Tuesday, October 26, 2010

The “Sleeping Giant” Awakens / AFCSCOM Held Induction

Max Bringula (Abante ME Edition, 26 Oct 2010)

Sleeping Giant” – kung ituring ang AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission), ang pinakamalaki at maimpluwensiyang umbrella organization ng iba’t ibang community groups sa Eastern Province, Saudi Arabia, na ngayon ay mayroong mahigit na pitumpung grupo na miyembro mula sa professionals, civic, cultural at sports organizations.

Ang AFCSCOM ay katuwang ng POLO-ERO (Philippine Overseas Labor Office, Eastern Region Operations) ng Philippine Embassy, Riyadh sa mga programa nito sa Eastern Province tulad ng buwanang Embassy On-Wheels (EOW), ang pagdaraos ng taunang Independence Day celebration at sa mga programa nito sa sports, reintegration at labor awareness. Gayundin ng pagsasagawa ng Overseas Absentee Voting and Registration.

1994 ng magsimula ang AFCSCOM na noon ay All Filipino Sports Commission o AFSCOM bilang representative ng Eastern Province sa isinagawang Palarong Pilipino na noo’y proyekto ng Philippine Trade Center na ginanap ng taong iyon sa Bahrain. Pagkatapos ng nasabing paligsahan, lumawig ang tungkulin iniatang sa AFSCOM pagka’t idinagdag rito pati na ang community at civic programs sa Eastern Province. Kung kaya’t ito’y tinawag ng AFCSCOM o All Filipino Community and Sports Commission.

At bilang isang iginagalang na grupo, ang AFCSCOM ay nagsisikap na mapa-inam pa ang serbisyong inihahatid nito sa mga OFWs sa pamamagitan ng pagsulong ng kanilang kapakanan at karapatan bilang Manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.

Kamakailan lang ay idinaos ang Induction ng bagong Officers and Directors ng AFCSCOM sa taong 2010-2012 kung saan maglilingkod ang mga ito ng dalawang taon kumpara sa dating isang taon. Ito’y bunga ng mga pagbabagong ginawa sa Constitution and By-Laws.

Ang mga bagong opisyales ay kinabibilangan ng mga sumusunod na community leaders tulad nina:

Orlando C. Flores ng Desert Tiger Taekwondo (President/Chairman of the Board), Max Bringula ng Pag-asa Community Support Group (VP-Community Affairs), Maria Lourdes D. Silverio ng Saad Specialist Sports Association (VP-Sports Affairs), Jaypee Vega ng Filipino Pop Music Club (VP-Cultural Affairs), Gamaliel Gonzales ng Saudi Arabia Hiligaynon, Inc. o SAHI (Secretary), Antonio Briones ng Rizal Int’l Society in Arabian Land (Asst. Secretary), Abelardo B. Regalado ng United Bicolanos (Treasurer), Lamberto B. Pablo ng All Filipino Dammam-Alkhobar Sports and Cultural Association o ALFIDASCA (Asst. Treasurer), Rico Delos Reyes ng Philippine Institute of Certified Public Accountant o PICPA (Auditor), Greg Sugano ng World Organizer of Martial Arts (Asst. Auditor), Danilo O. Rioflorido ng ALFIDASCA (Business Manager), Mariano Neira ng Filipino Overseas Workers Association o FOWA (Asst. Business Manager), Arnel Majano ng Guardians Reformist Group, Inc. o GRGI (PRO), Frisco Doylabo ng Cebuano Integrated Tribal Alliance (Asst. PRO), at Sammy Guevarra ng Overseas Negrenses (Director).

Ang presentation of 2010-2012 Executive Officers ay pinangunahan ni Engr. Carlito Alpay, past Overall Chairman at Adviser ng AFCSCOM.

Ang Induction ay ginanap sa Arwad Suites, Alkhobar kung saan mismong ang dating Ambassador Antonio P. Villamor ng Philippine Embassy, Riyadh ang siyang nagsagawa ng pagtatalaga at siya ring naging Keynote Speaker.

Ang okasyon ay nagsilbing pagbibigay na rin ng parangal at pagpapaabot ng pasasalamat ng AFCSCOM sa butihing Ambassador sa taong inilagi nito bilang Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia. Nagtapos ang tour of duty ni Villamor noong 30 September 2010.

Siya’y pansamantalang hinalinhan ni Mr. Ezzedin H. Tago, Consul General ng Jeddah, bilang Charge d’ Affaires ad Interim o CDA simula sa October 1, 2010.

Isang plaque of appreciation ang ipinagkaloob ng AFCSCOM sa butihing Ambassador, at nagbigay naman ng kanya-kanyang maikling pananalita ng pasasalamat ang Pangulo o Head ng bawat organisasyong naroroon na dumalo. Isang handog naman ang iniabot ng community leaders ng Jubail para sa Ambassador.

Bukod kay Ambassador Villamor, naroroon din sina Labor Attache David Des T. Dicang at Welfare Officer Ron Bartolome, na nagbigay ng kanya-kanyang Mensahe mula sa OWWA at POLO-ERO. Gayundin si Mr. Rogelio Rayala, former Chairman ng National Labor Relations Committee (NLRC), at Mr. Abdul Fettah Ennayal, Director General ng Mohammad Dossary Hospital, bilang mga panauhing pandangal.

Naroroon din ang iba pang mga past Overall Chairman ng AFCSCOM na sina Roilo Alojado at Jojie Apolinario, bukod kina Ransam Pirote, Carlito Alpay at Benjamin Cesora.

Sa naturang Induction, pinangunahan ni Mary Jane Tupas (President, OFW 5th Congress) ang Invocation at agad itong sinundan ng Philippine National Anthem sa pangunguna ni Jaypee Vega (President – FILPOP). Ang Welcome Remarks ay inihatid naman ni Max Bringula (Chairman – Pag-asa Community Support Group). Ang Acknowledgement of Guests at ng bawat community groups na dumalo ay isinagawa naman ni Maria Lourdes Silverio ng Saad Specialist Hospital, at ang Message of Thanks ay ibinigay naman ni Abelardo R. Regalado ng United Bicolanos.

Ang usual Valedictory Speech ay inihatid ng outgoing Overall Chairman ng AFCSCOM na si Engr. Reggie Montana ng SAHI at Ro-Akeanon, at ang Acceptance Speech mula sa incoming President and Chairman of the Board ng AFCSCOM na si Engr. Orlando Flores ng Desert Tiger Taekwando.

Isinalaysay naman ni Engr. Ransam Pirote, Past Overall Chairman at Adviser ng AFCSCOM kung papaano nagsimula ang AFCSCOM sa kanyang “AFCSCOM: Yesterday, Today and Tomorrow”. Kanyang inilahad ang pagkakatatag nito noong 1994, ang mga serbisyong inihahatid nito sa mga OFWs, at ang mga plano at programa sa mga darating na taon. “If we are united, we can deliver”, ito ang pananalitang binitawan ni Engr. Pirote sa mga lideratong naroroon.

Ipinakilala rin ng gabing iyon ang anim na bagong miyembro ng AFCSCOM. Ito ay ang United Filipino Sports Association(UFSA), Guardians Republican Int’l Inc. (GRII), Filipino Overseas Workers Association (FOWA), Guardians Reformist Group, Inc. (GRGI), Sanggunian ng Masang Pilipino Int’l Inc. (SMPII), at ng Philippine Combat Akido Players Association (PHICAPA). Bilang pagkilala, ipinagkaloob sa anim na organisasyon ang Certificate of Membership na iniabot sa kanila ni Engr. Benjamin Cesora, Chairman of Membership ng AFCSCOM, katuwang ang outgoing Overall Chairman, Reggie Montana.

Upang bigyan ng sigla ang okasyon, nagkaroon din ng mga Intermission Numbers na inihatid nina Jonrey Salva, Grand Finalist ng POP Icon, Jaypee Vega ng FILPOP, at ng mag-asawang Florante Catanus ng TFC o The Filipino Channel at Analiza Catanus ng PSD o Philippine School in Dammam. Sila rin ang naging Master of Ceremonies sa nasabing okasyon.

Isang masaya at makabuluhang gabi muli ang nasaksihan sa katatapos na Induction. Para sa mga bagong opisyales ng AFCSCOM, isang mapanghamong mensahe ang iniwan ni Ambassador Villamor. “Continue to build on what has been accomplished by your predecessor. Dream together so that your dream would become a reality.”

At tulad din ng isinaad sa Welcome Remarks ni Mr. Bringula, “this mark the day of new beginning and of brightest hope for those selected to serve in the years to come.”

The “sleeping giant” had awakened. Simula ng muli ng pagkilos tungo sa ikauunlad at ikatataguyod ng bawat Manggagawang Pilipino.

No comments:

Post a Comment