap ang bilateral trade and investments ng dalawang bansa.

Ipinaabot din ni Ambassador Tago sa Saudi Minister ang imbitasyon ng Pilipinas na magdagdag pa ng investment nito sa Pilipinas.

Ipinagmamalaking binanggit ni H.E. Dr. Fahd ang huling pagbisita niya sa Pilipinas noong May 2009 kasama ang iba pang delegasyon mula sa Saudi Arabia na ang pakay ay para tumingin ng “lucrative investments” sa Pilipinas. Silay tumungo at pumasyal noon sa Manila at Davao.

Kasama sa meeting na ito nina Ambassador Tago at Saudi Minister Dr. Fahd sina Faisal Abdullah, Philippine Commercial Representative na naka-base sa Philippine Consulate sa Jeddah, at si Paul Saret, Third Secretary and Economic Officer na naka-base naman sa Philippine Embassy, Riyadh.


TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Saan Puwedeng Magpa-Notarize sa Alkhobar

Hi Sir Max, I’m Angelic from Mandaluyong. My husband is currently working at Alkhobar, Saudi Arabia. I keep on searching in the internet regarding notarization sa Alkhobar. Baka po may alam kayo kung saan po puwedeng magpa-notarize ng SPA (Special Power of Attorney) sa Alkhobar. Maraming salamat po. – Angelic, Mandaluyong, Philippines

Dear Angelic, salamat sa iyong pagsulat. Walang Embahada o Konsulada rito sa Alkhobar, Saudi Arabia. Kung kaya’t walang regular consulate services na isinasagawa sa Alkhobar tulad ng notarization. Nagkakaroon lamang ng buwanang Embassy On-Wheels (EOW) tuwing katapusan ng buwan kung saan bumibisita sa Eastern Province, Saudi Arabia ang mga taga-Embahada para magsagawa ng passport renewal at notarization. Maaaring magpunta ang Mister mo kung magpapa-notarize siya kapag may Embassy On-Wheels na ginaganap tuwing katapusan ng buwan sa Al Jazeera International School sa Dammam.

Ang susunod na EOW schedule ay sa 20 at 21 ng October 2011. Maaari siyang tumawag sa telepono 4821802 / 4823559 – Philippine Embassy, Riyadh o sa 8941846 / 8942090 – POLO, Eastern Region Operations para sa eksaktyong schedule nito.

No comments:

Post a Comment