Saturday, January 28, 2012

Matinding Paglamig, Naranasan sa Buong Saudi

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 29 January 2012)

Ang nararanasang labis ng paglamig ng panahon sa buong Saudi Arabia mula pa noong Biyernes, 20 January 2012, ay tinatayang siya ng pinakamalamig sa nakalipas na dalawampung taon.

Halos zero degrees na ang temperatura sa ibang lugar lalung-lalo na sa bulubunduking bahagi ng Central at Northern region ng Saudi Arabia tulad ng Al Jouf, Tabuk, Hail, Arar, Turaif, Hafr Al Batin at Al Qaisumah. Gayundin sa bahagi ng Makkah at Madinah.

Bagamat ang tag-lamig na ito’y di lamang sa Saudi Arabia kungdi sa buong Arabian Peninsula na kinabibilangan din ng mga bansang Bahrain, Kuwait, Qatar, Oman, UAE, kasama ang Yemen.

Ayon sa Presidency of Meteorology and Environment (PME), ang paglamig na nararanasan ay tatagal pa hanggang sa unang linggo ng Pebrero ng taong kasalukuyan.

Kung kaya’t pinag-iingat ang lahat upang di mabiktima ng labis ng “excessive cold snaps” na maaaring maging sanhi ng pagkakasakit tulad ng ubo, sipon at pananakit ng katawan. Magsuot ng makakapal na damit lalo na kung lalabas o nasa open area.

Nagbigay rin ng babala ang Directorate General of Civil Defense ng Saudi sa lahat ng mamamayan nito at mga expatriates na mag-ingat sa paggamit ng heaters na kadalasa’y nagiging dahilan ng sunog kapag di nabantayan at napabayaang nakabukas o nakasindi ng mahabang oras. Dapat huwag patatagalin na umaandar ang heater o hahayaang nakabukas ito lalung lalo na kung matutulog na.

Kung gagamitin naman ang heater ng air-conditioning unit (AC), dapat ay dagdag ingat din. Kumpunihin muna ng maigi ito kung safe ba na gamitin lalo na kung luma na ang A/C at matagal nang di nagagamit ang heater.

Magkakaroon din ng sandstorms at heavy fog sa ibang bahagi ng Saudi Arabia na magdudulot ng zero visibility. Kaya’t pinag-iingat ang mga motorists sa oras na magkaroon ng ganitong kaganapan. Mas makakabuting tumigil na lamang kaysa ituloy ang biyahe at maging delikado sa daan.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Mahahalagang Inpormasyon Kaysa sa mga Larawan Lamang

Bakit po mas marami ang mga pictures ng kung anu-anong paligsahan kaysa sa mga matitino at mahalagang bagay ang nailalathala sa Focus in the Middle East? Suhestiyon ko po sana na ang mabasa po namin sa napakalaking espasyo na yan ay yung kapaki-pakinabang na artikulo na kapupulutan ng inpormasyon at aral sa mambabasa ng Abante Middle East Edition. Maraming salamat po. – from a reader in Saudi Arabia.

Kabayan, maraming salamat sa iyong puna at suhestiyon. Hayaan mo’t ipararating natin sa Editor In-Chief ng pahayagang ito ang iyong valid concern. Gayunpaman, sinisikap ng manunulat, columnist at contributors ng pahayagang ito na maging balanse sa aming paglalahad, na mapagbigyan ang mga kapwa natin OFWs na mailathala ang kanilang iba’t ibang community activities, at makapagbigay ng mahahalagang inpormasyon at panulat na magdudulot ng aral at inspirasyon sa masusugid nating tagasubaybay at mambabasa ng Abante ME Edition, di lamang ng Tinig sa Disyerto. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

No comments:

Post a Comment