Saturday, May 19, 2012

Takas, Gusto ng Sumuko

by Max Bringula
(published in Abante ME Edition on 19 May 2012)


Sa dahilang maraming katanungan tayong natatanggap mula sa mga kababayan natin at masusugid na tagasubaybay ng Tinig sa Disyerto, tungkol sa kani-kanilang trabaho bilang mga OFW, ating napagpasiyahan na maglaan ng espasyo sa ating column para sagutin at talakayin ito sa abot ng ating makakaya at nalalaman.

Ito’y gagawin natin base sa kahalagahan ng tanong at sa kapakinabangang maidudulot nito sa bawat OFW’s.

Uunahin nating bigyang-pansin ang katanungang ipinadala ni Jermer Gerondo ng Dammam, Saudi Arabia tungkol sa kanyang kaibigan na tumakas sa amo/pinagtratrabauhan at ngayo’y nais ng sumuko.

Narito ang buod ng kanyang sulat:

Ako po ay tagasubaybay sa inyong column sa Abante ME Edition.  Hihingi po sana ako ng payo tungkol sa aking kaibigan.  Siya ay tumakas sa kanyang amo dahil tinangka siyang gahasain ng kapatid ng amo niya at hindi siya pinapakain sa bahay nila at inaabuso pa.  Ano po ba ang proseso pag susuko na siya sa embahada natin?  Madali ba siyang makakauwi?  Sasagutin niya ang pamasahe basta makauwi lang siya agad sa oras na sumuko na siya.  Sana mabigyan n’yo po ako ng payo.  Maraming salamat po. 

Ang takas o runaway workers na nais sumuko ay dinadala sa Deportation (kung ito’y lalaki bagama’t may mga babae rin na dinadala rito depende sa bigat ng kasong ibinigay ng employer) at sa SWA (Saudi Welfare Agency) naman para sa mga kababaihan.

Kung gaano katagal bago makauwi ang isang takas ay depende sa magiging katugunan at kooperasyon ng kanilang amo na ipapatawag o tatawagan sa oras na sumuko na ang takas.  

Kaya nga’t ang ipinapayo ng ating Embahada ay huwag ng patatagalin pa ang pagsuko.  Dapat nga’y sa loob lamang ng dalawamput-apat na oras mula sa pagtakas ay makipag-ugnayan na agad ang runaway sa representatives ng ating Embahada o POLO upang di siya maunahan ng kanyang amo o employer na makapagpa-blotter sa pulis.

Kapag na-blotter na ibig sabihin ay may kaso na ang nasabing runaway at hanggang di pumapayag ang amo/employer na ito’y iurong, hindi makaka-uwi ang nasabing takas kahiman siya’y sumuko na.

Sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng representatives ng Embahada o ng Case Officer sa employer ng takas, maaaring mapadali ang pag-uwi depende sa magiging resulta ng pag-uusap.  Kung may nakalaan ng pambili ng air ticket ang isang takas, maaari itong makatulong sa mabilis na pag proseso ng pag-uwi.  Gayunpaman, nakasalalay pa rin ang lahat sa pakikipagtulungan o kooperasyon ng employer pagka’t hawak nila ang passport ng kanilang mga trabahador.

Samantala, kung wala na ang employer o inabandona na ang trabahador at di na makontak pa, gagawan na lamang ng Embahada ang takas ng Travel Document upang ito’y makauwi.

Sinisikap naman ng ating Embahada na di magtatagal sa SWA ang mga kababaihang takas.  Sa loob ng isang buwan ay dapat mapauwi na sila agad dahil mismong mga opisyales ng SWA ang nagsasabing sila’y pauwiin na agad at huwag ng patagalin pa.

Doon naman sa mga nasa deportation, ang pag-uwi nila’y nakasalalay din sa pagpayag o di pagpayag, pakikipagtulungan at di pakikipag-tulungan ng kanilang amo/employer.  Kapag pumayag na ang employer ng  trabahador na ito’y makauwi, ihahanda naman ng Embahada ang kanilang Travel Documents (may passport man o wala).  Kung ito’y magagawa nila agad, makakauwi sa madaling panahon ang takas.

Para sa kaalaman ng lahat, ang Deportation ay hindi kulungan bagama’t ang lugar ay tulad sa isang kulungan na siksikan at naka-kulong doon ang mga takas o yaong mga wala ng employer habang naghihintay sila na ma-deport.

Mahirap ang kalagayan ng mga tumatakas. Hindi biro ang kanilang pagdaraanan habang nasa labas at di sumusuko sa kinauukulan at may kapangyarihan.  Kadalasan, sila’y napapariwara pa sa halip na mapabuti.  Kaya’t kung di rin naman “a matter of life and death” ang kinakaharap, huwag iisiping tumakas.

At kung sa di maiiwasang pangyayari o kadahilanan, ikaw ay tumakas, huwag ng patatagalin pa ang pagsuko. Tulad ng aking nabanggit sa itaas, dapat nga’y within 24 hours ay ipagbigay-alam na agad sa ating Embahada ang iyong kalagayan.

Narito ang mga telepono na dapat ninyong tawagan:  Philippine Embassy, Riyadh - 4821802 / 4823559 / 4880835; POLO-Jeddah – 6658462 x 101 / 0515124797; POLO-ERO – 8941846 / 8942090 / 0501269742

Ating ipinapayo sa mga kababayan natin na sumunod sa tamang proseso at sikaping maiparating ang mga hinaing sa tamang pamamaraan.  Ang pagtakas sa employer ay hindi makakatulong sa paglutas ng problema bagkus magiging dahilan pa ito na magsampa ng kaso ang employer laban sa inyo.

Higit sa lahat, ilapit sa Poong Maykapal ang inyong kalagayan at nararanasan.  Walang higit na makakatulong sa atin kungdi Siya lamang. Kaya, higit kanino pa man, Siya ang unahin at sangguniin.

At sa iyo Jermer, nawa’y nabigyan ko ng kaliwanagan at sagot ang iyong katanungan. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

No comments:

Post a Comment