Thursday, January 6, 2011

Papaano Magiging “Merry” ang Pasko?


Max Bringula (published in Abante ME Edition on 22 December 2010)

Ang pagsapit ng Kapaskuhan ay isa sa pinakamasayang okasyon sa Pilipinas (at marahil maging sa ibang bansa man). Ito’y pinakaka-abangan ng marami, lalo na ng mga negosyante at mangangalakal sa atin.

Pag-tapak pa nga lamang ng Setyembre ay may simoy Kapaskuhan na. Maririnig na ang awiting Pamasko na pinatutugtog sa mga radio station, AM o FM man. Naglipana na rin ang mga iba’t ibang Christmas decors na itinitinda tulad ng Parol o Christmas lanterns, Christmas Tree, at mga patay-sinding Christmas lights. Makikita rin ang iba’t ibang pang-regalo sa bata man o sa matatanda na itinitinda kasabay ng pagsulputan ng mga bazaars o tiangge at ang pagdami ng taong dumarayo sa malls at department stores para mamili o mag-Christmas shopping.

At habang papalapit ng papalapit ang mismong araw ng Pasko, lalo namang nagiging kapana-panabik ang bawat araw na dumarating. Marahil habang binabasa nyo ito, ilang araw na lang Merry Christmas na.

Subalit ang tanong, “sadya nga bang Merry ang Christmas”? Sa mga nagdarahop, at isang kahig, isang tukang mga kababayan natin, magiging Merry kaya ang Christmas sa kanila?

Sa mga naulila at nawalan ng mahal sa buhay sanhi ng iba’t ibang kadahilanan, maaaring di nila madama kung Merry nga ba ang Christmas.

Sa mga Samahan ng Malalamig ang Pasko dahil iniwan ng minamahal, o kaya’y sadyang walang nagmamahal, siguradong hindi Merry ang Christmas para sa kanila.

At sa mga pamilya kung saan ang mahal sa buhay ay nasa ibang bansa na nagtratrabaho at malayo sa kanilang piling sa araw ng Pasko, maaaring di lubos na Merry ang kanilang Christmas.

At sa ating mga OFW, sa bawat isang nasa labas ng bansa na nagtitiis ng hirap para sa ating mga mahal sa buhay, sa inyo na nagbabasa ngayon nitong Tinig sa Disyerto, Merry ba ang Christmas nyo?

Papaano nga ba magiging Merry ang Christmas?

Madalas nating naririnig ang pagbati na iyan, “Merry Christmas”. Bukam-bibig na natin. Sinasambit bagama’t di lubos na batid kung bakit naging Merry ang Christmas.

“Merry Christmas”, sa Tagalog “Maligayang Pasko”. Ano nga ba ang ibig sabihin nito?

Ito’y Merry o lubos na kasiya-siya pagkat ito’y araw ng pagdiriwang ng kapanganakan o pagdating ng Dakilang Manunubos na nagligtas sa sangkatauhan sa kaparusahan sanhi ng kasalanan.

Ito’y Merry o labis-labis ang kagalakang nadarama pagkat ito’y araw ng pagbibigayan, ng pagmamahal at pagpapatawaran. Sa ganitong araw lalong tumitingkad ang pag-ibig sa bawat isa, ang pag-uunawaan at pagtutulungan.

Sa ganitong paraan magiging Merry ang Christmas.

Hindi nasusukat sa dami ng salapi na ating hawak o ng materyal na bagay na ating taglay ang kagalakang madarama sa Araw ng Kapaskuhan. Hindi sa dami ng regalong ating matatanggap o pagbating maririnig. Hindi rin ito makikita sa dami ng pagkain sa hapag-kainan, o kung sino ang ating kasama o hindi kasama.

Kahiman isang Riyal o Dinar lang marahil ang laman ng ating bulsa, kahit simpleng celfon lang ang gamit natin, kahiman malayo sa mahal sa buhay, kung mayaman naman tayo sa pag-ibig, sa kagandahang-asal at may dalisay na pananalig sa Poong Maykapal at pagkilala sa nagkakaloob ng tunay na kasiyahan at kagalakan, natitiyak kong magiging Merry ang ating Christmas.

Merry Christmas po sa inyong lahat.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Mula kay Francis Franco, isang OFW sa Alkhobar, Saudi Arabia

Nakakalungkot mang isipin na tayong mga OFW ay malayo sa ating mga pamilya sa araw ng Pasko na dapat na nagkakasama at nakakatipon sa napakahalagang okasyong ito, but we need to sacrifice. Ang iba naman sa ibang araw o buwan ginagawa ang pag-celebrate ng Christmas together with their loved ones. Sabi nga nila araw-araw naman ay Pasko. Para sa akin, isang simpleng salitang SALAMAT, NGITI, PAGBATI at PAGDASAL sa aking pamilya, masasabi kong Merry na ang Christmas ko.

Dito sa Saudi nakakalungkot talaga minsan. Matutulala ka na lang sa kakaisip sa mga mahal sa buhay sa pilipinas. Minsan nga makikita mo na lang sarili mo na malayo ang tingin. Lalo na ngayong pasko o kapag nagdaan ang birthday mo na nagiisa ka. Mahirap, pero kailangan magtiis para sa mga mahal sa buhay. Salamat na lamang dahil mayroon tayong mga kaibigan na maituturing nating pangalawang pamilya. Ganyan ang buhay sa abroad. Masaya minsan malungkot, minsan may konting sandstorm pero dapat wag susuko. God bless sa lahat ng OFW. Mabuhay ang mga Bagong Bayani.

No comments:

Post a Comment