by Max Bringula Chavez
(published in Abante Middle East Edition on 11 Jan-12)
New Year Revelry Victims
Maituturing na “deadliest” o pinaka-madugo ang pagsalubong ng mga Pilipino sa taong 2012 kumpara sa mga nakalipas na taon kung saan naitala na apat (4) ang namatay at mahigit isang libo ang mga nasugatan dahilan ng paputok.
Hinigitan nito ang statistics ng nakaraang taon (2011). Ito’y sa kabila ng malawakang programa ng Department of Health (DOH) na nagbabawal ng paggamit o ang pag-iwas sa paggamit ng mga paputok. Hindi inaakala ng DOH na may maire-report na mamamatay sa paputok di dahil sa tetano ng akibat nito kungdi sa lakas ng paputok na gamit. Kadalasan ang pagkakaputol lamang ng mga daliri o braso ang naitatala o kaya’y pagkasunog ng balat, ngayo’y may mga namatay na.
Sa loob ng dalawampung taon, ngayon lamang nangyari ito. Ibig sabihin sa halip na matuto ang mga Pilipino sa taun-taong report ng nasusugatan o napuputulan, lalo pang lumala. Di na natuto.
Landslide at Compostela Valley
At nitong nakaraang Huwebes lamang, 05 January 2011, naganap naman ang isang landslide sa Pantukan, Compostela Valley sa Davao City kung saan 25 ang namatay, 16 ang nasugatan at mahigit isandaan ang mga nawawala.
Matatandaan na nagkaroon na rin ng landslide sa nasabing lugar din sa Bgy. Kingking, Compostela Valley noong 22 April 2011 kung saan labing-apat ang namatay, labing-apat ang nasugtan at walo ang mga nawawala.
Ang landslide ay naganap sanhi ng pagkaka-ubos ng mga puno sa bundok na siyang pumipigil sa pagdalusdos ng lupa sa pamamagitan ng ugat nito. Subalit dahil sa nakakalbo na ang bundok sanhi ng walang-humpay na pagla-logging, naganap ang inaasahan, ang pagguho ng lupa na kumitil ng maraming buhay.
Ito’y sa kabila ng kautusan ng pamahalaan na pagbabawal sa pagla-logging o ang pagkakaroon ng total logging-ban, na hindi naman lubusang naipapatupad dahil na rin sa tahasang pag-suway ng mga kinakaukulan.
Ipinag-uutos din na huwag manirahan sa mga landslide-prone area ay doon pa rin nagsusumiksik ang ilan dahil di maiwanan ang pagkakakitaan doon lalo’t kung ito’y lugar ng minahan o kaya’y logging area.
Kaya’t kahit ilang landslide pa ang maganap ay di alintana. O sadyang matigas na ang ulo ng ilang mga kababayan natin. Di na natuto.
Flash Floods at Cagayan de Oro City
Hindi rin malilimutan ang naganap noong Disyembre lamang ng nakaraang taon sa Cagayan de Oro City at sa katabi nitong Iligan City nang bumuhos at umagos ang malakas na tubig mula sa kabundukan na lumikha ng mataas na pagbaha at nagwasak ng mga ari-arian at kumitil ng maraming buhay. Ang tubig na dala ng bagyong Sendong ay tuloy-tuloy na umagos sa kabayanan dahil walang mga puno na dapat sana ay pipigil dito.
Isinisisi sa pagla-logging ang dahilan ng biglaang pagbaha at sa pagkabara ng dapat sana’y lagusan ng tubig sanhi ng sala-salabat na bahay na nagsulputang parang kabute sa mga tabing-dagat.
Taun-taon na tayo’y nakakaranas ng ganitong mga kaganapan ng pagbaha. Subalit sa kabila ng malagim at nakalulungkot na balita ng mga kababayan nating nasasalanta, tuloy pa rin ang pagwasak natin sa kalikasan at pag-aabuso rito. Di na natuto.
Sa totoo lang, hindi na natin kailanang tumanaw pa sa malayo para mabatid ang bagay na ito. Sa ating sarili lamang, kung susuriin natin ang ating mga gawi, madalas na ang pagakakamali nati’y paulit-ulit lamang. Hindi matuto-tuto. Iyon at iyon pa rin ang ginagawa bagama’t alam na natin ang kahihinatnan nito.
Di na natuto. Kaylan pa kaya tayo matututo? Sa pagputi ng uwak, o sa pag-itim ng tagak?
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Anong Bago sa Bagong Taon
(Pahayag mula kay Ms. Maricon ng Dammam, Saudi Arabia, sa artikulong “Bagong Taon Na! Anong Bago?”, published on January 4, 2012)
Hapi New Year po. Napakaganda ng mga words nyo. Sana maraming makabasa lalo na tungkol sa pag-iimpok bilang OFW. First time ko po mag-work dito sa Dammam bilang DH. Actually, marami ng nagbago hindi sa buhay ko kungdi sa family ko. Although wala pa me ipon ngunit naibibigay ko sa kanila ang alam kong wish nila especially sa parents ko.
Ang bago at pinagbago ng life ko now as DH, tumaas ang sahod ko at nag-offer si Madam na pag-aaralin niya ang sister ko as Cutter at ipapasok sa kanyang shop. At ang pinakabago ngayon ay kayo po dahil alam kong marami kayong nabubuksang puso’t isipan. Good luck and God bless po.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment