Saturday, May 5, 2012

Araw na Naman ng Suweldo

by Max Bringula
(published in Abante ME Edition, 05 May 2012)

Wala ng sasaya pa marahil sa isang manggagawa o trabahador o sa isang OFW ang tumanggap ng suweldo.  Ang pagsapit ng tinatawag na “payday” ay sadyang nakapapawi ng pagod, homesick at yamot, lalo na’t pag nasa kamay na ang perang pinag-trabauhan.  Bagama’t sa iba’y “parang dumaan lamang” daw sa palad ang suweldong natangggap dahil agad itong naipadala sa mahal sa buhay na naghihintay na ng inaasahang remittance.

Gayunpaman, kagalakan ng maituturing ang pagsapit ng pinakakaabangang araw na ito.  Kinsenas man o katapusan ng buwan kung ito’y dumating, lingguhan man o arawan, pinananabikan pa rin.

Pagkat ibig sabihin nito’y mabibili na ang inaasam-asam na gadgets tulad ng iPhone, iPod o iPad, at iba pang produktong kinagigiliwan ngayon, o kaya’y ng rubber shoes na binabalik-balikan tuwing napapasyal sa malapit na Mall, o ng mamamahaling damit na nais suutin, o ng pinapangarap na relos o alahas na nais bilhin para sa sarili o sa nililiyag o nililigawan.

Gayundin, ibig sabihin nito’y makakakain na rin sa mamamahaling restaurants o makapanlilibre sa mga kaibigan.

Subalit, papaano kung ang suweldo’y sapat lang sa pang araw-araw na gastos?  Papaano kung halos wala ngang natira para sa isang buwang pagkain o kaya’y saktong-sakto lang?  Papaano kung kulang pa ito para pambili ng personal amenities tulad ng sabon, toothpaste, shampoo, deodorant, atbp?  

Masaya ka nga kaya at makangingiti ng buong tamis tuwing sasapit ang araw ng suweldo o lalo ka lamang maghihinagpis?  

Maiisipan mo marahil “umuwi na lamang kaya ako ng Pilipinas”.  Subalit di naman ito garantiyang makalulutas ng kakulangang nadarama.  Dahil marami ng nagtangkang umuwi, subalit kamukat-mukat mo’y naririto na namang muli.  

Ang tanong marahil na dapat tanungin natin sa sarili ay “sadya nga bang kulang ang suweldong natatanggap” o baka naman dahil mas higit ang ating gastusin kumpara sa ating kinikita.  Na minsa’y di pa nga natatanggap ang suweldo’y nagastos na kung tutuusin dahil ipinangutang na kung saan-saan.

Bakit naman noong tayo’y nasa Pilipinas pa at hindi kalakihan ang suweldong natatanggap, napagkakasya natin kahit papaano ang perang dumaraan sa ating palad?

Subalit ngayon, sigurado akong mas higit ang ganansiya natin kumpara noon, bakit kulang at kulang pa rin?  

Tayo na rin ang makasasagot sa tanong na iyan kung sa palagay natin ganito ang ating kalagayan.  Kung hindi naman at sobra-sobra pa ang ating kita kumpara sa ating gastusin ay mainam.  Gayunpaman nais kong ibahagi ang mga sumusunod na paalala para makatiyak na tayo’y makangingiti tuwing sasapit ang araw ng suweldo.

1) Be a wise buyer.  Bumili lamang ng kakailanganin o yung necessities.  Iwasang maging compulsive buyer o yung kung gumastos ay galit na galit sa pera. Bibilhin ang ibigin kahit di naman kailangan o kaya’y luho na lamang.  

2) Start saving.  Hindi habang panahon nasa abroad tayo.  Uuwi’t uuwi ka rin at babalik sa iyong Lupang Sinilangan.  Kaya’t hanggang maaga, mag-impok.  Iwasan ang labis na paggastos.  Magtabi kahit papaano o ano mang halaga na mapagpapasiyahan upang pagdating ng araw na kakailanganin ito o kaya’y uuwi na sa Pilipinas, mayroon kang tiyak na madurukot at magagamit.

3) Avoid borrowing.  Hangga’t maaari, iwasang mangutang.  Dahil kapag may utang, tiyak na doon lamang mapupunta ang suweldong matatanggap unless wala kang balak na magbayad na siya namang hindi dapat.  Sikaping mamuhay within your means at huwag yung halos mangutang ka na para lamang masunod ang kapritso ng katawan.

4) Stop vices.  Malaki ang maitutulong kung maititigil natin ang ano mang bisyo mayroon tayo pagkat makakabawas ito sa ating gastusin at gayon maidaragdag sa perang maaari nating gamitin sa mas kapaki-pakinabang na bagay.

5) Honor the Lord with your wealth.  Ito ang pinakamainam na gawin.  Na ang ibig sabihin ay gamitin ang lahat ng natatanggap sa tama at maayos na paraan.  Matutong magpasalamat sa nagkaloob nito na walang iba kungdi ang Poong Maykapal nang sa gayon Kanyang pagpapalain at pagyayamanin pa ang mga bagay na nasasaatin na.

Araw na naman ng suweldo.  Masaya ka ba?

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535.  Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

1 comment:

  1. Maraming salamat sa mga tips kung paano mas mainam gamitin na mapakikinabangan ang pinaghirapang sahod.

    NegosyongPinoy.info

    ReplyDelete