Monday, May 16, 2011
TSD, Muling Nagbabalik
Tinig sa Disyerto
by Max Bringula
Abante Middle East Edition, 14 May 2011
It’s nice to be back.
Matapos ang halos tatlong buwang mahigit na di pagsulat ng inyong lingkod, ikinagagalak kong ipaalam na nagbabalik ang paborito ninyong column sa Abante Middle East Edition, ang Tinig sa Disyerto (o TSD) upang muling magdala ng mga maiinit na balita’t kaganapan hindi lamang sa Kaharian ng Saudi Arabia kungdi maging sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan.
Pansamantalang nahinto ang TSD sa kadahilanang tayo’y naging abala at nadestino sa Kuwait for a special assignment.
Subalit simula sa araw na ito, muli ninyong matutunghayan ang column na napamahal na rin sa marami nating mga kababayan at sinusubaybayan di lamang sa Saudi Arabia, kungdi maging sa Bahrain at Qatar.
Pinili natin ang buwan ng Mayo para sa pagbabalik ng TSD sapagkat sa buwang ito rin unang natunghayan ang Tinig sa Disyerto sa malawakang sirkulasyon ng Abante Middle East Edition sa pamamagitan ng unang artikulo nito na may titulong “Alikabok Muling Nanalasa” (nailathala noong 16 May 2009) dalawang taon na ang nakakaraan.
Dalawang taon na ang TSD
Parang kaylan lang, naka-abot na pala tayo ng ika-dalawang taon. Mahaba-haba na rin ang ating pinagsamahan kung susumahin. Na kung isang OFW ang TSD, masasabing nakatapos na pala ito ng isang kontrata. Pwede ng umuwi’t magbakasyon o kaya’y mag-exit ng tuluyan.
Subalit taliwas ito sa hangarin ng TSD. Magpapatuloy ito at di hihinto sa paghahatid ng makabuluhang balita at kaalamang kakailanganin ng bawat OFW upang maging matatag at maging handa sa pagharap sa hamon ng buhay.
Layunin din nito na pasiyahin ang pananatili ng OFW sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng mga kasiya-siyang panulat at babasahing kapupulutan ng aral sa buhay. Nais ng column na ito na maging kabalikat at katuwang ng OFW sa araw-araw niyang pagtahak at pagharap sa larangang kanyang kinabibilangan.
Kaalinsabay sa hangaring ito, ating ipagpapatuloy ang nasimulan nating paglalaan ng espasyo sa mga tanong at komento mula sa masusugid nating tagasubaybay ng TSD upang maibahagi ang mahahalagang inpormasyong dapat nilang malaman.
At bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-dalawang taon ng TSD, nais kong magbigay-pugay at magpasalamat sa mga walang-sawang sumusubaybay at tumatangkilik ng ating column dito sa Abante Middle East Edition. Ang inyo pong pagtangkilik ang nagbibigay sa atin ng insipirasyon upang ipagpatuloy ang simulaing ito.
Nawa’y lumawig pa ang ating pagsasama sa mga darating na panahon.
Website ng Philippine Embassy sa Riyadh Pansamantalang Itinigil
Isang advisory ang ating natanggap mula sa Pasuguan ng Republika ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia na nagsasaad na pansamantalang ititigil ng Embahada ang kanilang website na www.philembassy-riyadh.org sa loob ng dalawang linggo mula ngayon. Ito’y sa dahilang magpapalit sila ng host o service provider upang mapabilis pa lalo ang serbisyo ng Embahada sa mga kababayan natin na bumibisita sa naturang website.
Samanatala, para sa mga nagtatanong kung saan makikita ang listahan ng mga Passports na maaari ng i-release, ito po’y mababasa’t makikita ninyo sa website ng Philippine Consulate in Jeddah, sa www.pcgjeddah.org.
Para naman doon sa nagnanais na kumuha ng official consular forms, maaari po kayong mag-eMail sa kanila sa mga sumusunod na eMail address:
Riyadh.pe@dfa.gov.ph o filembry@sbm.net.sa
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment