Saturday, August 28, 2010

We Could Have Done Better

Tinig sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 27 August 2010)

Muli na namang natuon ang mata ng mundo sa bansang Pilipinas sa dalawang kaganapan na nangyari kamakailan lang kung saan sentro ng atensiyon ang hostage-taker na si Rolando Mendoza, dating Senior Inspector ng PNP (Philippine National Police), na nang-hostage ng isang tourist bus sa may harapan ng Quirino Grandstand sa Manila, at ang kandidata ng Pilipinas sa Miss Universe Beauty Pageant 2010 na ginanap sa Las Vegas, Nevada, U.S.A. na si Venus Raj.

Dalawang magkahiwalay na kaganapan na oras o araw lamang ang naging pagitan, subalit umani ng magkaka-ibang reaksiyon sa Pilipinas at sa buong mundo.

Galit, panlulumo at paghihinagpis ang nadama ng karamihan sa madugong sinapit ng mga hostages sa loob ng tourist bus na Hong Thai Travel kung saan karamiha’y turistang Tsino ang sakay, sa kamay ng hostage-taker na si Mendoza. Walong turista ang napatay nang magsimula ng mamaril si Mendoza na nag-trigger lamang nang mapanood ang footages sa TV sa loob ng bus kung saan kanyang nakita ang kapatid na si Gregorio Mendoza na hinuli at hinarass ng kapulisan nang magtungo roon para mag-negotiate.

Sa aktong iyon, doon na nagbigay ng utos ang head ng assaut team na si Nelson Yabut sa sniper na barilin na si Mendoza. Isang “single shot to the head” ang tumama sa ulunan ng hostage-taker na siya niyang ikinamatay.

Ang malagim na pangyayaring ito ay naiwasan sana kung maayos lamang na nahawakan ang 12-hour hostage-drama crisis. Ito ang nagkakaisang tinig ng mga nakapanood sa kaganapan live on television na nasaksihan din sa buong mundo.

Nagpupuyos sa galit ang mga residente ng Hongkong sa pangyayari at kinondena ng gobyerno ng China ang pagpatay sa mga turista at hiningi sa pamahalaang Aquino na imbestigahan ang insidente na hostage-taking at pagpatay sa mga walang-laban na turista.

“Incompetence” ito ang sigaw ng karamihan sa naging aksiyon ng S.W.A.T. (Special Weapons and Tactics) Team ng Pilipinas sa hostage-taking. Maging ang Pangulong Aquino ay nagsabi na ang kaganapang iyon ay nagpapakita ng kakulangan ng training ng mga kapulisan at ng mga modernong gamit.

In-admit din ng PNP ang pagkukulang subalit huli na ang lahat. Naganap na ang di dapat maganap. Sadya ngang laging nasa huli ang pagsisisi. Sayang. Ito na sana ang pagkakataon na maipakita sa mundo ang husay natin sa pagharap sa mga ganitong krisis at sitwasyon, subalit muli tayong kinapos. We could have done better, but we fall short.

Super nakakahiya tayo sa buong mundo. Sibakin lahat ng mga pulis na involve doon. Nakakababang-uri sa ating mga Pinoy ang ganito”, ang sentiyemento ng isa nating kababayan.

Panghihinayang din ang nadama ng ilang mga Pilipino sa tiyak na pagkapanalo sana ni Venus Raj bilang Miss Universe 2010. Bagama’t isa ng accomplishment na mapiling 4th Runner-up sa prestihiyosong patimpalak na ito. Yun nga lamang masasabing muli tayong kinapos at yun ay dahil sa di akmang sagot ni Venus sa Q&A portion na siyang mas binibigyan ng higit na puntos ng ano mang beauty pageant.

Venus had done her part well in the beauty department. She did a good job.

Ang kanyang kakaibang kagandahan, poise and charm ang nagdala sa kanya bilang isa sa top 15 finalists hanggang sa mapasama siya sa top 5. Subalit siya’y kinapos sa napakahalagang bahagi at sangkap ng isang kumpletong personalidad – ito ay ang karunungan. Pagka’t hindi lamang kagandahan ang dapat taglay ninuman kungdi ang isang malinaw at listong pag-iisip.

Muli, pagkakataon sana natin na maipakita sa buong mundo ang galing ng Pinoy na dapat hangaan at igalang, di lamang sa kagandahan kungdi maging sa dunong at tining ng loob.

We could have done better. Kung ang ating educational system, ang sosyedad na ating ginagalawan, pati na ang iglesya at pamahalaan ay bibigyan ng higit na pansin ang paglilinang ng kaisipan ng mga kabataan, ng tamang edukasyon at sapat na gamit at tulong upang maka-likha tayo ng isang matalinong mamamayan.

Sayang. May ikatlong Miss Universe na sana tayo. Gayunpaman, we’re proud of you Venus. Nawa’y marami pang Venus ang tulad mo na magsikap at magtiyaga, at marami pa sanang Venus ang tulungan ng ating sosyedad at pamahalaan na magtagumpay sa kani-kanilang larangan.

We could have done better.

No comments:

Post a Comment