Thursday, May 10, 2012

Human Trafficking, Tinalakay sa Saudi HRC Workshop

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition on 08 May 2012) 
Riyadh, Saudi Arabia 

Ito ang sentro ng pag-uusap sa katatapos na one-day Workshop na in-organisa ng Human Rights Commission (HRC) ng Saudi Arabia upang talakayin ang mga karampatang batas laban sa human trafficking.

Ang nasabing Workshop ay ginanap sa Four Seasons Hotel, Riyadh na dinaluhan ng mga foreign dignitaries and diplomats kasama ang delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Philippine Ambassador, Hon. Ezzedin H. Tago, kasama sina Vice Consul Redentor Genotiva at Mr. Camaloddin Hasim ng Philippine Embassy, Riyadh.

Dumalo rin ang mga representatives ng iba’t ibang Saudi law enforcement and investigation agencies at pati na ng tauhan mismo ng Saudi HRC Permanent Committee for Anti-Trafficking in Persons.

Sa opening remarks ng Pangulo ng Saudi HRC na si H.E. Dr. Bandar bin Mohammad Al-Aiban, kanyang kinilala ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Saudi Arabia at ng mga bansang nagpapadala ng kanilang mga manggagawa upang maiwasan ang human trafficking.

Nagbigay naman ng malawakan at detalyadong Report ang Executive Director ng Protection Project na si Dr. Mohammad Mattar, isang human rights group na naka-base sa John Hopkins University, patungkol sa pagpapatupad ng Saudi Arabia ng batas laban sa human trafficking.

Ayon sa Trafficking Protocol na in-adopt ng United Nations noong taong 2000 sa Palermo, Italy, ang human trafficking ay ang illegal na pagkuha, pagbiyahe o pagpapadala, pagtanggap at pagtatago o pagkukupkop ng mga tao (lalaki man o babae o bata) gamit ang dahas at pananakot, pagdukot, panlilinlang o panloloko, pagbayad at pagtanggap ng bayad, pag-abuso sa kapangyarihan at posisyon upang makapag-kontrol ng tao na pagtrabauhin ito ng sapilitan (forced labor), gawing alipin (slavery) at i-exploit sexually o abusuhin at pagkakitaan.

Ang mga gumagawa ng ganito’y may karampatang parusa.  Kaya’t pinapaalalahanan natin ang sino man na kabilang sa ganitong illegal na gawain na huwag ng ipagpatuloy pa ang masamang gawi na ito at mahuli’t maparusahan.

Ang Saudi Arabia at ang Pilipinas ay parehong signatories sa UN Protocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking in Persons, Especially Women and Children, at may kanya-kanyang batas na ipinaiiral.

Ang Pilipinas ay may Republic Act 9208 o mas kilala sa tawag na “Anti-Trafficking in Person Act of 2003”, samantalang ang Saudi Arabia naman ay may Royal Decree No. M/40 o “Anti-Trafficking in Person’s Law” na kanilang isinabatas noong 14 July 2009.

Naging makabuluhan ang Workshop na ginanap at sa pagtatapos nito, umaasa ang lahat ng dumalo na papag-igtingin pa ang pagsasatupad ng batas laban sa human trafficking.  Ang pagtutulungan ng pamahalaan ng bawat bansa pati na ng mamamayan nito ang makapipigil sa paglaganap ng gawaing ito laban sa karapatang-pantao.

Si Ambassador Tago kasama ang mga opisyales ng Saudi Human Rights Commission.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Mga Katanungan Tungkol sa Trabaho

Sa lahat ng masugid na sumusubaybay sa ating Column dito sa Abante ME Edition, ako’y po’y labis na nagpapasalamat sa inyong pagtitiwala.  Marami po tayong natatanggap na messages na humihingi ng payo at tulong tungkol sa kanilang problemang nararanasan sa trabaho.  Akin po itong pinag-aaralan upang makapag-bigay sa inyo ng tamang payo sa tulong na rin ng representatives natin sa Embahada. Akin po itong ilalahad sa mga darating na isyu ng Tinig sa Disyerto.  Salamat po. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

No comments:

Post a Comment