Tuesday, October 16, 2012

Pag Lift-Up ng Ban sa DH, Mainam Ba o Hinde?


Ipinagmamalaking ibinalita ng DOLE (Department of Labor & Employment) ang napagkasunduang Standard of Employment Contract o SEC sa pagitan ng bansang Pilipinas at Saudi Arabia patungkol sa mga Household Service Workers (HSW), o mas kilala sa tawag na DH (Domestic Helpers).

Ayon kay Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, ang kontratang napagkasunduan ay naglalayon na mabigyan ng higit na proteksiyon ang mga nagtratrabahong HSW o DH sa Saudi at matiyak na mapapangalagaan ang kanilang kapakanan.

Kaakibat ng kasunduang ito ay ang pagsisimulang muli ng authentication at verification ng mga bagong employment contracts para sa mga first-time HSW na ipapatupad sa susunod na buwan ng Oktubre.  Matatandaan na natigil ang pagpapadala ng Pilipinas ng HSW sa Saudi noong nakaraang taon, March 2011, matapos ipahinto ng Saudi Embassy sa Manila ang pag-proseso para sa mga first-time HSW na nagnanais na magtrabaho sa Saudi. 

At kamakailan lamang nga ay naghayag ang Saudi government na muli silang mag-i-ssue ng working visas para sa mga Filipino maids.  Na ibibigay na nila ang demand ng Pilipinas na 400 US Dollars na minimum salaries para sa HSW, o katumbas ng Saudi Riyals 1,500.

Ang balitang ito ay umani ng mixed reactions sa ilang mga kababayan natin.  May mga agam-agam.  Mga katanungang “masusunod kaya ang napagkasunduan” o ito’y sa papel lamang at salita, subalit kulang sa gawa at implementasyon.  Tapat kaya ang magkabilang panig sa pagpapatupad ng kasunduan?  At kung malinis nga ang kanilang pakay at hangarin, yun kayang magpapatupad naman nito’y susunod tulad ng mga recruitment agencies, at iba’t ibang ahensiya ng Pilipinas?

Tama nga na kapag nasa Pinas at sa harap ng POLO, 400 USD ang suweldo pero kapag nagpasuweldo na sa katulong 700 o 800 SR na lang ang ibibigay. Wala namang magawa ang katulong dahil hindi naman siya puwedeng makalabas ng bahay na hindi kasama ang among babae. Bawal ding gumagamit ng cell phone o computer kaya patago lagi,” ang wika ng isa nating kababayan.

Paliwanag naman ng ating kasamang Lito Tomas, “di pa nga natatapos ang mga problema sa mga nandiritong DH sa Saudi, madaragdagan na naman.  At sana madali lamang silang makakaalis sa abusadong amo, kaso kung hindi man sila tatakas, nagagahasa naman o kaya’y nanganganib ang buhayGustuhin man natin na sila’y tulungan, wala naman tayong magawa pagkat kadalasan yung nagkukusa ay nadaramay pa.”

Ito ang reyalidad ng kalagayan ng mga DH o HSW sa bansang tulad ng Saudi Arabia.  Subalit, tuloy pa rin ang pagdagsa nila at di mapipigilan lalo pa nga ngayong na-lift up na ang Ban sa Filipino Maids.

Kunsabagay, di rin natin masisi ang mga kababayan natin na umalis ng Pilipinas para magtrabaho ng DH, bagamat may mga balitang di magaganda na kanilang naririnig at napapanood sa telebisyon at nababasa sa mga peryodiko, pagkat di naman maibibigay ng Pilipinas ang sahod na tatanggapin nila kung sa abroad magtratrabaho.

Kaya’t ito naman ang sinisikap ng ating pamahalaan na tiyaking maiingatan at mapapangalagaan ang mga kababayan nating nagtratrabahong DH o HSW.

Inatasan ni Sec. Baldoz sina Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Administrator Carmelita Dimzon ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA), Philippine Labor Attaches sa Saudi Arabia na sina Albert Valenciano, Alejandro Padaen, at Adam Musa, at si  Director Restituto dela Fuente ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) na magpalaganap ng information at education campaign patungkol sa nilalaman ng bagong HSW Standard Employment Contract, at ang pagkakaroon ng awareness sa mga do’s and don’ts, pros and cons, at risk and rewards ng pagtratrabaho bilang HSW sa Saudi.

Binilinan niya ring makipag-ugnayan sila sa mga lisensiyadong recruitment agencies sa Pilipinas at Saudi Arabia upang matiyak na masusunod ang isinasaad sa pinirmahang kasunduan.

Nawa nga’y ang pagkilos na ito ng Pilipinas ay magbunga ng maganda at di maging isang “ningas-kugon” na naman.

Ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng Pilipinas at ng mga aplikante na titiyaking masusunod ang nilalaman ng bagong SEC (Standard Employment ContractO ay higit na makakatulong upang magtagumpay ang programang ito. 

At sa gayon, masasabi nating ang pag-lift up ng ban sa HSW o Domestic Helpers ay mainam nga.

by Max Bringula Chavez
Tinig sa Disyerto
17 October 2012

 Mga HSW na aking nakausap nang ako’y bumisita sa Kuwait.

No comments:

Post a Comment