by Max Bringula
published in Abante ME Edition, 19 Oct 2100
Isa sa madalas na problemang kinahaharap ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa abroad ay ang contract switching o pagpapalit ng kontrata sanhi ng pakikipag-kuntsaba ng mga ahensiya sa atin sa employer na kumukuha ng trabahador.
Ang kalakarang nangyayari ay papapirmahan ang bagong dating na trabahador o bago ito magsimula ng kanyang trabaho ng panibagong kontrata kung saan ang suweldo ay binawasan mula sa orihinal na halagang pinirmahan sa Pilipinas.
Kapag naman tumanggi ang pobreng manggagawa, tatakutin itong papauwiin at pagbabayarin ng lahat ng nagastos ng kumpanya sa kanya pati na ang pamasaheng pabalik sa Pilipinas.
Kung kaya’t mapipilitan na lamang ito na pumirma na minsa’y purong Arabic pa at walang English translation. Lalo na nga’t kapag sumagi na sa isipan niya ang mga nagastos para makapag-abroad lamang at ang pamilyang umaasa at naghihintay ng kanyang padala.
Minsan naman, sa airport pa lamang ay may papapirmahan ng bagong kontrata o kaya’y Waiver na nagsasabing di sila tutol sa ibabawas sa kanilang suweldo. At dahil nasa airport na at nagkasubuan na kumbaga dahil nakapag-benta na ng kalabaw, nakapag-sanla ng sakahan, at kung anu-ano pang kompromisong natanguan, iiling-iling na lamang pipirma ang kaawa-awang manggagawa.
Gayunpaman, dapat bang hayaan na lamang ang ganitong panloloko? Magbubulag-bulagan na lamang ba’t magbibingi-bingihan sa mga kaapihang ito na nararanasan ng ilan nating mga kababayan? Wala bang batas na pinaiiral upang maparusahan ang gumagawa nito?
Mayroon naman, yun nga lamang dapat maging mapagbantay ang bawat isa upang di mababale-wala ang mga batas na isinagawa para mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng manggagawang Pilipino.
Kamakailan lamang ay ipinasara ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang Workgroup Travel Agency sa Pilipinas na nanloko ng mahigit na isandaang manggagawang Pilipino na kanilang ni-recruit para sa Al Ewan Company.
Lumapit ang mga kababayan nating ito na nagtratraho sa Al Ewan Company sa Pag-asa Community Support Group, isang Filipino community group sa Eastern Province, Saudi Arabia na tumutulong sa mga distressed workers. Idinulog nila ang tungkol sa pagpapalit ng kanilang kontrata kung saan nabawasan ang kanilang buwanang suweldo.
Mula sa dating One Thousand One Hundred Twenty Five Saudi Riyals (SR 1125), ito’y ginawa na lamang Six Hundred Fifty (SR 650).
Sa dagliang pagkilos ng mga kawani ng Embahada at POEA, muling naibalik sa dating orihinal na halaga ang kanilang suweldo.
A. Ano ang sinasabi at nakasaad sa Saudi Labor Law patungkol sa Pagpapalit ng Kontrata?
Ang Pagpapalit ng Kontrata ay pagsasagawa ng panibagong kontrata na kaiba sa naunang pinirmahan at napagkasunduan.
Pinahihintulutan lamang ang pagsasagawa ng Pagpapalit ng Kontrata kung may pagkakaunawaan ang dalawang partido (manggagawa at nagpapa-trabaho) patungkol sa karagdagang kundisyones, o pagwawasto, pagsasa-ayos ng kontrata o bahagi ng kontrata, o mga salitang dapat na gamitin.
Hindi matatawag na legal ang Pagpapalit ng Kontrata kung hindi malayang pinahihintulutan ng alin man sa magkabilang partido ang pagbabagong gagawin.
Subalit kung ang pagbabago o pagpapalit ay ginamitan ng dahas, ng puwersa o pananakot, o ng pandaraya, ang kontratang ipinalit at pinirmahan ay pinawawalang-bisa.
Ang pinalitang kontrata ay pinawawalang-bisa rin ito kung ang kontrata o ang salitang ginamit o kundisyones na nakalahad ay lihis sa umiiral na batas, kahiman ang manggagawa ay malayang pumayag sa pagbabago nito.
B. Pinapayagan bang ibaba ang sahod ng trabahador sa loob ng panahon ng kontrata?
Labag sa batas na ibaba ng employer ang pasahod sa kanyang mga trabahador, na walang makatarungang dahilan sa loob ng panahon ng kanyang pinirmahang kontrata, at kung walang pahintulot mula sa manggagawa.
C. Ang employer ba ay puwedeng mag-utos sa isang manggagawa na gawin ang trabahong kaiba sa napagkasunduang gagawin o gagampanang trabaho?
Ayon sa patakaran, hindi kailanman pinapayagan ang employer na magpagawa o mag-utos sa kaniyang trabahador na gawin o gampanan ang tungkulin na kaiba sa napagkasunduan sa kontrata na walang pahintulot sa manggagawa.
Gayunpaman, maliban sa mga kasong pangangailangan na hindi maiiwasang gawin, hindi maaaring utusan ang trabahador na gawin itong sapilitan, maliban lamang kung may kasulatan ang manggagawa na pumapayag siyang gawin ang trabahong ibinibigay sa kaniya ng employer na pansamantala lamang.
*****
Sa susunod na serye, tatalakayin naman natin ang tungkol sa Patakaran sa Oras ng Patrabaho (o working hours), sa Days Off at sa Paid and Unpaid Leave.
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment