Saturday, April 10, 2010

Overseas Absentee Voting, Magsisimula Ngayon


by Max Bringula (Abante ME Edition, 10 April 2010)

Magsisimula ngayon, diyes ng Abril, ang Overseas Absentee Voting (OAV) sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan may mga Pilipinong botante, o yung mga overseas absentee voters. Ito’y isang buwang isasagawa mula April 10 hanggang 10 May 2010, na siyang takdang petsa naman ng Halalan sa Pilipinas. (Yung mga seafarers o mga nagtratrabaho sa barko ay may 60 days naman para bumoto.)

Ang OAV o ang pagboto in absentia ay naisa-batas noong 2003 sa ilalim ng Republic Act No. 9189, o mas kilalang “The Overseas Absentee Voting Act of 2003”. Ito’y naglalayon na mabigyan ng pagkakataong makaboto ang mga Pilipinong nasa labas ng bansa.

Unang nagkaroon ng OAV noong National Election ng 2004 at nasundan ito noong 2007. Ang taong 2010 bale ang pangatlong overseas absentee voting na gaganapin.

Ang pagboto ay isinasagawa sa bawat Embahada at Konsulada ng Pilipinas sa ibang bansa kung saan mayroong botanteng Pinoy, o kaya’y sa Philippine schools na accredited ng Department of Education o DepEd.

Samantala, ang Automated Voting gamit ang precinct count optical scan (PCOS) machines na sisimulan sa Pilipinas sa halalang ito ay isasagawa rin sa overseas absentee voting. Subalit sa Hongkong at Singapore lamang. Ito’y sa dahilang ang dalawang bansang nabanggit ay siyang may pinakamaraming registered Filipino voters. May 95,355 voters sa Hongkong at sa Singapore ay may 31,853 voters. Mahigit na kalahating milyon ang certified absentee voters sa buong mundo. Ito ang inilahad ng COMELEC (Commission on Elections).

Ang mga overseas absentee voters sa ibang bahagi ng mundo, kasama na ang Middle East, ay manual voting pa rin ang gagawin, either by personal voting o by postal voting.

Dito sa Middle East, handing-handa na ang Embahada at Konsulada sa Saudi Arabia, UAE, Qatar, Kuwait, Oman at Bahrain para isagawa ang OAV sa kani-kanilang lugar.

Sa Saudi Arabia ang voting period ay magsisimula ng 9:00 AM hanggang 5:00 PM during weekdays sa Riyadh, at 11:00 AM to 7:00 PM naman sa Alkhobar. Tuwing Huwebes at Biyernes naman, 10:00 AM to 6:00 PM sa Riyadh, gayundin sa Alkhobar. Ang OAV sa Alkhobar ay gagawin sa IPSA (International Philippine School in Saudi Arabia), at sa Riyadh naman ay sa Embassy grounds mismo.


Mga Dapat Tandaan Kapag Boboto

UNA – dalhin ang Voter’s ID o kung wala man ay yung registration slip na ibinigay sa inyo noong kayo’y nagpa-rehistro. Kung wala pa rin ito at nawaglit, pumunta pa rin sa poll precinct at sabihin ang pangalan taglay ang inyong ID o pasaporte na mapagkikilanlan na kayo iyon upang kanilang i-verify sa listahan ng Certified List of Overseas Absentee Voters (CLOAV) kung ang pangalan ninyo ay naroon.

Samantala, maaari ninyong i-verify rin kung ang pangalan ba ninyo ay kasama sa CLOAV bago tumungo sa precinct. Bumisita sa website ng COMELEC sa www.comelec.gov.ph o sa website ng Philippine Embassy ng Riyadh sa www.philemb-riyadh.org.

Kung may katanungan tungkol sa OAV o kung wala ang inyong pangalan sa CLOAV, maaari kayong tumawag sa OAV Section ng Embassy sa kanilang telepono na (01) 4820507 ext. 2127, o kaya naman ay sumulat o mag-eMail sa filemb@sbm.net.sa o mag-fax sa numero na (01) 4883945.

Puwede ring kayong tumawag mismo sa COMELEC sa Pilipinas sa telepono na 00-632-5522251 o mag-fax sa 00-632-5212952, o sa DFA Overseas Absentee Voting Secretariat sa telepono na 00-632-8344361 o 00-6332-8329725, o mag-fax sa 00-632-8330914.

IKALAWA – ang mga iboboto ninyo lamang ay ang mga sumusunod: Presidente (isa), Bise-Presidente (isa), Senators (labindalawa), at isang Party-List. Maaaring kayong magdala ng sample ballot o listahan ng inyonng iboboto.

IKATLO – habang bumoboto, huwag makikipag-usap kaninuman (o sa ibang mga botante) na nasa loob ng precinct maliban sa mga nakatalagang personnel doon.

IKA-APAT – pagkatapos bumoto, tiklupin ang inyong balota tulad kung papaano ito ibinigay sa inyo ng mga SBEI (Special Board of Election Inspectors) o yung mga itinalaga para isagawa ang botohan. Ibigay ang balota sa SBEI at mag-thumb mark sa ilalim na bahagi ng balota at sa listahan ng OAV List na ituturo sa inyo. Pagkatapos nito, ide-detach ng SBEI ang bahagi ng balota o yung coupon at ibabalik sa inyo ang Balota na siya ninyong ihuhulog sa Ballot Box.

Dapat ding tandaan na huwag ninyong pupunitin ang balota o susulatan ng kung ano o lalagyan ng kahit anong marka, maliban sa isusulat ninyong pangalan na iboboto upang di ma-invalidate ang inyong boto.

Tayo ng bumoto. Gamitin ang inyong karapatang maghalal ng karapat-dapat na manungkulan sa ating bansa.

No comments:

Post a Comment