Si P’Noy habang nagsasalita sa Senado.
Tinig Sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 03 September 2010)
Bukambibig ngayon ang katagang “major major” na hango sa naging sagot ni Venus Raj sa interview portion ng Miss Universe 2010 beauty pageant kung saan hinirang na 4th Runner-up ang kandidata ng Pilipinas.
Sa tanong ng Hollywood actor na si William Baldwin, isang kakatwang sagot ang ibinalik ni Venus sa kanyang interviewer. “In my 22 years of existence, I can say that there’s nothing major major problem that I’ve done in my life because I’m very confident with my family, with the love that they are giving to me…”
Maayos naman kung maituturing ang sagot ng dalawampu’t dalawang taong gulang na dilag mula sa Camarines Sur kung di nga lamang sa “major major” na iyon na siyang naging sanhi kung bakit di niya nai-uwi ang korona bilang ikatlong Pilipina sana na magiging Miss Universe.
Dahil sa sagot na ito, naragdagan na naman ang mayaman at makulay na talasalitaan ng lengguwaheng Pilipino. Salamat sa iyo, Venus. Kahit saan ka man dumako ngayon – sa mall, sa eskuwela, sa opisina, sa plaza, at maging sa topadahan ni Aling Kaka o sa pagupitan ni Mang Isko, o sa anu mang umpukan at bangkaan, maririnig mo ang katagang “major major” na idinurugtong sa usapan. Maging ang mga tanyag na social networking tulad ng Facebook at Twitter ay di rin nakaligtas sa Venus-mania na ito.
Isang Twitter user ang nag-translate ng “major major” sa Tagalog. Wika ni Chris Mercado, ito’y maitutulad sa salitang madalas mo ring maririnig ngayon, ang “bonggang-bongga”, isang gay lingo na ang ibig sabihin ay “extravagant” o “outlandish”. In fact, pinalitan na ng “major major” ang dating expression na ito na “bonggang-bongga”. (Source: Karen Flores of ABS-CBN News)
Taas-noo namang hinarap ni Venus ang mga kritiko sa kanyang naging sagot sa nasabing patimpalak-kagandahan. Maging ang dalawang Pilipina na naging Miss Universe na sina Ms. Gloria Diaz (Miss Universe 1969) at Ms. Margie Moran (Miss Universe 1973) ay sumang-ayon at kumampi sa kanya.
Subalit papaano ba magagamit ang katagang ito sa positibong pamamaraaan? Papaano siya magiging sandata sa mga bumabatikos sa Pilipinas at mga kababayan natin ngayon? Sa panahong ang ating bayan ay sentro ng atensiyon dahil sa malagim na kinasapitan ng hostage-taking drama na naganap noong Lunes, 23 August 2010, kung saan walong banyaga ang namatay (limang turistang Tsino at tatlong Canadian citizens). Sa panahong halos mag-aklas ang mga Tsino sa Hongkong para i-kondena ang pangyayaring kapalpakan ng ating kapulisan at hingin ang hustisya sa mga kababayan nilang nasawi.
Simple lamang. At ito ay ang “huwag na nating i-major major pa” ang mga pagkakamaling nangyari at naganap. Huwag nang magturuan pa at manisi ng iba. Ang maghugas-kamay at iligtas ang sarili. Bagkus panagutin ang may sala at umamin ang nagkamali.
“Iwasan din ang mag-major major o mag-generalize.” Yun bang lalahatin o ibabaling sa pangkalahatan ang mali ng isa. Pagkat hindi lahat ng Pilipino ay hostage-taker. Ang totoo niyan, tayo’y maituturing na bihag o hostage din sa pangyayaring ito sa ating bayan.
Nalalagay sa panganib ang mga kababayan natin sa Hongkong at maging sa ibang bahagi ng mundo tulad ng Gitnang Silangan sa maaaring mangyari kung hindi agad masusulusyunan ang krisis na ito na kinasuungan ng bansang Pilipinas.
May magagawa tayo. At ito ay “huwag ng i-major major pa” ang issue. Iwasang gumawa ng makakasakit sa damdamin ng mga naulila ng trahedyang ito.
Magtulungan tayong mga Pilipino na ibangon ang ating bayan. Ang muling ibalik ang respeto at paghanga ng mundo sa galing ng Pilipino.
Saturday, September 4, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment