Monday, April 26, 2010

"Tagging System", Ini-Adopt ng COMELEC sa OAV


by Max Bringula (Abante ME Edition, 26 April 2010)

Magandang balita ang ating natanggap mula sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh patungkol sa desisyon ng COMELEC na i-adopt ang “Tagging System” sa overseas absentee voting (OAV) na ginaganap sa Riyadh at Alkhobar. Ito’y batay sa sulat ni COMELEC Commissioner Armando C. Velasco, Chairman of the Committee on Overseas Absentee Voting (COAV) kay Nestor N. Padalhin, Vice-Chairman ng DFA-OAVS.

Ang desisyong ito ng COMELEC ay bunga ng sulat, eMail at tawag na natanggap ng ahensiya mula sa mga botante ng Riyadh at Alkhobar na ang kanilang pangalan ay napunta sa ibang lokasyon. Ang mga botante ng Alkhobar na nagparehistro sa Alkhobar ay napunta ang pangalan sa CLOAV (Certified List of Absentee Voters) ng Riyadh, at yung mga nagpa-rehistro sa Riyadh, ay napunta naman ang pangalan sa CLOAV ng Alkhobar.

Dati-rati sa ganitong pangyayari, makakaboto lamang ang isang botante sa presinto kung saan naroon ang kanyang pangalan. Kung kaya’t yung mga nasa Alkhobar ay kailangan pang pumunta sa Riyadh na apat na oras ang biyahe kung sa di inaasahang pangyayari ang pangalan nila ay napunta sa Riyadh, and vice-versa, yung mga nasa Riyadh ay kailangan pang pumunta sa Alkhobar kung ang pangalan naman nila ay napunta sa Alkhobar.

Subalit sa tagging system na ipapairal ng COMELEC, maaari ng bumoto ang mga botante sa Alkhobar na ang pangalan ay napunta sa listahan sa Riyadh, at vice-versa yung mga nasa Riyadh na ang pangalan ay napunta naman sa listahan ng Alkhobar. Isang magandang development ito at pabor sa mga botante.

Sa pamamagitan ng tagging system, maaari na silang bumoto either sa Philippine Embassy sa Riyadh, o sa International Philippine School in Alkhobar (IPSA), o sa International School in Buraydah (PISB). Samantala, magkakaroon naman ng daily reporting at the end of the day ang dalawang lokasyon kung sino ang bumoto sa Riyadh na ang pangalan ay nasa Alkhobar, at kung sino ang bumoto sa Alkhobar na ang pangalan ay nasa Riyadh upang hindi madodoble ang boto ng isang botante kung saka-sakaling ito’y boboto ulit sa ibang lokasyon.

Sa sulat na ipinadala ni Vice-Consul Roussel R. Reyes ng Philippine Embassy, Riyadh, sa mga Accredited Community Partners (ACPs), kanyang hiniling sa mga Filipino community leaders na i-dissiminate ang inpormasyon na ito sa lahat ng kanilang mga miyembro at mga registered voters. Kanya ring idinagdag na ang Committee on Overseas Absentee Voting (COAV) ay maaari nang ma-access on line sa pamamagitan ng YAHOO Messenger at Facebook account. Idagdag lamang ang kanilang account na comelec_oav@yahoo.com.

Samantala, nawa’y masolusyunan din yung mga botante naman na nawala o na-de-list ang kanilang pangalan sa CLOAV kahit na sila’y nakaboto naman sa 2004 at 2007 national election. Sa ngayon kasi, wala pang konkretong sagot na maibigay ang mga nakatalagang Election Inspectors ng mga presinto sa nagaganap na OAV, kungdi ang pagsasabi na sila’y sumulat o mag-inquire sa COMELEC. Nawa’y bago pa dumating ang May 10 na siyang huling araw ng OAV ay may masilayang pag-asa ang mga kababayan natin na sila’y makakaboto sa taong ito.

Pagkat sa sulat na ipinadala ng COMELEC dated 20 April 2010, binabanggit na ang dahilan ng pagkaka-delisted ng pangalan ng ibang mga botante ay sa dahilang sa COAV Records ng 2004 at 2007, walang pirma o thumbmark na makita sila sa records. Kailangan kasing pumirma at mag-thumbmark ang botante sa COAV Record pagkatapos niyang bumoto at ihulog ang balota sa ballot box. Kung papaano na di sila nakapirma o nakapag-thumbmark ay isang malaking katanungan.

*********

TSD Readers’ Corner:(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD (Tinig sa Disyerto), tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Mula kay Almira ng Bahrain tungkol sa Voter’s ID

Gud PM, Mang Max. Si Almira po ito from Bahrain. Pwede po mag-ask sa inyo? Kapag nakaboto na ako sa embassy, may makukuha ba ako na voter’s ID katunayan na bumoto ako?

Dear Almira, ang voter’s ID ay ipinadadala ng COMELEC sa iyong address sa Pilipinas na iyong isinulat sa registration from nang ika’y mag-register para sa OAV. I-tsek mo sa inyo sa Pilipinas kung dumating na. Samantala, sa bagong advisory ng COMELEC, itinigil na nila muna ang paggawa ng voter’s ID pagkat may balak na pag-iisahin na lamang ang ID sa Pilipinas, at kasama rito ang voter’s ID.

(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

1 comment:

  1. It is a wonderful feeling to exercise your vote. So, come one, come all! Let's do it! From 9th of April till 9th of May,, see you at the Phil. Embassy grounds at the DQ, Riyadh.

    ReplyDelete