Saturday, May 1, 2010
Sino Ang Presidente Mo?
by Max Bringula (Abante ME Edition, 01 May 2010)
Nakapagpasiya ka na ba? Meron ka na bang naiisip na ilalagay o isusulat sa balota bilang magiging bagong Pangulo ng Pilipinas sa darating na anim na taon (2010-2016)? O ikaw ay nagdadalawang-isip pa magpahanggang ngayon? Di matiyak kung sino nga ba ang karapat-dapat na iboto. Sa isip-isip mo, “pare-pareho lang kasi ang mga iyan. Kay titino, kay bubuti pag nangangampanya. Pero pag nahalal na at naka-upo, masahol pa kaysa dati. Mangungurakot din, magpapayaman din.”
Ganito na nga halos ang sentimiyento ng nakararami sa mga kumakandidato sa atin. Ang iba’y naubusan na ng pag-asa kung makakabangon pa ba ang Pilipinas sa kanyang pagkalugmok sa kahirapan at abang kalagayan.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit matumal ang mga bumoboto sa kasalukuyang nagaganap na overseas absentee voting. Sa palagay nila, di na kailangan pa. Di na kailangan ang kanilang boto.
Subalit pakatandaan natin na ang halalang ito ay di lamang patungkol sa mga kumakandidato. Ito’y higit kanino pa man ay patungkol din sa atin bilang mga boboto. Bilang isang mamamayan na nagmamahal sa kanyang bayan.
Nasa kamay ng bawat Pilipino ang ika-tatagumpay ng halalang ito. Tulad ng binabanggit sa tagline ng ABS-CBN na “Ako ang Simula”, nasasaatin ang pagbabago. Sa atin magsisimula. Bawat isa’y dapat makibahagi, makiisa sa pagtaguyod at pagbabago ng Pilipinas. Mayroon tayong dapat gawin – ang bumoto ng wasto at tama. Gamitin ang puso’t isipan sa pagpili ng iboboto at hindi ang halaga na babagsak sa ating palad o ang popularidad ng kumakandidato. Let us not just vote right, but vote responsibly.
At sa puntong ito, kakailanganin nating suriing maigi ang bawat kandidato. Alamin ang plataporma de gobyerno nila o yaong nais nilang isulong kapag nahalal na. Kung ano na ang kanilang nagawa sa bayan at higit sa lahat ang kanilang pagkatao. Kung sila ba’y imahen ng katuwiran at tuwid na pamumuhay. Malinis ba ang kanilang hangarin at pakay na maglingkod sa bayan. Sino ang may malinaw na pananaw na nais gawin para sa bayan at hindi yaong nagpapa-kyut lamang pag nasa entablado na. At ito’y higit nating malalaman kapag bibig nila’y ibinukas na para magsalita. Malalaman mo kung sino ang may tunay na pag-ibig sa bayan at kung sino ang animo’y kampanang kumakalembang lamang, malakas subalit hungkag at salat sa katotohanan.
Huwag nagpapaniwala at magpapadala sa mga surveys. Ang mga surveys ay di sumasalamin ng uri ng gobyernong isusulong ng nasabing kandidato kungdi ito’y nagsasabi lamang kung sino ang popular sa oras at pagkakataong ginawa ang surveys. Ang mahalaga pa rin ay ang magagawa ng kandidatong ihahalal kapag nailuklok na sa mataas na puwesto ng pamahalaan.
At bilang tulong sa mga kababayan natin na di pa nakapagde-decide kung sino ang iboboto bilang Pangulo ng Pilipinas, narito ang talaan ng mga kumakandidato at plataporma de gobyerno nila:
1) Benigno Simeon “Noynoy” C. Aquino III (Liberal Party) – kanyang isinusulong ang transformational leadership o yaong mula sa dating Pangulong tinu-tolerate ang corruption patungo sa Bagong Pangulo na siyang unang susugpo sa corruption.
2) Eduardo “Brother Eddie” Villanueva (Bagong Pilipinas Party) – naniniwala ang Bagong Pilipinas Party na upang maiahon ang bansa sa kanyang nakalulunos na kalagayan ng corruption, injustice and poverty ay dapat magkaroon ng pagbabago ang namumuno at mga mamamayan at ibalik ang pagmamahal sa Diyos at sa bayan na siyang kailangan para maibangon muli ang Pilipinas. Isinusulong ni Bro. Eddie ang 7 E’s – empower the people, emancipate the people, educate the people, energize the economy, elevate the living standards of the people, eradicate bad governance, and establish peace in the land.
3) Gilberto Eduardo Gerardo “Gibo” Cojuangco Teodoro, Jr. (Lakas Kampi CMD) – kanya namang isusulong ang basic education reform, health care, agricuture and long-term infrastructure planning bilang pangunahing layunin ng kanyang pamamahala. Kanyang isusulong na ang mga mahihirap ay makatapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng loan mula sa gobyerno.
4) John Carlos “JC” de los Reyes (Ang Kapatiran Party) – ang kanyang partido ay naglalayon na maging bahagi ng pamamahala ang paghahari ng Diyos sa mga nanunungkulan at ang pamumuhay ng matuwid. Kanyang isinusulong ang abolition of pork barrel system, of gambing, death penalty at ang paggamit ng karahasan.
5) Jose Marcelo “Erap” Ejercito (Puwersa ng Masang Pilipino) – isinusulong ni Estrada ang political, economic and social reforms. Sa economic, isusulong niya ang privatization, deregulation and debt reduction para sa kapakanan ng mga mahihirap. Sa political, ang reconciliation with the insurgents at patas na pagpapatupad ng batas. At sa social reforms, ang pagkakaroon ng equal distribution of wealth.
6) Manuel “Manny” Villar, Jr. (Nacionalista Party) – kanyang prayoridad ang pagpuksa ng kahirapan. Nais niya ring isulong ang tinatawag niyang entrepreneurial revolution kung saan bawat mamamayan ay maging bahagi ng pagsulong sa pamamagitan ng pagkakaroon ng negosyong pagkakakitaan.
7) Maria Ana “Jamby” Madrigal (Independent) – nais niyang unahin ang pagpapatanggal ng VFA (Visiting Forces Agreement) at ng JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement), na ayon sa kaniya ay siyang nagpapahirap pa sa Pilipinas. Nais niyang itaas ang sweldo ng mga guro at mga kawani ng gobyerno.
8) Nicanor “Nick” Perlas (Partido ng Marangal na Sambayanan) – nais niyang isulong ang tinatawag niyang participatory democracy kung saan kasama ang taong-bayan sa pamamahala at pagpapatupad ng demokrasiya. Nais niyang puksain ang kahirapan at itaguyod ang pagkakaroon ng pantay na pamumuhay ng bawat mamamayan.
9) Richard “Dick” Gordon (Bagumbayan) – kanya namang isinusulong ang iahon ang Pilipinas sa kahirapang nararanasan nito. Kanyang minumungkahi ang pagkakaroon ng transformation na magsisimula sa bawat Pilipino. Nais niya na magkaroon ng isang bansang edukado ang mga mamamayan.
Ito ang ilan sa mga katangian ng plataporma ng bawat kumakandidatong Pangulo ng Pilipinas na kailangan nating malaman upang masagot ang katanungang “Sino ang Presidente Mo”.
Nasasaatin pa rin ang huling desisyon kung sino ang nararapat na iboto. Ang dapat pakatandaan – gamitin ang puso’t isipan sa pagpili ng magiging bagong Pangulo ng Pilipinas.
Don’t just vote right, but vote responsibly.
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment