Sunday, November 15, 2009

OAV Registration Malapit Nang Matapos

Max Bringula (Abante ME Edition, 05 August 2009)

Itong buwan na lamang ng Agosto ng taong kasalukuyan ang nalalabi upang makapag-rehistro ang mga OFWs sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa Overseas Absentee Voting upang makaboto sa darating na Halalan sa Mayo 2010.

August 31 ang ibinigay ng COMELEC na deadline o pagtatapos ng pagre-rehistro para sa OAV.

Kung kaya’t ating hinihimok ang mga kasamang OFWs na hindi pa nakakapag-rehistro na tayo’y humayo na at gamitin ang karapatang makaboto at makapili ng karapat-dapat na liderato ng ating bansa.

Sa kasalukuyan, patuloy na idinaraos ang OAV registration sa Embahada’t Konsulada ng Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dito sa Saudi Arabia, ang registration ay ginaganap araw-araw sa Riyadh at Jeddah at sa Eastern Province naman ay limang araw sa isang Linggo tuwing Lunes hanggang Biyernes.

Sa huling report ng COMELEC na may petsang 22 July 2009, nasa ika-apat na puwesto ang Saudi Arabia sa buong mundo sa talaan ng mga nagsipag-rehistro sa OAV. Nanguna sa talaan ang Estados Unidos na may total registrants na 15,307, sinundan ng China na may 16,307, kasunod ang United Arab Emirates na may 10,646, Kingdom of Saudi Arabia – 8,431, Singapore – 6,300, Taiwan – 5,822, Canada – 5,434, United Kingdom – 4,714, Japan – 4,656, at Italy – 3,740.

Inaasahang madaragdagan ang bilang ng registrants sa Saudi Arabia sa mga darating na araw habang papalapit ang August 31 kung saan tinatayang daragsa ang mga magre-rehistro lalo na sa mga huling Linggo ng Agosto. Ugali na ng mga Pinoy ang last minute na pagkilos sa bawat mga mahahalagang gawain tulad nitong OAV Registration.

Huwag ng hintayin pa ang huling araw ng Agosto para tayo magpa-rehistro. Magtungo na sa mga registration centers sa inyong lugar. Hikayatin ang bawat isa – mga kaibigan, kasama sa trabaho at buong pamilya na gamitin ang karapatang bumoto. Sikaping huwag maabutan ng pagsasara ng registration upang maiwasan ang pakikipag-gitgitan sa tinatayang pagbuhos ng tao sa mga huling araw.

************
Mga Karagdagang Sagot at Tanong sa OAV

Sa nakaraan nating artikulo sa Tinig sa Disyerto noong Hulyo 30, ang “Mga Iba’t Ibang Katanungan”, marami mga tanong tayong sinagot patungkol sa nagaganap na OAV Registration. Muli nating paglalaanan ang iba pang katanungan at pagbibigay karagdagan sa ating sagot sa nakaraan.

Ang mga sumusunod na tanong at sagot ay hango sa ipinalabas ng POLO-ERO na FAQ’s (Frequently-Asked Questions) nang nagsisimula pa lang ang registration noong February 2009.

Tanong: (nasagot na ito ng nakaraan)
"Puwede ba akong mag-register dito pero sa Pilipinas na ako makakaboto dahil uwi na po ako sa October? (OFW-Bahrain)

Karagdagang Kasagutan:
Ang OFW na ibig umuwi at hindi na madaratnan ang registration sa Pilipinas subalit nagnanais na bumoto sa May 2010, puwede kang magpa-rehistro dito sa Alkhobar (o saan mang lugar sa labas ng bansa ikaw naroroon) bago ka umuwi. Pagdating sa Pilipinas ay magsadya agad sa COMELEC. Mag-fill-up ng form OAVF No. 1B "Letter-Request for Transfer of Registration Record". Ilagay sa form kong saang post o distrito/barangay mo gustong mag-rehistro.

(Salamat kay Olan Maala sa karagdagang kasagutan na ito).

Tanong: Rehistradong botante na ako sa Pilipinas, at aktibo akong bumoboto sa mga nakaraang eleksyon, kailangan ko pa bang magparehistro dito sa Saudi para makaboto ako sa 2010 National Elections?

Sagot: Kung kayo ay rehistradong botante sa Pilipinas at aktibo kayong bumoboto nitong mga nagdaang eleksyon, sasailalim kayo sa "Certification" upang mapabilang sa talaan ng mga Overseas Absentee Voters.

Pero kung di kayo nakaboto ng dalawang magkasunod na eleksyon, kayo marahil ay naalis na sa talaan ng mga rehistradong botante sa Pilipinas at kailangan ninyong magparehistrong muli, bilang Overseas Absentee Voter.

Tanong: Ipapadala ba ulit dito sa Saudi ang Voter's I.D. ko?

Sagot: Hindi. Ang mga Voter's I.D. ay ipapadala ng COMELEC sa Philippine Address na isusulat ninyo sa Voter's I.D. Request form.

Tanong: Hindi pa ibinigay ang aking Voter's ID, hindi ba ako makakaboto sa 2010?

Sagot: Kahit wala kang Voter's ID, ikaw ay makakaboto kung ikaw ay kabilang sa talaan ng mga rehistradong Overseas Absentee Voters.

Tanong: Paano ko malalaman kung kabilang na ako sa talaan ng mga rehistradong Overseas Absentee Voters?

Sagot: Ang talaan ng mga rehistradong Overseas Absentee Voters ay matatagpuan sa website ng COMELEC (http://www.comelec.gov.ph/).

Tanong: May bayad ba ang pagpaparehistro bilang Overseas Absentee Voter.

Sagot: Wala po.

Kung may karagdagan pang katanungan na wala sa mga nabanggit, hinihilingan ang mga kababayan natin na tumawag lamang sa Mobile Number na 0546528290 at hanapin si Mr. Lex Pineda (POLO-ERO Representative for OAV Registration).

(For comments and reactions, please eMail at
maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

No comments:

Post a Comment