Monday, January 23, 2012

Pagpapalit ng Profession sa Iqama, Puwede Pang Humabol

by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 24 January 2012)

Puwede pang humabol ang sinumang nagnanais na mapalitan ang profession sa kanilang residence permit o Iqama. Ito ang inihayag ng Ministry of Labor ng Saudi Arabia kaalinsabay ng kanilang pagsisikap na maisaayos ang Saudi labor market.

Bibigyan ng palugit ang mga expatriates hanggang 22 February 2012 (30/03/1433-H) para mapalitan ang kanilang profession. Ayon sa tagapagsalita ng Ministry of Labor, mahigit kumulang na 35,000 foreign workers na ang nakinabang sa programang ito mula ng ilunsad noong 29 November 2011.

Ito’y bahagi rin ng pagsisikap ng Saudi government na mapaigting ang programang Nitaqat o yaong pagkakaroon ng mas malaking porsiyento ng Saudis na nagtratrabaho sa mga kumpanya’t establisimento kumpara sa mga expatriates o foreign workers.

Sa dahilang maaaring mawalan ng trabaho ang karamihan sa expatriate workers na ang profession sa Iqama ay yung para lamang sa mga Saudis, maituturing na ang pagpapapalit ng profession ay paraan upang sila’y makapagtrabaho pa rin.

Ang mga trabaho na di na puwedeng ibigay sa mga foreign workers ay ang mga sumusunod: HR Directors, Personnel Managers, Personnel Representatives, Personnel Specialists, Timekeepers, Receptionists, Cashiers, Security Guards, at nitong huli lamang ay idinagdag ang Salesmen at Sales Ladies ng mga women’s lingerie.

Upang mapalitan ang profession, kailangan lamang na magpasa o mag-submit ng authenticated documents na magpapatunay ng kanilang profession o qualification. Hindi na rin kailangang magtungo pa sa Labor Office ng personal. Magagawa na ito on-line o electronically ng kumpanya at establisimento na nagnanais na palitan ang profession ng kanilang expatriate workers.

Dagdag pa, ang opportunity na ito ay di limitado sa mga kumpanya at establisimento na nasa excellent categories o Saudization-compliant, kungdi maging yung mga nasa red, yellow or green. Subalit kapag tapos na ang palugit na ibinigay, yaong lamang nasa excellent o green categories ang puwedeng magpalit ng profession ng kanilang workers.

Gayunpaman, dapat tandaan na may mga professions na nangangailangan ng lisensiya o licensure mula sa authorized-giving bodies bago ibigay o itatak ang profession sa Iqama, tulad ng Doctors, Surgeons, Dentists, Nurses, Pharmacists at iba pang katulad nito. Ang mga nabanggit na professions ay dapat mayroong official license mula sa Saudi Medical Specializations Authority (SMSA).

Binabalaan naman ang mga kumpanya at establisimento na magma-manipulate ng dokumento mapalitan lamang ang professions ng kanilang workers. Ang parusa sa mahuhuli o malalamang nagpalsipikado ay ang di pagbibigay o pag-kansela ng kanilang lisensiya hanggang limang taon, at ang pag-blacklisted upang di makakuha ng mga foreign workers.

Ang pagpapalit ng professions ay malaking tulong din sa iba nating mga kababayan na nagnanais na madala ang kanilang pamilya upang makasama sa Saudi. May mga ilang OFWs kasi na ang professions sa Iqama ay laborer. Dahil dito, di nila maaaring madala ang pamilya dahil laborer ang professions nila o visa na naibigay nang sila’y unang dumating sa Saudi upang magtrabaho.

Kaya’t para roon sa nagnanais na mapalitan ang kanilang professions, makipag-ugnayan na kayo sa inyong government relations officers bago matapos ang palugit na binigay na 22 February 2012.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Serye ng Saudi Labor Law

Para po sa mga nagtatanong kung may karugtong pa yung ating Serye sa Saudi Labor Law, mayroon po at mahaba-haba pa iyon. Kaya, itutuloy po natin iyon sa mga susunod na publication ng Tinig sa Disyerto. Salamat ng marami sa inyong patuloy na pagsusubaybay. - Max

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)

No comments:

Post a Comment