Monday, April 23, 2012

Isang Matagumpay na PBL Opening

by Max Bringula (Published in Abante ME Edition on 19 April 2012)

Tulad ng inaasahan, isang matagumpay at makulay na Opening Ceremony ang nasaksihan noong Biyernes, 06 April 2012, sa pagbubukas ng Season 7 ng PBL (Pag-asa Basketball League), isang taunang liga na isinasagawa ng Pag-asa Community Support Group sa Eastern Province, Saudi Arabia.

Ang seremonya ay ginanap sa Al Jazeera International School in Dammam kung saan labing-siyam na koponan ang pumarada bitbit ang kani-kanilang banner at kasama ng mga naggagandahang Muse. Ang mga koponan na nabanggit ay ang mga sumusunod na hinati sa dalawang Division.


Division A: GMC Thunders, JIL Theos, JCLORIM Warriors, DBD Agape, CLSF Emman at CCWIM 1 Division B-1: DDU 1, JTLG Corinthians, CLSF-Emman 2, CLSF-TJM4, POPCF Knights at PFC Division B-2: DDU 2, JCPP, JCILSA Kawal, CLSF-Emman 3, JUSL, JLRR at CCWIM 2.

Sinimulan ang okasyon sa isang upbeat dance na ipinamalas ng GMC Thunders na nagsilbing hudyat ng opisyal na paninimula ng PBL Season 7, at pagkatapos nito’y isa-isa ng tinawag ang mga koponan para sa inaabangang Parade of Teams.

Gumugol din ng mahigit kumulang na trenta minutos ang parada na sinundan naman agad ng Pambansang Awit sa pangunguna ni Ms. Seth Vega at Invocation ni John Tolentino kung saan ipinanalangin di lamang ang tagumpay ng Liga kungdi maging ang manlalaro pati na ang kani-kanilang Coach at Team Captain upang matiyak ang maayos at mapayapang paglalaro.

Ipinaalala naman ng Technical Committee Head na si Ruben Panzo, ang ilang mga PBL Rules na dapat tandaan at sundin ng mga manlalaro, at pagkatapos sila’y kanyang pinangunahan sa Oath of Sportsmanship.

Sa Welcome at Opening Remarks ng Chairman ng Pag-asa Community Support Group na si Max Bringula, kanyang inihayag na ang PBL ay isang larong-kapatiran kung kaya’t ang dapat mapapurihan ay ang Diyos at hindi ang tao o ang galing at talento ng sino pa man. Dagdag din niya, na ito’y pagkakataon upang maipakita ng bawat manlalaro na sila’y di lamang manlalarong Pilipino kungdi higit sa lahat, isang manlalarong Kristiyanong-Pilipino na may taglay na disiplina at pag-ibig sa kapwa.

Nagbigay naman ng mapanghamong Inspirational Remarks ang panauhing pandangal ng okasyong iyon na walang iba kungdi ang Welfare Officer ng Philippine Embassy sa POLO-Eastern Region Operations na si Ron Lionel M. Bartolome o mas kilala sa tawag na WelOff Ron. Kasama niyang dumalo si Jack Arroyo, Administrator sa POLO-ERO.

Sa kanyang pananalita, pinasalamatan niya ang grupo ng Pag-asa bilang isa sa pinagkakatiwalaan ng Embahada na community group sa Eastern Province na ang pagtulong sa Filipino community ay tapat at walang hinihintay na ano mang kapalit, lalung-lalo na sa pagtulong sa mga distressed workers. Nagbigay din siya ng paalala sa mga naroroon na mag-ingat sa ina-upload na litrato at videos sa mga social network tulad ng Facebook. Dapat daw na tiyaking walang inappropriate materials na ia-upload na lalabag sa kultura at paniniwala ng bansang kinalalagyan.

Samantala, sa ikalawang pagkakataon, nagkaroon muli ng Cheering Competition at ito’y napagwagian ng koponan ng JCILSA Kawal.

Tinanghal namang Best in Uniform ang Day by Day – Agape sa kanilang reversible green and white uniform na ayon sa Team Manager nito ay pinasadya pa talaga nila sa BOTAK Philippines na siya ring gumagawa ng uniforms ng ilang mga teams sa UAAP at NCAA.

Most Organized Team naman ang JCPP Eagles at Best Muse o Miss PBL Season 7 si Ms. Romelia Ilustre ng GMC Thunders.

Umaatikabong sagupaan naman ang nasaksihan sa tatlong laro na isinagawa pagkatapos ng Opening Ceremony. Ito’y sa pagitan ng JTLG Corinthians at DDU Ephphatha na pinanaluhan ng una sa score na 65-45. Sinundan ito ng panalo ng JCILSA Kawal sa kalabang CLSF Emmanuel 3 sa score na 52-44. 

Mala-Championship Game naman ang napanood sa ikatlong laro sa pagitan ng DBD-Agape at GMC Thunders kung saan parehong nagpamalas ng galing at husay sa depensa ang dalawang koponan. Sa huli’y namayani ang DBD sa score na 84-77. Ang winning triumvirate nina Lontoc, Mandia at Lazaro ang isa sa naging daan upang makamit ng DBD ang kanilang unang panalo sa Season 7 ng PBL laban sa 3-time PBL Champion, ang GMC Thunders.

Tunay na tagumpay ang paninimula ng PBL Season 7. Inaasahang madaragdagan pa ang excitement sa mga darating na Huwebes at Biyernes habang isinasagawa ang Elimination Round sa Division A at B. 

Pinasalamatan naman ni Tim Mallari, PBL Commissioner sa tatlong magkakasunod na taon, ang lahat ng mga dumalo at sumuporta sa kanilang pagbubukas. Gayundin ang bumubuo ng PBL Season 7 Executive Committee. Ang tema sa taong ito ay “Encourage One Another and Build Each Other Up”, at ang Master of Ceremonies ay magkatuwang hinawakan nina Rosendo Campos at Arthur Valeros



.

No comments:

Post a Comment