by Max Bringula Chavez
(published in Abante ME Edition, 12 Jan-12)
Sa kauna-unahang pagkakataon, isang makabuluhan at makatotohanang pelikula patungkol sa buhay ng mga OFW (Overseas Filipino Workers) na nagtratrabaho sa Middle East, particularly sa Saudi Arabia ang ginawa’t natapos at ipinalabas kamakailan lamang sa Cinemanila International Film Festival.
Ang nasabing pelikula na isang feature-length experimental/documentary movie ay may pamagat na “Lawas Kan Pinabli” o sa Ingles ay “Forever Loved”, na hango sa isang popular folk love song sa lalawigan ng Pangasinan na may ganito ring titulo.
Ang pelikula ay idinirehe ng premyadong direktor na si Chris Gozum, na isang ring OFW na nagtratrabaho bilang Videographer and Editor sa isang kilalang medical institution sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang “Lawas Kan Pinabli” ay isang indie film na tumatalakay sa karanasan ng isang neophyte migrant Filipino worker mula sa lalawigan ng Pangasinan, na nagtungo sa Middle East di lamang upang magtrabaho kungdi hanapin ang kanyang nawawalang asawa na noo’y umalis patungong Gitnang Silangan upang magtrabaho tatlong taon na ang nakalipas.
Sa kanyang paghahanap, nakatagpo niya’t nakausap ang ilang mga OFWs na tulad niya na may kanya-kanyang karanasang mailalahad sa pagtratrabaho sa ibayong lugar. Mga karanasang sumasalamin ng uri ng buhay mayroon ang isang OFW sa malayong lupain tulad ng Gitnang Silangan. Tulad ng mga OFW na pinagmamalupitan ng among pinagtratrabauhan, napagbibintangan at nakukulong, mga OFWs na nalulong sa masasamang bisyo at nasadlak sa mga maling relasyon, at marami pang ibang tulad nito. Walang takot na ipinakita sa pelikula ang totoong buhay na nararanasan at pinagdaraanan ng ilan sa ating mga OFWs.
Marami-rami na ring pelikula ang nagawa sa buhay ng mga OFWs tulad ng “Anak” ni Gov. Vilma Santos, “Dubai” ni Aga Muhlach at John Lloyd Cruz, “Milan” ni Piolo Pascual at Claudine Barretto, and lately ang “A Mother’s Story” ni Pokwang. Subalit ang mga ito’y ginawa para sa mainstream cinema o yung pang-komersiyalismo at idinirehe ng mga kilala’t batikang mga direktor, subalit ang “Lawas Kan Pinabli” ay maituturing na kauna-unahang pelikula tungkol sa totoong kuwento at kaso ng mga totoong OFWs na gawa’t idinirehe ng isang OFW rin. Kung kaya’t makatotohanan ang paglalahad, patas at may hustisya ang laman ng pelikula.
Ang bidang karakter ay epektibong ginampanan ni Mark Louie Rojas, isang OFW sa Riyadh, kasama ang ilan pang mga OFWs tulad nina Jo Paredes, Dindo Salinas, Sharon Manibpel, Joselito Alejo, Joseph Peruda, Inday Pongan Malik, Rovimar Vinzon, Rannie Tomalon, Vonnel Mirandilla, Rolando Blanco, Christopher Carvajal, at Joseph Espiritu.
Ang direksiyon nama’y buong husay na pinamahalaan ni Direk Chris Gozum. Si Gozum ay isang Master of Arts student sa University of the Philippines, at alumni ng 2006 Asian Film Academy Fellowship Program sa Pusan, South Korea. Siya’y recipient ng dalawang Palanca Awards for Literature noong taong 2001 at 2002, sa kaniyang full-length drama plays na may pamagat na “War Booty” (2001) at ang “The Pasyon of Pedro Calosa and the Tayug Colorum Uprising of 1931” (2002).
Ilan sa award-winning films na ginawa ni Gozum ay ang mga sumusunod:
“The Independence Mission” - 2004 Gawad CCP para sa Alternatibong Pelikula at Video, “Lakaran” - featured in the 2006 Cinemalaya Independent Film Festival, at ang “The Calling” - produced by the Asian Film Academy in 2006 and premiered at the 13th Pusan International Film Festival. Ang “The Calling” ay nanalo rin na Best Short Film sa 9th Cinemanila International Film Festival noong 2007. Ang “Surreal Random MMS Texts para ed Ina, Agui tan Kaamong ya Makakailiw ed Sika: Gurgurlis ed Banua” (Surreal Random MMS Texts for a Mother, a Sister, and a Wife who longs for You: Landscape with Figures). Ang pelikulang ito ay nagkamit ng Ishmael Bernal Award for Most Outstanding Young Filipino Filmmaker sa 2008 Cinemanila International Film Festival, at ang “Anacbanua” (The Child of the Sun) na nagkamit ng Digital Lokal Lino Brocka Grand Prize at Best Director Award sa 2009 Cinemanila International Film Festival.
Ang “Lawas Kan Pinabli” ay prinodyus ng Sine Caboloan Co. Ltd. sa pamamagitan ng cinema grant mula sa National Commission for Culture and Arts, isang government agency under the Office of the President of the Philippines.
Isa rin sa layunin ng pelikulang ito ay ang i-promote ang lenguwahe ng Pangasinan na siyang ginamit sa karamihang bahagi ng pelikula at nilagyan na lamang ng sub-titles sa Ingles. Ang direktor na si Chris Gozum ay mula mismo sa Bayambang, Pangasinan. Ayon kay Gozum, siya’y naalarma nang malamang halos lahat ng kabataan sa Pangasinan ay Tagalog ang salita at nalimot na ang sariling lenguwahe kahit mismo sa loob ng kanya-kanyang tahanan, at lalo na sa ibayong lupain kung saan tuluyan ng nakalimutan ang lenguwaheng ito ng mga Pangasinenses. Dahil dito, sinikap ni Gozum na muling buhayin ang pagggamit ng Pangasinan language at ang kamalayan dito sa pamamagitan ng mga pelikulang kanyang ginagawa.
Ang production at crew ng “Lawas Kan Pinabli” ay kinabibilangan nina: Direction & Editing: CHRISTOPHER GOZUM, Executive Producer: JANUS VICTORIA, Story & Scenario: CHRISTOPHER GOZUM, Cinematography: NOEL ALIPOYO, Sound Design: TENGAL, Music: JOHN SOBREPENA, RAN KIRLIAN, Poetry: KWANAMI KIYOTSUGU, ZEAMI MOTOKIYO, ZENCHIKU UJINOBU, EXODUS, SONGS OF SOLOMON, MELCHOR ORPILLA, Pangasinan Narration: MARIA TERESA BAUTISTA, CHRISTOPHER GOZUM, Bahasa Melayu Narration: SAZWATI SAAD, Pangasinan Translation: MELCHOR ORPILLA, ERWIN FERNANDEZ, SANTIAGO VILLAFANIA, Make-up: BRUNO SERAPION, Photos & Poster Design: TIMOTHY IGNACIO.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Samahan ng Ki Aikido
May Ki Aikido po ba rito sa Dammam o sa Alkhobar? Kung meron po, puwede po ba malaman ang address at contact number. Very informative po ang inyong column. Keep up the good work. – mula sa isang kabayan sa Saudi Arabia
Kabayan, narito ang ilan sa mga Filipino organizations ng martial arts na Aikido:
Phil. Martial Arts Combat Aikido (PHIMACA) – Albert S. Lagbas, 8950965
Amada-Ryu Bujutsu Dojo Aikido – Eric B. Amada, 0507244478
Para sa ating mambabasa, bukod sa Aikido, may mga ilan ding grupo ng iba’t ibang martial arts tulad ng Desert Tiger Taekwondo, Eagle Claw Consolidated Martial Arts, Lakas Katorse, Okinawa Shorin Ryu Karate-Do Assoc.-SA (OSKA-SA), Phil. Combat Karate Judo (PHICKAJU), Intl. Shotokan Sensei Martial Arts Federation, Ras Tanura Karate Federation (RTKF), Black Scorpion Martial Arts, Combat Kungfu Society, Oriental Kempo Martial Arts Club (OKMAC), at Tian Chuan Fa Martial Arts.
Kung nais ninyong makabilang sa mga nabanggit na grupo, ipagbigay-alam ninyo po lamang.
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535. Pakilagay ang inyong pangalan at lokasyon.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment