Makikita ang maayos na pagsasagawa ng nakaraang Embassy On-Wheels sa Alkhobar, Saudi Arabia noong 16-17 December 2010.
Max Bringula (published in Abante ME Edition on 10 January 2011)
Inihayag kamakailan lang ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia ang buong schedule ng Embassy On-Wheels (EOW) o ang regular na consular services na kanilang isinasagawa sa lugar na malayo sa Embahada at Konsulada ng Pilipinas tulad ng Alkhobar, Al Jouf, Hail, Buraydah at Jubail sa Saudi Arabia, at ng Sana’a sa Yemen.
Narito ang buong schedules ng EOW sa taong 2011:
27-28 Jan - Alkhobar / 10-11 Feb - Al Jouf / 24-25 Feb – Alkhobar / 24-25 Mar – Alkhobar / 14-15 Apr – Hail / 28-29 Apr – Alkhobar / 19-20 May – Alkhobar / 09-10 Jun – Sana’a, Yemen / 23-24 Jun – Alkhobar / 07-08 Jul – Buraydah / 21-22 Jul – Alkhobar / 11-12 Aug – Alkhobar / 15-16 Sep – Jubail / 29-30 Sep – Alkhobar / 20-21 Oct – Alkhobar / 03-04 Nov – Sana’a, Yemen / 17-18 Nov – Alkhobar / 08-09 Dec – Alkhobar.
Ang layunin ng maagang pagkakaroon ng EOW Schedules ay para maiwasan ang pagdagsa ng maraming aplikante na nagre-renew ng passport o nagpapa-notarize ng mga mahahalagang dokumento.
Bagamat tentative ang nasabing schedules, malaking tulong pa rin ito pagkat maisasaayos ng maigi ng sinumang OFWs ang kanilang pagpunta nang di maaapektuhan ang kani-kanilang trabaho o kaya’y di mabibitin ang iskedyul ng kanilang pagbabakasyon. Di tulad ng dati na parang nangangapa sa dilim ang aplikante dahil di tiyak kung magkakaroon ba ng Embassy On-Wheels o ito’y mapo-postpone na siyang naging kalakaran noong nakaraang taon.
Kahanga-hanga ang hakbanging ito na nais ipatupad ni Charge d’ Affaires, Hon. Ezzedin H. Tago na siyang humalili kay Ambassador Antonio P. Villamor. Tulad ng kanyang ipinangako nang bumisita ito sa Eastern Province, Saudi Arabia, sisikapin ng Embahada na maihatid ang kanilang serbisyo sa mga lugar na kung saan naroroon ang mga Pilipino.
Hindi lamang ang EOW Schedules ang isinaayos ni Hon. Tago, kungdi ang pagsasagawa ng Appointment System sa passport services. Ito’y makapagbibigay ng malaking kabawasan sa bilang ng daragsang aplikante dahil yun lamang nasa listahan ang hahayaang makapag-renew o makapag-apply ng passport, at yung hindi maisasama sa listahan ay siya naming uunahin sa susunod na EOW schedule.
Ang Appointment System ay sisimulan sa buwang ito ng Enero 2011.
Papaano makapagpapalista?
May dalawang paraan. Una ay sa pamamagitan ng eMail. Walang dapat gawin kungdi mag-eMail sa eowappointment@philembassy-riyadh.org. Ilagay ang inyong buong pangalan, contact number at ang lugar o siyudad sa Saudi Arabia kung saan kayo naroroon.
O kaya naman ay mag-send ng SMS (text message) sa 054-0269731 at ilagay ang sumusunod:
EOW(space)Full Name(space)City in KSA
Halimbawa: EOW Juan Dela Cruz Dammam
Para sa mga family applicants, ipinapaalala na ilagay ang pangalan ng bawat miyembro ng pamilya na magpapa-renew o mag-aaplay ng pasaporte. Kungdi, isa lamang ang maililista, yun lamang nagpadala ng eMail o SMS.
Isang linggo bago ang EOW Schedule, ilalagay ng Embahada sa kanilang website (www.philembassy-riyadh.org) ang mga pangalan ng makapag-a-avail ng passport services. Yung mga hindi mapapasama ay siya namang uunahin sa listahan sa susunod na EOW schedule.
Samantala, ang Embassy On-Wheels sa buwang ito ay gaganapin sa 27 & 28 January sa International Philippine School in Alkhobar (IPSA), Eastern Region, Saudi Arabia.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Nagtratrabaho ng Walang Working Visa
Ako po si Nor na nagtratrabaho bilang housemaid dito sa Bahrain. Pumunta po ako rito na tourist visa at nakapasok sa amo ka sa pamamagitan ng agency. Ngayon ay 14 months na ako. Nung isang araw ay aksidenteng nakita ko ang aking passport at doon ay nakita kong business visa pala ang itinatak nila sa passport ko na valid for 4 weeks. Posible po kaya na di nila ako ginawan ng visa for two years? Wala rin akong kontrata na pinirmahan. Wala rin po akong hawak na Iqama (residence permit) at hindi nila ako pinapasama sa mga lakad nila. Sa bahay lang ako. – Nor from Bahrain
Dear Nor, tama ang iyong iniisip. Di ka kinuhanan ng working visa ng amo mo kungdi business visa lamang na maaaring nire-renew niya lamang tuwing mag-e-expire na ito. O kaya naman ay ini-extend nya lamang ang tourist visa mula nang ika’y magtrabaho na sa kanya. Ito ang dahilan ng di mo pagkakaroon ng residence permit pagkat di maaaring bigyan nito ang tourist o business visa holder. Ito rin ang dahilan kung bakit di ka isinasama sa lakad nila sa labas dahil baka ikaw ay masita na walang valid working visa. Kung gayon, illegal na maituturing ang pagtratrabaho mo sa iyong amo, at maaari kang mahuli. Mainam na ipagbigay-alam mo ito sa Embahada natin diyan sa Bahrain upang matulungan ka nila ng nararapat mong gawin. - Max
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
magandang balita nga po ito sa mga atin nasa eastern region.
ReplyDelete