Tuesday, May 24, 2011
Extension ng Amnesty Para sa mga Overstayers, Nilinaw
by Max Bringula Chavez
Tinig sa Disyerto, Abante ME Edition
Published on 18 May 2011
Magandang balita ang pag-extend ng dateline ng Amnestiya para sa mga overstayers na hanggang 14 September 2011 na. Ito ang inihayag kamakailan lamang ng Ministry of Interior ng Saudi upang mabigyan ng higit pang panahon ang mga nais na mag-avail ng Royal Pardon na ito na ibinigay ng Hari ng Saudi Arabia noong nakaraang taon at may dateline na 23 March 2011.
Ang extension na ito’y bunsod ng pagdagsa ng napakaraming aplikante na nagnanais na ma-avail ang nasabing amnestiya kung kaya’t di kinaya ng Ministry na ma-process lahat ang mga dokumentong natanggap at mabigyan ng exits bago pa man dumating ang unang dateline.
Kung kaya’t para roon sa mga nagnanais na ma-avail ang Amnestiyang ito, maaari pa kayong humabol pa hanggang 14 September 2011.
Gayunpaman, nais linawin ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang eksaktong kinapapalooban o coverage ng Royal Pardon pagkat may conflicting reports na lumabas sa mga pahayagan kamakailan lamang patungkol sa kung sino ba ang pwedeng mag-avail nito.
Ayon sa pahayagang AlRiyadh na may petsang 28 April 2011, ang pardon ay para roon lamang sa mga expatriates na nag-overstay dahil napaso na ang kanilang Haj, Umrah, o Visit visas, bago ang 25 September 2010.
Subalit ayon naman sa Arab News na may petsang 28 April 2011, ang amnestiya ay di lamang sa mga visa overstayers kungdi maging yung mga tumakas sa kanilang employer.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng Philippine Embassy ang magiging tugon ng Saudi Ministry of Interior sa sulat na kanilang ipinadala.
Matatandaang ang Amnestiyang inilabas noong 23 September 2010 ay para sa mga overstayers na pilgrims at visit visa holders na ang visa ay paso na at hindi sa mga tumakas o umalis sa kanilang employers sa iba’t ibang kadahilanan. Kaya’t ating pinapaalalahanang muli ang mga kababayan natin na huwag maniniwala sa mga taong mangangako na kayo ay pauuwiin sa pamamagitan ng Amnestiya at hihingan kayo ng pera pang-ticket kung hindi naman kayo sakop sa coverage ng nabanggit sa itaas.
Gayunpaman, kung may development o pagbabago sa coverage ay ating ipaaalam agad sa mga kababayan natin.
Penalty sa mga Kumukupkop sa Overstayers
Samantala, ating pinapaalalahanan ang mga kababayan natin na kumukupkop sa mga overstayers na ang ganitong bagay ay ipinagbabawal sa batas ng Saudi at ang mahuhuling gumagawa nito pati na ang pagtra-transport sa kanila at pagbibigay ng trabaho ay may karampatang parusa kapag nahuli. Sampung libong riyals ang penalty at may pagka-kulong ng anim na buwan.
Ang mga kumpanya naman at private organizations na mahuhulihang may visit visa holders na ang visa ay paso na ay papatawan din ng parehong parusa tulad ng ating nabanggit.
Ang batas na ito ay sumasaklaw sa lahat ng mga expatriates na dumating sa Saudi Arabia on a visit visa upang bisitahin ang kanilang pamilya or for business reasons. Kung kaya’t dapat iwasang ma-expire ang visa upang di mapatawan ng parusa kapag mahuli.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment