Friday, January 7, 2011

2011, Simula ng Bagong Dekada


Max Bringula (Abante ME Edition, 07 January 2011)

Ilang araw ng nakalalayag ang 2011 mula ng ito’y ating salubungin. Isa’t isa na ring napipigtas ang araw nito hanggang sa maubos ulit nang di natin namamalayan. Kamukat-mukat mo, malapit na naman ang Pasko.

Paulit-ulit lang, paikot-ikot lamang. Ang naganap na’y mangyayaring muli at ang natapos na’y muling sisimulan.

It is a never-ending cycle. May umaalis, may dumarating. At ang dumarating ay muling aalis. At sa bawat paglisan, may bakas na naiiwan na maaaring nagdulot ng kagalakan o kaya’y ng kalungkutan.

Sa paglisan ng taong 2010, ano kaya ang alaala nito na lilingunin natin? Mga alaala ng tagumpay, ng pagkaka-ahon sa kahirapan, at pagkakaroon ng pag-asa sa abang kalagayan. At ano naman ang mga alaala na di na nais pang muling balikan?

Kung tutuusin, ang 2010 ay pagtatapos ng isang dekada (mula 2000 hanggang 2010), at ang 2011 ay simula naman ng panibagong dekada na ating haharapin.

Sa pagpasok ng taong 2011, marami ang umaasa na hihigitan nito ang tagumpay na nakamit sa mga nakalipas na taon. Na higit na makikilala ang Pilipinas sa iba’t ibang larangan, di lamang sa palakasan tulad ng boxing kung saan iniluklok ni Manny Pacquiao ang Pilipinas sa rurok ng tagumpay. Hinangaan di lamang ang galing ni Pacman, kungdi maging ang bansang Pilipinas.

Gayundin ang nagawa ni Charice Pempengco sa larangan ng pag-awit nang ito’y kilalanin na pinakamagaling sa bagong henerasyon at higit pa marahil sa popularidad at galing nina Beyonce, Mariah Carey, Celine Dion, atbp. Dahil dito’y buong pagmamalaking itinanyag ni Charice ang Pilipinas sa mata at pandinig ng mundo.

Ang husay, abilidad at hospitality ng milyun-milyong overseas Filipino workers (OFW) sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay nakapagbigay naman ng pagkilala sa Pilipinas sa kakayahan at galing ng mamamayan nito. Katunayan, marami sa mga ibang lahi ang nagsasabing mas higit nilang gusto ang mga Pilipino kumpara sa iba.

Kung kaya’t nararapat lamang na ating mapanatili ang tagumpay na nakamit. Hindi maging ningas-kugon kungdi ipagpatuloy ang ibayo pang pagpapa-inam ng ating kakayahan at galing bilang lahing-Pilipino. Tuluyan ng iwaksi at limutin ang di kanais-nais na gawi – ang corruption, ang pagmamalabis sa kapwa, ang pagyurak sa karapatang-pantao, ang pagwawalang-bahala sa mabuti at tamang gawain, ang katamaran at pagiging pala-asa sa iba.

Bagong taon na. Simula ng isang bagong dekada. Bilang Pilipino na nagmamahal sa sariling bayan, tayo’y sama-sama, tulong-tulong at hawak-kamay na hahakbang tungo sa tagumpay. Haharap sa darating na bukas ng may matibay na pananalig sa Poong Maykapal at bagong pag-asa sa Inang Bayan.

2011, simula ng isang bagong dekada ng pagpapala at tagumpay.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Sa artikulong “Papaano Magiging Merry ang Pasko” (22 Dec 2010)
Hi Kuya Max, Merry Christmas po. May the good Lord give us more blessings together with your family. Ako po si Venus Alvarez from Bahrain. Nabasa ko po ang article nyo na “Merry ang Pasko”. Totoo po yun lalo na sa atin na OFW. Lahat po ng sinulat ninyo nakapagbibigay ng aral at liwanag sa mga kababayan natin. Isa na po ako roon. Lalo na po ang mga kapatid natin na naliligaw ng landas sa buhay. More power, kuya. God bless.Venus from Bahrain

Hi kuya, Merry Christmas. Merry ka ba ngayong Krismas? Tama ka kuya, ang salitang iyan ay bukam-bibig nating mga Pinoy, pero iba ang nasa loob ng damdamin. – Vicky from KSA

Hello po, kuya Max. Ako si Ed Nacs. Sensya na po kung istorbo po ako. Gusto ko pong magkaroon ng textmate. Thanks po. – Ed from KSA, CP No. 00-966-557134326

No comments:

Post a Comment