Sunday, November 15, 2009

Bumuhos ng Pagmamahal sa Burol at Libing ni Madame Aquino


Max Bringula (Abante ME Edition, 07 August 2009)

Hindi ko mapigilang maluha habang pinapanood ko sa TV ang libing ng dating Pangulong Corazon C. Aquino. Hindi ko alam kung ako ba’y nagiging emosyonal o labis lamang akong na-touched sa aking namalas kung papaano ipinakita ng sambayanang Pilipino ang kanilang labis-labis na pagmamahal sa yumaong Pangulo.

Hindi nila inalintana ang manaka-nakang pag-ulan o maging ang init ng araw, masilayan lamang ang pinakamamahal na Pangulo. Ang iba’y may tangang payong upang di mabasa at ang iba’y isinama pa ang mga anak upang marahil ipakita sa kanila kung gaano ka-dakila si Tita Cory sa mata ng mga Pilipino.

Umuulan ng confetti sa bawat dinaraanan ng sasakyan, nagpapalipad ng dilaw na lobo, at ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nagbigay naman ng gun salute bilang paggalang at pagbibigay-pugay sa namayapang Pangulo.

Ang mga tao’y di magkamayaw sa pagtaas ng kamay na naka-Laban sign, at sumisigaw ng “Cory, Cory, Cory” at ang iba’y pumapalakpak, nagpupugay at gumagalang sa Pangulo, habang ang awiting tulad ng “Magkaisa” at “Bayan Ko” ay patuloy na pumapailanlang sa buong kapaligiran.

At sa bawat daraanan ay makikita mo ang mga nakasulat na “Maraming Salamat President Cory”, “We Love You, Tita Cory”, “Cory, Hindi Ka Nag-iisa”, at marami pang iba na nagpapahayag ng kanilang pagmamahal.

Mistulang naulit ang ganitong kaganapan noong libing naman ni Ninoy Aquino dalawamput-anim na taon na ang nakalipas noong 31 August 1983.

Ang pagkakaiba lamang ng libing ni Ninoy sa libing ni Cory ngayon ay ang uri ng damdaming nagbuklod sa tao upang makiisa sa buong sambayanang Pilipino. Sa libing ni Ninoy, galit sa rehimeng Marcos ang nagbunsod sa taong-bayan na lumabas at makibahagi, subalit ngayon, ang pagmamahal sa simpleng maybahay ni Ninoy na naging daan upang maibalik ang demokrasiya sa Pilipinas at ang katapatan at kalinisan ng puso nito ang dahilan ng kanilang pagtungo sa daan upang makiisa sa pagpupugay sa minamahal na Pangulo.

Ang pagmamahal kay Ginang Aquino ay nakita di lamang sa taong-bayan kungdi maging sa naging kaaway niya’t tumuligsa sa kanya noong siya’y nanunungkulan pa bilang Pangulo ng Piipinas. Dahil sa kababaang-loob ni Cory at pusong handang magpatawad, ngayon sila’y kaibigan niya na na nagmamahal at humahanga. Magagandang salita ang ngayo’y maririnig mo sa kanila.

Hindi lamang ang Pilipinas ang kumikilala sa kadakilaan ni Tita Cory, kungdi buong mundo. Pulos papuri at magagandang salita ang ibinibigay ng mga liderato ng iba’t ibang bansa. Dahil dito taas-noo nating masasabi na may ngiti sa labi ang katagang “Ako’y Pinoy, and I’m proud to be one”.

Nawa’y ang kaganapang ating nasasaksihan ay magdulot ng pagbabago sa ating bayan. Nawa’y maging daan ito upang mabuksan ang isipan at maantig ang kalooban ng liderato ng ating kasalukuyang pamahalaan, at maging instrumento nawa ito upang patuloy na magkaisa ang bawat Pilipino tungo sa pag-unlad ng ating bayan.

Minsan ko ng nabanggit sa ating “Kasabihang-Pinoy” na “kung ano ang ating itinanim ay siya nating aanihin.” Pagmamahal at katapatan ng paglilingkod sa bayan ang ipinunla ni Madame Aquino sa tao, kung kaya’t pagmamahal din ang kanyang inaani ngayon mula sa taong-bayan. Subalit kung kaapihan, pandaraya at pag-abuso sa kapangyarihan ang ibinigay mo’t ipinakita, natitiyak kong galit ang aanihin ninuman.

Isa nating mambabasa na si Pedro Chavez ang nag-text sa atin. Ganito ang sinabi nya, “...taong bayan ang lumabas para makiramay kay Mrs. Aquino… pag namatay kaya si Mrs. Arroyo, marami rin kaya ang lalabas para makiramay? Umhmm... palagay ko, wala...”

This text speaks for itself

Nais kong ibahagi rin ang maikling tulang ito na ipinadala sa atin ng isa nating mambabasa na si Mary Ann Mallari:

Ang Tita Cory Ko
Napakabuti mo, O Tita ko
Lahat ng iyong kababayan napahanga mo
Sa People’s Power, Pilipino’y pinagkaisa mo
Sa katapangan mo, bilib kami sa'yo.

Tunay nga na madasalin itong Tita ko
Sa lahat ng gawa nya, ipinapasa-Diyos nya ito
Kahit buhay niya'y ibinabalik ng buong puso
Salamat sa Panginoon sa buhay mo
Madame Cory Aquino.


Samantala, tuluyan ng inilagak ang labi ni Ginang Aquino, ang People’s President, sa tabi ng puntod ng bayaning Benigno ‘Ninoy’ Aquino sa Manila Memorial Park noong Miyerkules, 05 August 2009.

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

No comments:

Post a Comment