Wednesday, August 25, 2010

Maayos at Mabilis na Proseso Nakita sa Nakaraang EOW


Tinig sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 25 August 2010)

Muling dinagsa ng mga OFWs ang Multi-Purpose Function Hall ng IPSA (International Philippine School in Alkhobar) nitong nakaraang Huwebes at Biyernes (19 and 20 August 2010) upang mag-renew ng passport at mag-avail ng iba pang consular services sa isinagawang Embassy On-Wheels (EOW) dito sa Eastern Province, Saudi Arabia.

Subalit di tulad ng nakaraang EOW, higit na maayos at mabilis ngayon ang proseso ng verification, encoding at releasing. Nagkaroon lamang ng kaunting aberya sa bayaran dahil agad natambakan ito ng mga magbabayad, sanhi na rin ng mabilis na daloy sa verification. Kung kaya’t pansamantalang inihinto ang pagtanggap ng application hanggang mabawasan ang pila sa bayaran.

Sa kabuuan, naging mapayapa ang isinagawang EOW at walang ano mang naging problema kumpara noong nakalipas na buwan. Salamat sa agarang pagtugon at aksiyon ng Embahada sa puna ng ilan nating mga kababayan patungkol sa kaganapan sa Embassy On-Wheels at sa pakikipagtulungan ng mga opisyales ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission), ng EOW volunteers at Marshals mula sa GRII (Guardians Republican International, Inc. – Desert Scorpion Chapter) at SMPII.

May mga bagong hakbang na ipinatupad sa nakaraang EOW tulad ng pagbibigay ng numero sa mga nakapila kung saan ang taga-Embahada na mismo ang nag-distribute upang matiyak na ang mga nauna sa pila (na ang ilan ay naroroon na sa IPSA Miyerkules pa lang ng gabi) ay tiyak na mabibigyan ng numero at hindi masisingitan ng iba.

Naglagay na rin ng cordon sa likuran ng verification upang matiyak na walang sinumang makakalapit upang isingit ang kanilang application at hindi na daraan pa sa pila.

Gayundin, may bakod na ring inilagay sa may entrance ng Multi-Function Hall ng IPSA upang maging maayos ang daloy ng mga aplikante at masiguradong yun lang may legitimate na pakay lamang ang makakapasok.

Natukoy na rin ang kababayan natin na sumisingil ng isang Riyal sa bawat pahid ng glue stick sa litrato ng mga aplikante. Ito’y pinagsabihan na at pinagbawalan na gawin ulit iyon. Kung may nalalaman tayo na gumagawa pa nito o ano mang pagsasamantala sa kapwa OFW, ipagbigay-alam po agad natin ito sa opisyales ng Embahada o ng AFCSCOM upang agad ma-aksiyunan.
Ang pakikipagtulungan ng bawat isa ay kailangan upang ang pagsasagawa ng Embassy On-Wheels dito sa Eastern Province ay maging higit na kapakinabangan sa bawat OFWs.

Ang proyektong Embassy On-Wheels ay isang napakalaking tulong at serbisyo na inihahatid ng ating Embahada sa mga OFWs dito sa Eastern Province. Dahil kung wala ito, kailangang magtungo pa sa Riyadh ang sinumang mangangailangan ng consular services ng Embahada tulad ng passport renewal, notarization, reporting of birth and marriage, atbp. kung saan gugugol ng mahigit na apat na oras sa biyahe dagdag pa ang gastos pagtungo roon.

Kaya’t malaking pasasalamat ang ipinapaabot ng mga OFWs dito sa Eastern Province sa ating Embahada sa serbisyong ito at maging sa mga volunteers at marshals ng EOW na handang magtiis mapaglingkuran lamang ang kapwa OFWs.

Samantala, muling nagpulong ang opisyales ng AFCSCOM at si Consul Romulo “Jun” Israel ng Philippine Embassy nitong nakaraang Huwebes upang higit na mapaayos pa ang EOW. Ilan sa mga napagkasunduan ay ang pag-identify ng mga legitimate volunteers and marshals at pagbibigay ng orientation at training sa mga ito upang mapahusay pa ang serbisyo ng bawat isa. Bagama’t ito’y libreng serbisyo na ipinagkakaloob ng mga volunteers at marshals, mainam pa rin na may kaayusan ang lahat upang maiwasan ang ano mang problema o di magandang kaganapan sa mga susunod na pagdaraos ng EOW.

*********

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Pag-alis sa Amo ng Walang Paalam

Hello Sir Max. Si Maya po eto dito sa Bahrain. Nagwo-work bilang housemaid. 10 months na rin ako rito sa amo ko pero balak ko na sana umalis sa kanila ng hindi nagpapa-alam. Ngayon pag naka-alis ako sa kanila, gusto ko sana tumuloy sa pinsan ko dito sa Bahrain at dun ko na lang asikasuhin na makuha ang passport ko. Ngayon po ang tanong ko – karapatan ko po ba sa amo ko na bigyan ako ng release paper para maghanap ako ng ibang employer? Kasi po ang dami kong trabaho dito sa kanila. Wala rin pong day-off. Thanks and God bless. – Maya of Bahrain

Kabayan, kung nagnanais kang magtrabahong muli sa iba at kakailanganin mo ang release letter sa amo mo at pati na ang iyong passport, dapat na umalis ka sa kanila ng maayos at hindi yung tatakas ka na lamang o aalis ng walang paalam. Mainam na kausapin mo ng maayos ang iyong amo. Naniniwala akong mauunawaan ka niya kung sasabihin mo ang iyong plano at saloobin. May karapatan kang humingi ng release letter kung maayos ang iyong pag-alis at walang reklamo ang iyong amo. - Max

No comments:

Post a Comment