by Max Bringula
published in Abante ME Edition, 27 December 2011
Tuwing sumasapit ang buwan ng Disyembre, hindi lamang Kapaskuhan ang inaabangan at kinasasabikan ng mga OFWs dito sa Silangang bahagi ng Saudi Arabia, kungdi pati na ang taunang Filipino Community Day na isinasagawa ng Saudi Arabia Hiligaynon, Inc. (SAHI) taun-taon.
Tradisyon na ngang maituturing ang taunang pagdaraos ng Filipino Community Day sa Eastern Province na ang tanging hangarin ay makapaghatid-saya at aliw sa mga kababayan natin sa pamamagitan ng pag-iimbita ng mga sikat na personalidad upang magtanghal at mapasaya ang libu-libong OFWs na nagtratrabaho at naninirahan sa bahaging ito ng Saudi Arabia.
Ilang tanyag na showbiz personalities na rin at political icons ang naging bahagi sa layuning ito tulad nina Pooh, Mark Bautista, Erik Santos, Nyoy Volante, Bayani Agbayani, Jun Polistico, Jograd Dela Torre, Norman Mitchell, Hajji Alejandro, Rannie Raymundo, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. Franklin Drilon at former Sen. Robert Jaworski.
Sa taong ito, lalo pang pina-igting ng pamunuan ng SAHI ang okasyon nang maanyayahan ng grupo ang sikat na triumvirate ng popular na noontime show ng ABS-CBN, ang Hapi, Yipee, Yehey (HYY), na walang iba kungdi sina John Estrada, Randy Santiago at Rico J. Puno.
Di magkamayaw ang mga manonood nang lumabas na sa entablado ang tatlo at simulan ang kanilang usual stint na ginagawa sa Hapi, Yipee, Yehey na pag-awit at pag-sayaw. Kahit mataas na ang sikat ng araw, di ito alintana ng manonood kahiman ang pagsisiksikan ng tao, mapanood lamang ang mga hinahangaang hosts ng HYY.
Ang Hapi, Yipee, Yehey ay lagi ng inaabangan at pinapanood araw-araw ng milyun-milyong OFWs di lamang sa Saudi Arabia kungdi sa buong mundo. Kaya’t di kataka-taka ang dami ng tao na bumuhos noong December 9, 2011 sa lugar na pinagdarausan taun-taon, ang Cobra Amusement Park, Dammam, Kingdom of Saudi Arabia. Record-breaking na maituturing ang pagtatanghal ng tatlo sapagkat nalagpasan nito ang record na naitala ni Pooh noong nakaraang taon. Bumilang sa 16,000 katao ang nanood, mas marami ng mahigit na siyam na libo.
Kaya nga’t labis-labis ang pasasalamat ng pamunuan ng SAHI sa pangunguna ng Pangulo nito na si Engr. Reggie Montana, sa bawat OFWs na patuloy na tumatangkilik ng kanilang Filipino Community Day na ngayo’y nasa ikalabing-pitong taon na. Dahil sa suportang ito, sisikapin nilang mas papaigtingin pa ang pagtatanghal ng Filipino Community Day sa mga darating na taon.
Samantala, bukod kina John, Randy at Rico J, nagpaunlak din ng awit at sayaw ang mga kilalang Filipino talents ng Eastern Province, Saudi Arabia tulad nina Johans Benedict Cipriano, Champion – Eastern Region Got Talents 2011,Sandunes (a male-group talents composed of Jaypee Vega, Jonrey Salvia, Ferdie Neuda, Bong Buella, Jerwin Marana), FILPOP Twins (Gella Shekhinah Perez and Eunice Aritao), La Diva (RJ Sayud and Dalisay Samatra), Champion – Dammam Got Talents 2011, Al Suwaidi Dynamic Movers, Nikos Fluiz Magno Catanus – Little Prince OFW 2011, Nik Steps Dance Studio Dancers of Analiza Catanus (composed of Julia dela Torre, Bexymir Angelo, Cristine Pizarro, Precious Manansala and CJ Manalo), at Nell Charisse Ameera Bejasa, Little Princess OFW 2009 na siyang nanguna sa pag-awit ng Philippine National Anthem sa nasabing okasyon.
Tumayong mga emcees sa okasyon sina Flor Catanus ng TFC-Balitang Middle East, Bong Buella ng FILPOP at Roilo Alojado ng AFCSCOM.
Ipinapaabot naman ng SAHI ang pasasalamat sa mga sponsors nito na kung hindi sa kanila’y di maisasakatuparan ang nakagawian ng Filipino Community Day, tulad ng ABS-CBN Global (TFC) represented by Mr. Edgardo B. Garcia, Managing Director, Europe & Middle East, Al Suwaidi Holdings Company, Nesma & Partners, Western Union, LBC, Sky Freight Forwarders, Ayala Land, Friendi Mobile, Alicafe, New Cabalen Restaurant, ITL World, Lulu Hypermarkets, Dar As Sihha Medical Center, Zamil Travel, Etihad Airways, Penshoppe, at Mohammad Al-Dossary Hospital.
Gayundin sa walang-sawang pakikipag-tulungan ng Philippine Embassy Riyadh at POLO-ERO sa pangunguna ni Ambassador Ezzedin Tago and Labor Attache Adam Musa.
Ang SAHI ay accredited community partner (ACP) ng Philippine Embassy Riyadh at lehitimo at aktibong miyembro ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission), umbrella organization ng iba’t ibang Filipino community groups sa Eastern Province. Naitatag ang SAHI noong 1993 at naka-registered sa SEC Securities Exchange Commission).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment