Ang pagligo sa karagatan ng Eastern Province at Jeddah ang siyang dinarayo ng mga taga-Riyadh. Ang pagbisita sa Bahrain ang isa sa mga ginagawa ng mga nasa Saudi kapag holidays. Kuha sa Red Sand ng Riyadh Kuha sa siyudad ng Riyadh. Sa background ay makikita ang Faisaliyah Tower.
Tinig sa Disyerto by Max Bringula (Abante ME Edition, 20 September 2010)
“Tapos na ang maliligayang araw” ika nga ng iba. Matapos ang mahaba-habang Eid Holidays, balik trabaho na ulet. Bagama’t sa iba nating mga kababayan lalo na yung mga na sa fastfood, hotels at restaurants, mas higit silang naging abala sa mga ganitong araw sa dahilang mas maraming costumer kapag holidays kumpara sa ordinaryong araw lamang.
Gayunpaman upang ma-compensate ito, may mga establisamento at kumpanya na binibigyan ng extra days off ang kanilang mga trabahador. Ang iba nama’y nagbibigay ng dagdag na bayad o overtime.
Sa mga biniyayaan ng dalawa, tatlo o higit pang araw na holidays, tulad ng inyong lingkod, tiyak na isang kakaibang karanasan ang katatapos na bakasyon. Ito’y pagkakataon upang makapamasyal sa lugar na di pa napuntahan.
Dito sa Saudi Arabia, karaniwan na ang mga taga-Riyadh o Central Region ay bumababa sa Eastern Province para maligo sa tabing-dagat at ang iba’y para mangisda, o kaya’y mamasyal sa tinatawag nilang Judas Cave. Bahagi rin ng escapades sa Eastern Region ang pagpunta sa Saudi-Bahrain Causeway at ang pag-akyat sa Saudi Tower upang masilayan ang kabuuan ng silangang bahagi ng Saudi at ang katabing bansa nito, ang Bahrain. Ganito rin naman ang gawi ng mga nasa kabilang border ng Bahrain.
Isa pang lugar na pinupuntahan ng mga kababayan natin ay ang Jeddah na nasa Western Region na marami ring mga magagandang tanawin tulad ng Jeddah Corniche at ang mga naglalakihang malls nito. Bagamat may kalayuan ang Jeddah na anim na oras ang biyahe mula sa Riyadh at labin-dalawang oras naman mula Eastern Region.
Samantala, ang mga taga-Eastern Region at Jeddah ay siya namang aakyat patungong Riyadh kung saan maraming mga magagandang lugar na mapupuntahan tulad ng Kingdom Tower, Al Faisaliyah Tower, Hidden Valley at Red Sand na siyang karaniwang pasyalan ng mga kababayan natin dito kung saan ang buhangin ay nanlilisik na pula. Doon ay masisiyahan kang mag-akyat panaog o magtampisaw sa buhangin habang walang tigil naman ang “kodakan” o pagkuha ng litrato.
May mga kababayan naman tayo na ginugol ang holidays sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kakaibang bonding sa mga kaibigan, kapatiran, pamilya at kasama sa trabaho sa kani-kanilang accommodation. Mayroong nagre-renta pa ng Istiraha upang doon idaos ang kakaibang-bonding tulad ng camping, seminar, fellowshipping, atbp.
May mga sports activities din na ginanap tulad ng Ramadan Friendship Games 2010, isang Open Invitational Basketball Tournament na itinaguyod ng Alkhobar Islamic Center, sa pakikipagtulungan ng United Filipino Sports Association (UFSA) na ginanap sa buong buwan ng Ramadan, at ang pagbubukas ng 10th United Filipino Basketball Federation (UFBF) 2010 Open Invitational Basketball Tournament noong 10 September 2010.
May mga kababayan naman tayo na sinasamantala ang Eid Holidays upang maka-uwi o makapag-bakasyon sa Pilipinas. Isinasama nila ang holidays sa iskedyul nilang bakasyon. Habang ang iba na di naman uuwi ay sinasamantala ang mga araw na ito para mag-ayos sa bahay, maglinis at magkumpuni ng mga sirang gamit. At sa iba naman, ito’y panahon upang bumawi ng tulog at pahinga, bagama’t karamihan pa rin ay halos wala ring tulog at di lubos na nakapagpahinga sa dami ng mga ginawa’t pinuntahan.
Anu’t ano pa man ang pamamaraan, iba’t ibang kaganapan, sari-saring lugar na pinuntahan, at kanya-kanyang bagay na ginawa, ang Eid Holidays na lumipas ay masasabing isang oportunidad at kagalakan sa mga kababayan natin na naghahangad ng kapahingahan at kasiyahan upang mapawi ang lungkot o homesick ng pananatili sa ibang bayan, maibsan ang pagod na nararanasan sa trabaho, at makadama ng kapahingahan di lamang ng pisikal na pangangatawan kungdi maging ng espirituwal na siyang higit na mahalaga.
Tapos na ang holidays, balik trabaho na ulet. Simula na naman ng pagpupunyagi para sa magandang kinabukasan. Muli nating harapin ang mga araw na darating na may ngiti at kakaibang kalakasan at ibayong pag-asa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment