Friday, April 30, 2010

Secrecy and Sanctity of the Ballot



by Max Bringula (Abante ME Edition, 29 April 2010)

Isa sa napakahalagang bahagi ng nagaganap na overseas absentee voting (OAV) at ng darating na halalan sa atin sa May 10 ay yung tinatawag nating “secrecy and sanctity of the ballot” na ang ibig sabihin sa payak na pananalita ay yung kahalagahan ng isang boto ng bawat botante na ito’y mapag-ingatan, mabilang at di mawalan ng halaga. Kaya’t ganoon na lamang ang pag-iingat at pagbabantay na ginagawa sa oras ng halalan hanggang sa oras ng pagbilang ng mga boto.

Sa ating batas ay nakasaad ang tungkol dito, sa Section 2 ng Article V – Suffrage ng 1987 Philippine Constitution na ganito ang sabi, “The Congress shall provide a system for securing the secrecy and sanctity of the ballot as well as a system for absentee voting by qualified Filipinos abroad.”

Ano ang ibig sabihin ng dalawang term na nabanggit dito – ang secrecy at sanctity of the ballot. Sa secrecy of the ballot, ang ibig sabihin ay di dapat malaman ng ibang botante o maging ng mga election inspectors o kung sino man na nasa loob ng vicinity ng presinto kung sino ang sinulat ng botante sa balota. Kaya nga’t ang balota ay ibibigay sa botante ng SBEI (Special Board of Election Inspector) na nakatiklop at ibabalik din sa kanila ng nakatiklop pagkatapos bumoto. Dagdag pa rito, bawat presinto ay may designated cubicle o kung wala man ay mayroong secret folder na ginagamit upang maging tabing sa isusulat ng botante sa balota.

Dahil dito, ipinagbabawal din ang pagkuha ng larawan sa loob ng presinto. Kung may picture-taking man, ang shot ay dapat ay mula sa malayo.

Ang sanctity of the ballot naman ay ang pagpapahalaga at pag-respeto sa boto. Hindi dapat itong sabotahen, sirain o ano pa mang iba’t ibang pamamaraan na ginagamit upang ma-invalidate ang boto o di siya maisama sa pagbilang. Ito ang dahilan kung bakit may tinatawag na Poll Watcher mula sa iba’t ibang political party at concerned citizen group na nakatalaga sa bawat presinto upang siyang mag-bantay sa boto na ito’y maihuhulog sa ballot box at maisasama sa oras ng bilangan. Ito rin ang dahilan kung bakit may mga accredited poll-watcher body na pinipili ang COMELEC tulad ng NAMFREL o ang PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting), at Ito rin ang dahilan kung bakit may mga programang tulad ng Ako ang Simula at Boto Mo, I-Patrol Mo ng ABS-CBN at Eleksiyon 2010 ng GMA-7.

Bawat isa’y naghahangad ng malinis at maaayos na halalan. “The secrecy and sanctity of the ballot” ay dapat matiyak di lang ng mga botante, kungdi higit sa lahat ng pamahalaan at ahensiya nito. Ang sinumang mahuling lumalabag rito ay may karampatang parusa ayon sa isinasaad ng batas.

Ito rin ang tinalakay ni Labor Attache David Des Dicang ng POLO-Eastern Region Operations nang siya’y magpatawag ng pulong kamakailan ng mga volunteers, marshals at poll watchers sa nagaganap na OAV sa Alkhobar, Saudi Arabia.

Sa nasabing pulong, kanyang ipinaliwanag ang tungkuling ng bawat isa. Ilan sa mga binigyan-diin sa pulong ay ang mga sumusunod:

1) Yun lamang mga opisyales at may mga designated ID’s ang maaaring makapasok sa presinto tulad ng Special Board of Election Inspectors (SBEI), opisyales ng POLO-ERO, Poll Watchers na anim bawat partido (isa sa bawat presinto) at designated media personnel.

2) Ang mga Poll Watchers ay dapat may taglay na Appointment Letter at ID sa partidong kanilang kinabibilangan.

Ipinakilala sa pulong na iyon ang representative ng dalawang partido na may Poll Watchers, sina Mr. Robert Gaffud ng Bangon Pilipinas Party at Mr. Jerry de Guzman ng Gabriella.

3) Hindi dapat nakikipag-usap ang mga Poll Watchers sa mga botante upang hindi maakusahan ng electioneering. Kung may katanungan ang mga botante, sa SBEI’s sila dapat lalapit, o sa Marshals at volunteers. Subalit mainam na sa SBEI idirekta ang tanong pagka’t sila ang itinalaga ng COMELEC na mamahala sa eleksiyon at sila’y binigyan ng awtoridad na sumagot at gumawa ng karampatang aksiyon kung kakailanganin.

4) Maaaring magsuot ng T-shirt ng kanilang partido o kandidatong iboboto ang isang botante. Hindi ito ipinagbabawal. Ito’y personal choice niya as long na walang hayagang makikita na ang nasabing botante ay nangangampanya kungdi siya ay maaakusahan ng electioneering.

*********
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Mula sa isang mambabasa at botante sa Saudi Arabia -

Gud PM, Sir Max. Ako po yung nagtanong sa inyo dati kung pwede me bumoto dito sa Alkhobar pero registered me sa Riyadh. Ang reply nyo ay hindi pwede. Kababasa ko lang now sa column nyo about “Tagging System” (published on 26 April 2010) na pwede na akong bumoto dito sa Alkhobar sa IPSA. Thanks for the info. God bless you and your family.

Panawagan sa Nakakakilala kay Bernadette – mula kay Emy ng Bahrain

Kung sino po ang nakakakilala kay Bernadette Montalban Perez, please let her know na hinahanap sya ni Emy. Text nyo na lang po ako dito sa roaming nbr ko (00-639281723142).


(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

No comments:

Post a Comment