Friday, January 27, 2012

The Ambassador Visited the Emirs

Ang Emir ng Qassim Region kasama si Ambassador Tago. Ang Deputy Emir ng Riyadh Region habang nakikipag-usap sa Ambassador. Ang Emir ng Eastern Region sa opisina nito sa Dhahran kasama ang Ambassador.

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 27 Jan 2012)

The Ambassador starts the year right.

Sa layuning lalo pang mapagtibay at mapalawig ang relasyon ng Pilipinas at Saudi Arabia kung saan mayroong halos isang milyong OFWs na nagtratrabaho’t naninirahan, minabuti ng Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia, Hon. Ezzedin H. Tago, na bumisita sa pamunuan ng bawat rehiyon nito. Tatlong magkaka-ibang lugar ang kanyang binisita – ang Riyadh, Qassim at Eastern Region.

Buraidah, Qassim Region

Sa unang araw pa lamang ng taong 2012, itinakda agad ni Ambassador Tago ang pagbisita sa bahaging Kanluran, ang Qassim Region kung saan malugod na tinanggap ng Emir ng Qassim Region, His Royal Highness Prince Faisal bin Bandar bin Abdulaziz Al Saud, ang Ambassador sa opisina nito sa Buraidah. Nagkaroon ng pag-uusap ang magkabilang-panig at tinalakay ang mga mahahalagang “issues of mutual interest to both countries”, pati na ang pagtutulungan sa pangkabuhayan or investment. Pinuri rin ng Emir ang malaking kontribusyon ng manggagawang Pilipino sa kaunlarang tinatamo ng Saudi Arabia, at ang pagiging masipag, tapat at husay nito sa pagtratrabaho.

Ipinaaabot naman ng butihing Ambassador ang pasasalamat sa Saudi Arabia sa pagkalinga nito sa libu-libong OFWs sampu ng kanilang pamilya.

Nauna rito, nakipagpulong din ang Ambassador sa miyembro ng Qassim Chamber of Commerce and Industry kung saan natalakay ang pagtutulungan sa infrastructure development, agriculture, at business process outsourcing (BPO) tulad ng call centers at medical services.

Riyadh Region

Sumunod na araw, January 2, nakipagkita naman ang Ambassador sa Deputy Emir ng Riyadh Region, His Royal Highness Prince Mohammad bin Saad bin Abdulaziz Al Saud, na siyang pansamantalang tumatayong Emir ng Riyadh Region. Sa kanilang pag-uusap, natalakay ang pagpapalawig pa ng bilateral relations ng dalawang bansa lalo na sa trade and investment. Parehong sumang-ayon ang magkabilang-panig na ipagpatuloy ang ganitong ugnayan at pagbisita upang lalo pang tumibay ang partnership ng Pilipinas at Saudi Arabia sa iba’t ibang larangang makakabuti sa bawat isa.

Eastern Region

Ang ikatlong rehiyon sa itinerary ng Ambassador ay ang Eastern Region na naganap noong January 7 sa Dhahran nang bisitahin ng butihing Ambassador ang Emir ng Eastern Region, His Royal Highness Prince Mohammad bin Fahd bin Abdulaziz.

Kasama ni Ambassador Tago sa pagbisitang ito ang First Secretary and Consul Roussel Reyes at Labor Attaché ng Eastern Region, Adam Musa.

Sa pag-uusap na naganap, muling ipinaabot ni Ambassador Tago ang pasasalamat sa Saudi Arabia sa pagtanggap sa libu-libong OFWs na naging second home na ng maraming Pilipino.

Inanyayahan naman ng Emir ng Eastern Region ang mga Filipino businessmen na mag-invest sa Saudi Arabia. Wika niya, “there are many investment opportunities in the Kingdom that are open to foreign investors.”

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Housing Loan sa SSS

Mayroon po akong housing loan sa SSS na di nahulugan at malapit ng ma-remata. Pag-ibig member po ako. Pwede ko pa ba na ipa-assume ito sa Pag-ibig at sa kanila na lang ako maghuhulog kaysa kukuha ako ng bagong housing loan? Thank you, Sir Max and more power to you at sa Tinig sa Disyerto. – from a reader in Saudi Arabia

Kabayan, ang pagkakaalam ko ay walang housing loan ang SSS at usually ay salary loan lamang ang kanilang binibigay sa mga miyembro nito. Gayunpaman, kung mayroon ka mang housing loan sa SSS, sa palagay ko’y hindi maaaring i-assume ito ng Pag-ibig sa dahilang magka-ibang ahensiya ang dalawa. Upang mabigyan ka ng tama’t eksaktong kasagutan ay aking ini-refer ang iyong katanungan sa Pag-ibig Corner ng pahayagang ito. Hintayin mo lamang ang kanilang magiging katugunan sa iyong tanong. Ugaliin mo ring magbasa ng Pag-ibig Corner ng Abante ME Edition kung saan ang iba’t ibang katanungan tungkol sa Pag-ibig Fund ay tinatalakay. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

No comments:

Post a Comment