Ang mahabang linya ng mga Pilipino sa OFW Lane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pabalik-balik na lamang sa abroad.
Max Bringula (pubished in Abante ME Edition on 12 January 2011)
Ito marahil ang katanungang nararapat lamang na bigyan ng higit na pansin. Pagkat kadalasan marami sa atin ang lumalabis at lumalagpas sa hangganan.
At ito’y kitang-kita sa mga kaganapang nararanasan natin at nagaganap sa ating kapaligiran. Hindi na tayo kailangang lumayo pa para matunton ang nais ipakahulugan ng katagang “hanggang kailan, hanggang saan?”
Tingnan na lamang natin ang ating sarili at pakasuriin. Dito’y maaapuhap agad ang kasagutan sa tanong na nabanggit.
Bilang mga OFW na ang tanging nais ay mabigyan ng kaginhawaan at magandang kinabukasan ang mahal sa buhay, dumarating din kung minsan ang katanungang hanggan kailan nga ba na tayo ay mangingibang-bayan?
Bumibilang na ng isa at dalawang dekada ang karamihan sa atin, at ang iba’y tatlong dekada pa nga, subalit narito pa rin nakikipagsapalaran sa malayong lupain. Pumuti na ang buhok at ang iba’y numipis na at naubos pa, subalit nakikipagsabayan pa rin sa mga bagong henerasyon ng tinaguriang mga Bagong Bayani.
Hanggang kailan nga ba, tatang, hanggang saan nga ba, kuya, na ika’y makikipagbuno sa ilalim ng init ng araw, na titiisin ang tinding lamig ng panahon, ang pag-iisa sa halos maraming taon na di kapiling ang mahal sa buhay?
Wala naman marahil ang magnanais na manatili sa ibang bayan habang panahon, ang di masilayan ang Lupang Sinilangan. Sabi nga ng awitin ni Gary V., “Babalik Ka Rin”. For there is no better place like home.
Ang tanong nga lamang, “hanggang kailan, hanggang saan?” Kailan darating ang panahong iyon? Hanggang saan aabutin ang hiningang taglay?
Hawak natin ang kasagutan. Nasa ating mga kamay ang ikatatagal o ikadadali ng panahon. Sa puntong ito, ang nais iparating ng inyong lingkod sa bawat kapwa natin OFW at sa mga masugid na tagasubaybay ng ating panulat ay ang matutunan nating maging masinop at ang pagkakaroon ng konkretong balakin sa buhay.
Iwasan na ang pamumuhay na bara-bara. Yung ugaling “bahala na”. Hindi iniisip ang darating na bukas. Kung gumastos parang laging galit sa pera. Ubos-ubos biyaya, kinabukasan ay nakatunganga. Gastos dito, gastos doon.
Kaya’t sa halip na makapag-ipon, ang makapag-pundar, karamihan ay umuuwi ng wala pa rin. Kung kaya’t babalik na naman sa pag-a-abroad dahil naubos na ang dalang kinita sa mahabang panahon.
Ang bagay na ito’y di dapat sisihin sa OFW lamang, kungdi maging sa pamilya ng bawat OFW sa Pilipinas. Ang akala kasi ng karamihan, pinupulot lamang ang dolyar sa disyerto, o sinusungkit lamang na parang bituin ang dinar o riyals sa sampayan. Kung kaya’t kung gumastos ay para bagang iyon na ang huling araw at wala ng darating na bukas, samantalang ang pobreng OFW ay nagdidildil lamang sa corned beef at pritong itlog araw-araw.
Ang iba naman kung manghingi sa ama o ina na nasa abroad, o kay kuya o ate na nasa ibang bansa ay ganun-ganun na lamang. Urgent pa kung minsan at kapag di mo napagbigyan, ikaw pa ang lumalabas na masama.
Hanggang kailan nga ba mangingibang-bayan si Inang o si Tatang? Hanggang saang lupain makararating si Kuya o si Ate?
2011 na. Simula na naman ng isang bagong dekada. Ilang dekada pa kaya ang dapat nating abutin bago tuluyang makapag-pundar, makapag-impok at magkaroon ng direksiyon ang ating buhay? Hindi pa huli ang lahat, kabayan.
Simulan natin. Hindi bukas, hindi sa makalawa, kungdi ngayon na. Now na.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Malaking Tulong Para sa mga OFW
Hi kuya Max, salamat sa walang-sawa mong pagbibigay ng tamang paalala sa tulad naming malalayo sa mga mahal sa buhay. Lalo kaming lumalakas sa bawat paalala sa iyong mga mensahe. – from Leonora Saricon, a widow from Doha, Qatar
Di Pagtupad sa Kontrata
Good PM po, Sir Max. Ako po si Alan Lascuna, isang OFW dito sa Abha, Saudi Arabia. May itatanong lang ako tungkol sa aking trabaho at sa aking employer. Ang problema kasi ay may pinirmahan ako na contract na galing sa Agency ko sa Pilipinas na 8 hours lang po ang magiging trabaho. Pag lumagpas na sa 8 hours, may bayad na. Ngayon, sobra sa 8 hours ang trabaho ko at wala pang rest day sa loob ng isang lingo. Ano po ba ang dapat kong gagawin? – from Alan of KSA
Dear Alan, salamat sa iyong pagsulat. Tungkol dito sa iyong tanong, dapat lamang na sundin kung ano ang nakasaad sa pinirmahan mong kontrata. Ang paglabag ng iyong amo sa tamang bilang ng oras ng pagtratrabaho at di pagbibigay ng rest day o day-off ay paglabag din sa isinasaad ng Saudi Labor Law. Mainam na sumangguni ka sa mga kinatawan ng ating Konsulada sa Jeddah kung saan sila ang nakakasakop sa Abha, at hingin ang kanilang tulong na kausapin ang iyong amo na tuparin ang kontrata, pati na ang pagbibigay ng day-off. Ito ang kanilang numero – 0515124797 o 02-6658462 ext. 101. - Max
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment