(published in Abante ME Edition, 02 May 2012)
Ito ang nararapat at siyang dapat gawin ng mga kababayan natin pati na ng mga opisyales ng pamahalaan. Ang pagtulong at pag-abot sa mga kapus-palad nating kababayan na nasasadlak sa di magandang kalagayan sa kanilang pangingibang-bayan ay isang kahanga-hangang gawain.
At ito’y napatunayang muli sa balitang inihatid sa atin sa nakaraang pagbisita ng Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia, Hon. Ezzedin H. Tago, sa Al Jouf Region kung saan isa sa naging sentro ng kanyang pagtungo roon ay himukin ang Emir ng nabanggit na rehiyon, na si HRH Prince Fahd bin Badr bin Abdulaziz, na matulungan ang labing-siyam na Pilipino na nagsampa ng kaso sa kanilang employer.
Sa sulat na iniabot ng butihing Ambassador sa Emir, kanyang hiniling na mapadali ang pag-resolba sa kaso laban sa Al-Sabilah Concrete Company sa Domat Al Jandal, Al Jouf.
Si Ambassador Tago sa tanggapan ng Emir ng Al Jouf Region na si HRH Prince Fahd bin Badr bin Abdulaziz. |
Sinampahan ng kaso ang nasabing kumpanya sa pagtangging asikasuhin na magkaroon ng Iqama (residence permit) ang mga trabahador nito, pati na ang tahasang pagpapamaneho sa mga driver kahit wala pang lisensiya, at di pagbayad ng overtime wages. Kinasuhan din ang kumpanya ng maltreatment of workers.
Ang kaso ay unang isinampa sa Saudi Labor Office sa Al Jouf Region subalit ito’y itinaas sa Primary Court nang di pumayag ang labing-siyam na Pilipino sa amicable settlement na iminumungkahi ng kanilang employer at sa halip nagdesisyon sila at pinangatawanan na ituloy ang kaso laban sa kumpanya.
Noong una’y nangako ang kumpanya na aasikasuhin ang kanilang residence permit at lisensiya at babayaran ang kanilang overtime wages nang bisitahin ng Philippine Overseas Labor Office - Central Region Operations (POLO-CRO), Riyadh ang kumpanya para mamagitan kahiman may physical threat sa kanila, subalit hindi rin nasunod ang mga ito kung kaya’t nagpasya na ang nagrereklamong mga Pilipino na magsampa ng kaso.
Tiniyak naman ng Emir ng Al Jouf Region sa Ambassador na ipagkakaloob sa mga Pilipino ang nararapat na tulong upang mapag-ingatan ang kanilang karapatan at ma-garantiya na matatanggap nila ang hustisya. Inutusan ng Emir ang mga awtoridad sa rehiyon na tiyaking sisipot ang employer o may-ari ng Al-Sabilah Concrete Company sa mga hearings na gaganapin sa Primary Court.
Samantala, inilagay na ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) sa watch-list ang ahensiya sa Pilipinas na nag-deploy sa mga trabahador na nagreklamo at ang Al Sabilah Concrete Company. Itinigil na rin o sinuspinde ng POLO-CRO ang pag-proseso sa mga deployment contracts nito.
Tulong-tulong naman ang Filipino community sa Sakaka, Al Jouf na mabigyan ng pansamantalang matutuluyan ang labing-siyam na Pilipino habang dinirinig pa ang kanilang kaso. Ang POLO-CRO naman ay nagkaloob ng tulong para sa kanilang pagkain at araw-araw na pangangailangan.
Ito ang tanawing tiyak na ikatataba ng puso ng sino mang Pilipino at makapagbibigay pag-asa sa mga kababayan nating nakararanas ng pang-aabuso at paglabag sa kanilang karapatan. Sa tulong at pagdadamayan ng di lamang ng mga Pilipino, kungdi kasama na ating gobyerno, nakatitiyak tayong mapagtatagumpayan ang ano mang pagsubok na pinagdaraan ng isang OFWs.
Ang pagdadamayan sa oras ng pangangailangan ay isang magandang kaugalian ng ating lahi kung kaya’t ito’y ating pagyamanin.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Nais ng Makauwi
Siyam na taon na po akong nagtratrabaho at nais ko na pong makauwi, subalit panay pangako lamang ang inaabot ko mula sa aking employer. Ano po ang dapat kong gawin? – from Wigberto Esperanza of Exit 16 (Sullay), Riyadh, Saudi Arabia
Kabayan, simula ba ng dumating ka riyan sa kumpanyang pinagtratrabauhan mo ngayon ay di ka pa nakapagbabakasyon? Ilang taon ba ang kontrata mo? Usually, isa o dalawang taon lamang ay dapat nagbabakasyon na, bagama’t may mga kababayan tayo na tatlong taon ang kontrata. Gayunpaman, sa kaso mo ay long-overdue na. Dapat di lamang isa o dalawang beses o higit pa na nakapagbakasyon ka, maliban na kung ikaw mismo ang tumangging umuwi o ipinagpaliban ang iyong bakasyon. Ngayong nais mo ng umuwi at pinapangakuan ka lamang ng iyong employer, mainam na idulog mo na ito sa representatives ng ating Embahada sa Riyadh upang ikaw ay matulungan nila sa medaling panahon na makauwi. Narito ang telepono na puwede mong tawagan: 4821802 / 4823559 / 4880835 / 4823615. - Max
No comments:
Post a Comment