Sunday, May 13, 2012

Alay Kay Inay

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 14 May 2012)


Ina” - iba’t iba ang tawag natin sa kanila.  Nanay, Inay, Inang, Nanang, Mommy, Mama, Mamang, Ma, Mom, at marami pa.  Tinatawag natin sila sa pangalan o paraang tumutungkol sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa atin.

Ang salitang “Ina” ay siyang exact translation sa Tagalog ng “Mother”, at siyang ginagamit kung atin silang tutukuyin tulad ng “butihing ina”, o “ina ng tahanan” o kaya’y ang “tanging ina”.

Tinatawag natin sila ayon sa antas ng ating pamumuhay.  “Nanay” o “Nay” kung ika’y isang anak-dalita o anak-mahirap.  Sa lalawigan, kadalasa’y “Inay” o “Inang” ang tawag, lalo na sa ka-Tagalugan.

Sa mga nakaka-angat at may kaya sa buhay o yaong mga nasa alta-sosyedad,  tawag nila’y “Mommy”, “Mama” o “Mom” o kaya’y simpleng “Mother”.

Sa gay lingo o sa kalipunan ng tinatawag nating “third sex”, “Madir” naman ang madalas kong naririnig.

Maging ang mga sanggol o batang nagsisimula pa lamang magsalita, sila’y nakasasambit na ng mga katagang katugma o kasing-tunog ng salitang “Nanay” o “Mom” o “Mama”, tulad ng “Na” o “Ma” o “Ma-ma”.

Doon naman sa mga sadyang moderno at nais maging kaiba, tawag nila sa kanilang ina ay “Dada” o “Mommy-yo” o “Mommie Dearest” o “Dearest Mom” na animo’y kumakatha ng sulat.


Marami pa marahil ang maiisip nating itawag sa ating dakilang ina, at marami pang bagong termino ang maiisip sa mga darating na panahon, subalit wala pa ring makatutumbas at makapaghahayag alin man sa mga salitang ito ng dakilang pagmamahal na iniukol ng ina sa kanyang anak.

Mula sa kanyang sinapupunan, inaruga niya na ang sanggol na isisilang sa mahigit kumulang na siyam na buwan bago ito tuluyang isilang sa mundong ito.  Kung kaya’t ganon na lamang ang kanilang kagalakan nang dumating ang takdang araw na iyon.

Subalit di roon nagtapos ang kanilang paglalaan ng oras at panahon at buhay sa atin, kungdi simula pa lamang iyon.  Mula sa pagiging sanggol hanggang tayo’y natutong lumakad at magsalita, naroon ang kanilang walang-sawang pagbabantay na kahit lamok ay di hahayaang dumapo sa atin.  Ipagsasanggalan ang katawan sa sinumang kumanti o manakit sa ating murang gulang.

At ngayong malaki ka na, ngayong may sarili ng lakad at nais sa buhay, naroroon pa rin ang uri ng pagmamahal ng isang ina na kailanma’y di nagmaliw.  Lumuluha sa ating mga kabiguan, sa ating paglisan at paglimot natin sa kanila.  Nagagalak sa ating tagumpay at sa ating pagdating at tuwing sila’y naaalala natin hindi lamang sa kanilang kaarawan kungdi maging sa espesyal na araw tulad ng “Mother’s Day”.

Kaya’t sa aking dakilang ina, nais kong ialay ang panulat na ito.  Na kung di dahil sa kanya ay walang isang Max Bringula na ngayo’y tumitipa upang kathain ang “Alay Kay Inay” bilang pasasalamat sa pagmamahal na inihahandog ng isang Ina sa kanyang anak na tulad ko.

Batid kong gayundin ang nararamdaman ng bawat isang nakababasa nito.  Kaya’t sa espesyal na araw na ito, ating ipaabot sa kanila ang ating taus-pusong pasasalamant.  Atin silang bisitahin, pasyalan, tawagan, i-text, i-eMail, i-chat, at iba’t iba pang pamamaraang avaiable sa atin ngayon upang marinig nila at mabatid kung gaano sila kahalaga sa atin.  Pagka’t kungdi natin gagawin ngayon ito, kailan pa?  Bawat araw na lumilipas ay di na natin maibabalik pa.

Atin silang yakapin, hagkan at sabihing, “’Nay, I love you, po.”  Maraming-maraming salamat sa inyong pagmamahal sa akin.

Alay ko po ito sa inyo.  Happy Mother’s Day.

1 comment:

  1. The Most Iconic Video Slots On The Planet - Jancasino
    The most iconic aprcasino video slot is the 7,800-calibre slot machine called Sweet jancasino.com Bonanza. This slot machine was developed in 2011, developed in the same casinosites.one studio by apr casino

    ReplyDelete