Makikita ang mga overstayers na nagkukumpol sa may Khandara Bridge sa Jeddah at naghihintay na sila ay ma-deport.
by Max Bringula (published in Abante ME Edition on 18 January 2011)
Alinsunod sa Royal Decree ng Saudi Arabia noong 23 September 2010 na nagbibigay amnestiya (o kapatawaran) sa mga overstayers o mga pilgrims na ang Umrah/Haj visa ay expired o palso na at maging ang mga visit visa holders na ang visa ay expired na rin, inihayag ng Philippine Consulate sa Jeddah ang mga alintuntunin na galing sa Saudi Ministry of Foreign Affairs para sa mga nagnanais na i-avail ang Royal Amnesty na malapit ng magtapos sa 23 March 2011.
Sa Circular Note No. 91/74/27523/31 na may petsang 24 November 2010, nakasaad ang ganito:
A. Para sa mga na-apprehend (o nahuli ng police authorities) na Overstayer o ang Umrah, Haj o Visit Visa ay expired na -
1) Sila’y dadalhin sa immigration authorities para imbistigahan at kunan ng biometric documentation (o fingerprinting).
2) Ipapatawag ng Jawazat ang kanilang visit visa sponsor o ang agent o kumpanya na nag-arrange ng kanilang umrah o haj para dalhin ang passports ng mga nahuling overstayer, pati na ang kanilang airline tickets pauwi sa Pilipinas.
3) Tapos nito, i-issuance na sila ng Jawazat ng deportation visas at palalayain taglay ang garantiya na pauuwiin ng kanilang sponsors sa loob ng dalawang linggo.
4) Kapag di tinupad ng sponsor o agent ang pagpapa-uwi, tatanggalan sila ng lisensiya at di na makakapag-transact pa.
B. Para naman sa mga Overstayer na nag-surrender voluntarily (o kusang-loob) at may hawak na valid passport at airline ticket -
Sila’y iimbistigahan din na isasagawa ng Director for Expatriates (Wafeeden) of the General Directorate for Jawazat bago sila bigyan ng exit visa at payagang makauwi.
Itinatagubilin din ng Philippine Consulate sa Jeddah sa mga pilgrims at visit visa holders na nais mag-avail ng amnestiya na ihanda ang mga sumusunod na dokumento:
1) Orihinal o kopya ng Pasaporte na ginamit nang pumasok sa bansang Saudi Arabia kung saan naroon ang tatak ng kanilang entry number and date.
2) Airline Ticket at SR 120 kung walang passport o kung ang passport ay expired na.
Kapag handa na ang mga ito, makipag-ugnayan sa Philippine Consulate General – Assistance to Nationals Section para sa kakailanganing travel documents at mga dapat pang gawin tulad ng finger-printing at iba pang biometric documentation.
Samantala, ating ipinapaalala sa mga kababayan natin at muling uulitin na ang Amnestiya na in-issue ng Saudi government ay para lamang sa mga overstayer o pilgrims na ang Umrah/Haj visa ay palso na o sa mga visit visa holders na ang visa ay expired na rin, at hindi ito para roon sa mga takas o tumakas sa kani-kanilang employer, o maging yaong mga nahuli sa iba’t ibang kaso at na-detained.
Kung kaya’t huwag maniniwala sa mga taong mangangako na kayo ay pauuwiin sa pamamagitan ng Amnestiya at hihingan kayo ng pera pang-ticket, o kaya’y magpapayo sa inyo na pumunta sa Jeddah at doon ay i-avail ang nasabing Amnestiya dahil ito’y para sa mga overstayers lamang sa mga kadahilanang nabanggit na sa itaas.
Bagama’t wala pa man ang Amnestiya ay ginagawa na noon ang modus-operandi na ito na kung tawagin ay “backdoor”. Subalit di lahat ng mga sumusubok at kumakapit sa ganitong sistema ay nagtatagumpay. Kadalasan mas higit pang hirap at panganib ang kanilang nasusuungan kumpara kung boluntaryong lalapit sa Embahada at POLO officials at hihingi ng tulong at suporta para sila maka-uwi ng maayos sa pamamagitan ng exit visa at di sa pamamagitan ng deportation na siyang kinasasadlakan ng mga nagba-backdoor at ng mga takas na nahuhuli ng mga authorities.
Dapat ding tandaan na kapag ang isang expatriate worker ay pinauwi sa pamamagitan ng deportation, sila’y di na makababalik pang muli para makapag-trabaho sa Saudi Arabia.
Sa mga iba pang katanungan at paglilinaw, kayo’y maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Consulate sa Jeddah sa pamamagitan ng:
a) Pagtawag sa sa numerong 050-5691801 at hanapin si Vice Consul Lorenzo Rhys G. Jungco
b) Sumulat sa P.O. Box 4794, Jeddah 21412, Saudi Arabia o kaya sa address na Uum Al Qurah St., Rehab District, Jeddah KSA
c) Mag-fax sa 00-966-02-66967697
d) Mag-eMail sa pc.jeddah@gmail.com
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Di Pagtupad sa Kontrata
Sir Max, ako po si Jhoel na nagtratrabaho dito sa Dammam. Nabasa ko po yung column nyo dated 12 January 2011 sa Abante tungkol sa sitwasyon ng kababayan natin na si Alan. Sir pareho po kami ng sitwasyon. Yung pinirmahan po naming contract sa Pinas eh malinaw na nakalagay dun na ang basic namin ay SR 1000 plus SR 200 for food allowance, at 8 hours lamang, pero nung dumating kami rito ginawang SR 700 basic, SR 300 food allowance, at fix overtime. Tapos, 11 hours ang duty namin everyday. Pag Friday, pinapapasok pa kami ng umaga. May OT yun pero maliit lamang. Minsan na kaming nagtanong sa manager namin pero ganun daw talaga ang patakaran dito sa Saudi. Sa halip na kami’y maintindihan, napag-initan pa kami. Ano po ba ang magandang gawin dito? Sana po matulungan ninyo kami at mga kababayan natin dito, at para rin hindi na sila makapanloko pa ng ibang mga kababayan natin. – Jhoel of Dammam
Dear Jhoel, ang kaso mo ay isang uri rin ng paglabag sa batas ng Saudi Labor na tinatawag natin na pagpapalit ng kontrata (change of contract). Kung kayo’y walang ibang pinirmahan na kontrata nang dumating kayo rito na nagsasaad na kayo’y pumapayag sa pagbabago ng inyong kontrata, maaari ninyong ilapit sa Saudi Labor Office ang ginawa sa inyo pati na ang mahabang oras ng pagtratrabaho kung saan ay walong oras lamang dapat. Mas mainam na makipag-ugnayan kayo sa Embassy representatives natin sa Eastern Province upang kayo’y matulungan sa dapat ninyong gawin. Maaaring makipag-ugnayan muna sila sa inyong employer at kausapin upang maisaayos pa ang inyong kalagayan bago tuluyang mag-sampa ng kaso laban sa inyong employer at yan ay kung siya ninyong nais. Maaari silang tawagan sa mga sumusunod na numero – 8941846 / 8651951 / 8942890, o kaya sa kanilang Hotline na 050-1269742. -Max
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment